Kabanata 25: Lakas ng sinugo (1)

151 23 0
                                    

25- Lakas ng sinugo (1)

Virtus, Arcania

Bumilis ang tibok ng puso ni Lory nang dumagdag pa sa problema ang biglang paglitaw ni Medeus. Hindi niya alam kung paano uumpisahan na matulungan ang mga magulang kung maging sa kaharian ay kinakailangan din siya.

"Ako ang gusto mo?" Nabaling ang atensyon ni Medeus kay Lory.

Nagulat naman si George sa ginawa ni Lory na mag-anyong lobo. Una itong sumalakay papunta kay Medeus at walang pag-aalinlangang binigyan ng mataas na paglundag.

Tumulong si Amadeus sa paglaban sa kaniyang kapatid habang sinenyasan ni Prinsipe Judiel na kalabanin ang mga lumusob na bampira.

Walang tigil ang pagbagsak ng ulan na sinabayan pa ng pakikipaglaban sa mga panig. Sa kabilang banda, ginagamit ni Lory ang abilidad niya na Sanctus upang salagin ang mga ibinabatong apoy ni Medeus. Makikitaan na hasa na ito sa paggamit ng kapangyarihan dahil sa tuwing ibinabato ang apoy sa kaniya, siya namang binabalik nito upang matamaan si Medeus.

Gamit ang kidlat, nagtulong sina Lory at Amadeus na palibutan ito ng kanilang kapangyarihan. Mabilis na nag-anyong bampira si Lory at ginabayan ang kidlat para makabuo ng bilog na hawla. Sa hindi inaasahang pagkakataon, natamaan si Lory ng nagbabagang rehas na ibinato ng katunggali. Nawalan ito sa pokus kaya naman nawala ang binubuo nilang bitag para kay Medeus. Ang paso sa braso ng sinugo ay nagmarka ng itim. Hindi maipaliwanag ni Lory ang sakit na nadarama gayong daplis lamang ang kaniyang natamo. Kaagad siyang nanghina at napaupo sa lupa.

Naalarma si Medeus pati na rin si George sa kaniyang sinapit.

"Neva borno buske!" Bitaw ng mahika ng bathaluman. Naglabas ng orb ang kaniyang tungkod na direktang tumama kay Medeus. Hindi ito nakailag kaya sumapul ito sa kaniyang dibdib.

Ginamit ng nobyo ang pagkakataon para alalayan si Lory na makatayo.

"Lory, gamitin mo ang boltahe ng Sanctus sa iyong katawan. Ang rehas na ibinato sa'yo ay may halong lason kaya nanghihina ka." Paliwanag ng bathaluman habang nakatuon sa kapatid.

Pinagpapawisan si Lory dahil hindi malaman ang gagawin. Huminga siya nang malalim para gawin ang sinasabi ng bathaluman.

"Hindi ako magpapagapi. Kailangan ako ng magulang ko. Kailangan ako ng Arcania. Kaya ko 'to."

Arcania: The Rebirth of Lory ✓Where stories live. Discover now