Kabanata 1: Ang bagong sinugo ng buhay

1.4K 84 0
                                    

1- Ang bagong sinugo ng buhay

"A-arcania?"

Tila narinig ko na ang lugar na iyon. Hindi ko lang mapantig ngunit pamilyar sa akin ang salitang iyon.

"Oo. Nasa Arcania ka. Bilang ikaw ang bagong sinugo ng buhay, ikaw ay nakatakdang ipakasal sa akin upang maisakatuparan ang itinakda. Isa itong tradisyon upang maging ganap kang bampira."

"A-anong sabi mo? Ni hindi kita kilala kaya paumanhin ginoo, hindi ako magpapakasal sa iyo. At ano ang sinasabi mong maging ganap na bampira? Kung mamarapatin at iisipin mo, isa lamang akong hamak na tao. Kung kaya, nais kong paalisin mo na ako sa lugar na ito."

"Hindi maaari. Wala ka bang naaalala? Hindi ka rin ba nagtataka kung bakit ka napunta sa lugar na ito? Ngunit bago ang lahat, ako si Prinsipe Judiel, isang karangalan ang makita ka sa aking kaharian dito sa Arcania." Nakangiti pa rin niyang banggit sa akin. Kinuha niya ang aking kamay sabay dampi sa kaniyang labi.

"P-pero—"

"Naghanda kami ng salo-salo sa iyong muling pagkabuhay. Halika't daluhan mo ang iyong magiging bagong masasakupan." Hinila niya ako at isinakay sa kalesang napapalibutan ng mga kawal.

Naguguluhan ako.

Bakit nga ba ako nandirito?

Maraming bumabagabag sa aking isipan ngunit hindi ko mailabas upang masabi.

"Lory, tantiya ko ay maraming bumabagabag sa iyong isipan. Hayaan mo, ipapaliwanag ko sa iyo ang lahat pagkatapos ng salo-salo." Tanging tango ang nagawa ko at linihis ang paningin sa kaniya.

Ilang sandali pa ay tumigil na sa paglalakad ang mga kabayo. Nagsimulang umingay ang mga nasa labas kasabay ng pagpapatunog ng mga trumpeta.

"Mga mahal na Arcanian, ang ating pinakahihintay ay dumating na. Nasa harapan na natin ngayon ang magliligtas sa kinabukasan ng ating kaharian. Ating ipagbunyi ang kaisang dibdib ni Prinsipe Judiel, si Lory Suarez, ang bagong sinugo ng buhay! Ating palakpakan ang kaniyang pagdating!" Ulat ng isang kawal sa mga nilalang sa kaniyang harapan.

"Kaisang dibdib? Hindi sabi ako pumapayag—"

"Lory, alam ko. Ngunit pakiusap, daluhan mo muna sila. Matagal ka na naming hinihintay. Miski ako, matagal kitang hinintay. Ang iyong presensiya ang nagpapasaya sa amin ngayon. Tulad ng sabi ko kanina, aking ipapaliwanag ang lahat-lahat sa iyo kapag natapos ang selebrasyon. Pinapangako ko."

Nag-isip ako nang mabuti sa sinabi niya. Huminga ako nang malalim bago tumango bilang pagsang-ayon sa kaniyang kahilingan.

"Sige. Pumapayag ako. Ang usapan ay usapan."

Nagitla ako nang bigla niya akong yakapin at nagpasalamat.

Lumabas ako sa kinauupuan tulad ng sinabi ni Prinsipe Judiel. Lumakas ang mga hiyawan tanda na natutuwa silang makita ako.

May lumapit sa akin na batang lalaki at sinabitan ako ng kumpol ng mga bulaklak. Ngumiti ako rito at binigyan ng isang yakap.

Nagbigay ng salita si Prinsipe Judiel sa kaniyang nasasakupan ukol sa aking pagdating. Nagpatuloy ang kasiyahan habang ako ay sumusunod sa daloy ng selebrasyon.

👹👹👹

Bago ang lahat, maligayang bagong taon!

Arcania: The Rebirth of Lory ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon