33rd Death: Walk

411 28 0
                                    

SHACYNE

Ano ba ang dapat gawin kapag harap-harapan ka ng niloloko? Dapat na bang komprontahin? O magmaang-maangan na lang?

"Ano bang gagawin ko sa dalawang manloloko na 'to?" mahinang tanong ko dahil sarili ko lang naman ang kausap ko. "Peste. Parang pati ako ay mababaliw na sa mga nangyayari."

Pinapanood ko lang ang tatlo na mga nakatanga habang niluluto ang kani-kanilang hotdog na nakatusok sa stick sa bonfire na kanilang ginawa. Nakaupo ako sa hagdanan ng sasakyan at binabantayan si Rasharzi na tulog pa rin hanggang ngayon. E kung tuluyan ko na lang kaya siya?

"You're over thinking again, Shane." Sumulpot si Keann sa harapan ko matapos tumalon mula sa bubong ng sasakyan. Sumandal siya sa gilid ng sasakyan at saka humalukipkip. "Isip ka nang isip sa mga taong hindi ka naman iniisip. 'Wag kang martyr, kaibigan."

Napasimangot ako sa sinabi niya at nangalumbaba. "I need to." Dahil mas lalo akong mababaliw kung wala akong iisipin.

"Marunong ba kayong mag-fliptop?" May kalakasan ang boses ni Keann kaya naman narinig siya noong tatlo at nilingon. "Alam kong marunong kayo no'n kaya iyon na lang ang laruin natin. Kampi kami ni Lanie tapos kayong dalawa at audience naman si Shane."

Anak ng tokwa! Idinamay pa ako! Napaikot ako ng mga mata at pinanood siyang maglakad papalapit sa tatlo at maupo sa tabi ni Lailanie. Napailing na lang ako dahil alam kong may hidden agenda siya at alam ko rin kung ano iyon.

Lumingon siya sa akin at kinindatan ako bago harapin ang mga lalaki. Nakikuha rin siya ng hotdog at nagluto. Pero sa halip na kainin iyon ay ibinigay niya iyon kay Jeremy na tumayo naman at naglakad papunta sa akin. Inilahad niya iyon sa harapan ko.

"Ate Shane, kumain ka na rin po kaya?" tanong niya nang titigan ko lang ang hotdog na hawak niya. "Kunin mo na, Ate. Nakakangawit na."

Naikuyom ko ang kamao na agad ko ring inalis. Tiningnan ko siya at nginitian bago kunin iyon. "Salamat."

Tumango lang siya at walang imik na bumalik sa pwesto niya. Marahas akong napabuga ng hangin. Kumalma ka lang, Ayen.

Mariin akong napapikit sa halo-halong nararamdaman. Nitong mga nakaraang araw ay nahihirapan na akong pakalmahin ang sarili ko at parang gusto ko na lang sumabog. Tumayo ako dala ang hotdog at naglakad palayo sa kanila. Kailangan kong pakalmahin ang sarili bago pa man ako makagawa ng padalos-dalos na kilos. Tumingin ako sa buwan na may napapagod na mga mata. Sino bang hindi? Pagod na akong makita ang lugar na ito. Pati na rin ang mga bagay na nandito. Napapagod na akong kumilos at lumaban. Pagod na pagod na ako sa lahat ng ito pero wala naman akong magawa para mapawi ang pagod na ito. Ang saklap lang ng katotohanan na ang tanging magagawa ko lang sa ngayon ay ang magreklamo at magtiis.

Mapaiit akong napangiti hanggang aa mapalitan iyon ng determinadong tingin at nakakalokong ngisi.

Babawiin ko ang lahat ng kinuha n'yo sa akin.

NAGISING ako sa pakiramdam na may nakatingin sa akin. Pagmulat ko pa lang ng mga mata ay nagtama ang mga paningin namin ni Rasharzi. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o mainis dahil gising na siya. Wala akong ibang maramdaman dahil hindi lang puso ko ang nabablangko kundi pati na rin ang isip ko.

"You don't have to stare at me like that. Hindi naman ako mawawala sa paningin mo." Ngumisi siya kaya napairap ako na ikinatawa niya.

Ang kapal ng pagmumukha ng isang ito. Hindi ako nagsalita at inilibot na lang ang tingin ko sa paligid. Nasa sasakyan ako at katabi ko si Jeremy na nakayakap at nakasandal sa akin. Nasa unahan ko si Rasharzi na sa akin naman nakaharap. Mangawit sana ang leeg nito.

Katabi niya si Tyrone na mukhang natutulog habang nasa passenger seat si Lailanie at si Kelly Ann ang nagmamaneho. Nagtama ang paningin namin nang sumilip siya sa rearview mirror at binigyan ako ng mahinang iling. Hindi ako nag-react o nagsalita man lang. Ibinalik ko na lang ang tingin kay Rasharzi na nasa akin pa rin ang paningin. Tinaasan ko siya ng kilay pero nakangiting umiling-iling siya. Nasisiraan na yata ito ng ulo.

"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong ko sa malambing na tono. Marahan ko ring hinaplos ang mukha niya. "Masakit pa ba ang mga sugat mo?"

Hindi naman sa nasusuka ako sa ginagawa pero parang ganoon na rin nga. Nangangati nga ang kamay ko na paikutin ang ulo niya ng 360 degrees. Napailing ako sa naisip. Pambihira talaga ang buhay ko. Puro kamalasan.

"Ayos na ako. Magaling ang nurse ko e." nakangiting sagot niya na sinamahan pa ng pagkindat.

Tusukin ko kaya ang mga mata nito? Napataas ang sulok ng labi ko dahil magandang ideya iyon. Mahinang tinampal ko ang pisngi niya. Gusto ko sanang lakasan pero 'wag na lang. Kung sasaktan ko man siya ng pisikal ay ayaw kong sampalin lang siya. Gusto ko iyong namimilipit sa sakit para masaya.

"Malamang, kailangan kong maging magaling sa lahat ng bagay kung gusto ko pang mabuhay." makahulugang sagot ko at tumingin ulit sa rearview mirror. "Itigil mo sa isang tabi ang sasakyan, Kelly Ann. Maglalakad na kami mula rito."

"Kami?" Tumingin din siya sa salamin kaya nagtama na naman ang paningin namin. "Okay, utos mo e. Syempre, susundin ko. Sino ba naman ako para magreklamo di ba? Heto na po, mahal na reyna. Maaari na kayong bumaba. Baka gusto mong ipaglatag pa kita ng red carpet?"

Sa inihaba-haba ng litanya niya ay ititigil din naman pala niya ang sasakyan. Sa mga panahon nagkasama kami ay nasanay na ako sa bunganga niya na daig pa ang armalite sa kaingayan. May mga pagkakataong tahimik siya pero nasisiguro kong sa utak naman niya siya nag-iingay. At kadalasanay puro kalokohan pa iyon.

"Ate Shane, bakit po tumigil?" tanong ni Jeremy na kagigising lang.

"Dahil may pupuntahan tayo." sagot ko at ngumiti nang mabilis niya akong lingunin. Ginulo ko ang buhok niya. "Bakit? May angal ka?"

Subukan mo lang na sumagot ng oo at walang pagdadalawang-isip na ihahagis kita palabas ng sasakyan.

"Syempre hindi ate." sagot niya at ngumiti pabalik kahit nakikita ko ang inis sa mga mata niya.

"Wow, ang bait-bait talaga ng baby ko." puri ko at pinisil ang magkabilang pisngi niya. Gusto ko sana siyang lamutakin ng matindi hanggang sa masira ang pagmumukha niya pero sa susunod na lang siguro. "Sige na. Baba na."

"Hindi ka nagbibiro, Shane?" paniniguro ni Tyrone.

Kung may ranking ang kamanhidan, itong isang ito ang top notcher.

"Hindi ako marunong no'n." Tumaas ang sulok ng labi ko. "Bababa kayo o sisipain ko kayo pababa?"

Kakamot-kamot ang ulo na bumaba si Tyrone at walang salitang sumunod si Lailanie. Nakita ko ang pagdadalawang-isip sa mga mata ni Jeremy kaya tinapik-tapik ko ang balikat niya na may kasamang pagtulak.

Kapag hindi ka pa bumaba, lalakasan ko na 'to.

Bumuntong-hininga siya at bumaba na rin. Ganoon din si Rasharzi. Ako ang huling bumaba kaya nagkaroon pa ako ng pagkakataon na bigyan ng makahulugang tingin si Kelly Ann.

Be safe and get everyone ready.

CIEATHWhere stories live. Discover now