Prologue

1.9K 65 5
                                    

Prologue

"Ano bang ginagawa natin dito?" tanong ni Ella kay John. Inihinto nito ang kotse sa tapat ng isang mataas na pader.

"Papasok at didiskubrehin kung totoo ang mga haka-haka." Kumindat si John bago lumabas ng sasakyan. Sumunod naman agad si Ella na nagulat sa narinig.

"Ano?! Nagbibiro ka lang 'di ba? John, hindi magandang biro 'yan." angil niya sa lalaki. "Kapag nalaman ito ni Kuya ay pareho tayong malilintikan!"

Tutol na nga ang kapatid niya sa kanyang pagboboyfriend tapos susuwayin pa niya ang isa sa mga ipinagbabawal nito? Baka hindi na lang grounded ang iparusa nito sa kanya, baka kumuha pa ito ng bodyguard para lang mabantayan siya. Bukod doon ay hindi rin niya gusto ang ideyang papasok doon. Hindi niya gusto ang vibes ng lugar lalo na at gabi kaya mas creepy ang ambiance rito. Pakiramdam rin niya ay may nagmamasid sa kanila. Padabog na isinara ni John ang trunk ng kotse at masama siyang tiningnan. Nawala iyon at napalitan ng ngisi. Lumapit ito sa kanya at siniil siya ng halik.

"Sasama ka sa akin sa ayaw at sa gusto mo. Naiintindihan mo?" Tinutukan siya nito ng isang malamig na bakal sa ilalim ng baba. Hindi siya tanga para hindi malamang baril iyon.

"O-oo, sasama ako." Nauutal siya sa kaba at takot. Hindi niya inaasahan ang pagtrato nito sa kanya.

"Good." nakangiting wika nito at ginulo ang buhok niya bago itago ang baril.

Wala na siyang magagawa kundi sumama rito. Sa sobrang taas ng pader ay hindi nila makita kung ano nasa loob. Nag-umpisa na si John sa paghahanap ng sikretong lagusan. Ang kotse nila ay nasa gitna ng dalawang gubat. Ang aisle ay gawa sa lubak-lubak na lupa kung nasaan ang sasakyan nila. Tumulong si Ella sa paghahanap. Ngunit sinubukan na nila ang lahat ay walang lagusan o pintuan na lumabas.

"John, baka wala talaga---" Naputol ang sasabihin ni Ella nang yumanig at bumukas ang tila elevator na sumulpot na lang sa gitna ng pader.

"O, may sinasabi ka?" Ngumisi si John at hinila na si Ella papasok doon.

Kadiliman ang bumungad sa kanila. Napatalon si Ella sa gulat nang sumara ang pintuan sa kanilang likod. Kumakabog na ang dibdib niya sa sobrang kaba at takot. Napahawak siya sa braso ng lalaki na nakangisi at hawak na ulit ang baril. Nakatutok ito sa unahan at handa ng bumaril kung kinakailangan. Gaboon na lamang ang gulat niya nang bumukas ang nasa harapan nila. Sa sobrang dilim ay hindi nila makita ang paligid at ang pintuang nasa unahan lang pala nila. Humakbang si John palabas. At dahil nakahawak siya rito ay sumunod siya.

Nanlaki ang mga mata niya nang makitang napakagulo ng lugar. May mga building na nagtumbahan, mga sasakyang wala sa ayos, mga tindahang pakislap-kislap ang mga ilaw at mga bakas ng dugo.

"Bumalik na tayo, John." aniya sa nanginginig na boses.

"We can't. Nagsarado na ang pinto." kinakabahan na ring wika ni John.

"J-John, tingnan mo 'yon." Dahan-dahang itinuro ni Ella ang ilalim ng isang truck. Hindi na niya napigilan ang maluha dahil doon.

"Shit." Napamura at napalunok si John nang makita ang itinuturo nito. Isa 'yong putol na ulo ng babae. Nakaharap ito sa direksyon nila kaya nakita nilang wala ang pareho nitong mga mata.

Mas lalong napahawak si Ella kay John nang maramdaman ang paggulong ng kung ano sa paa niya. Dahan-dahan niya iyong tiningnan at ganoon na lamang ang pag-iyak niya. Nanghihilakbot siya sa nakita. Hindi na niya kailangan pang kunin ang atensyon ng lalaki dahil kusa na itong lumingon doon. Napalunok silang pareho nang makarinig ng pag-angil. Nagulat na lang siya nang magtago ang lalaki sa likuran niya. Panandaliang nawala ang takot at napalitan ng iritasyon. Ang lakas ng loob nitong ayain siyang pumasok dito gayong matatakutin din pala ito. At siya pa ang gagawing panangga.

Napaatras siya nang hilahin siya nito. Doon na niya nakita na may nakatayo na pala sa harapan nila.

"A-ano..." Hindi niya alam ang sasabihin dahil sa kakaibang nilalang na nasa harapan nila. Isa itong aso na may taas na apat na talampakan sa tantiya niya. Pero hindi 'yon ang talagang ikinakagulat niya. Dahil dalawa ang ulo nito at mahaba at matulis pa ang dila!

Sa 'di kalayuan ay napaismid ang isang nilalang na kanina pa nagmamasid. Pinapanood na niya ang dalawa mula sa pagpasok nito. Nakaramdam siya ng iritasyon sa lalaki nang tumili ito na parang babae at itinulak pa ang babae sa aso bago kumaripas ng takbo. Napairap siya sa katangahang ginawa nito at naiiling na tumalikod na. Kasabay niyon ay ang malakas na paghiyaw ng lalaki sa sakit at paulit-ulit na paghingi ng tulong nito. Bumuntong-hininga siya at umalis na roon.

CIEATHWhere stories live. Discover now