21st Death: Untitled

575 39 0
                                    

JEREMY

"PWEDE bang bilis-bilisan n'yo naman?! Daig n'yo pa ang pagong sa sobrang bagal!" singhal ni Ate Shane.

Napanguso ako. Mula ng umalis kami sa unit niya ay nagsimula na rin siyang manermon. Hindi ko na nga alam kung pang-ilan na niya 'yan. Nagtataka nga rin ako kung bakit mainit ang ulo niya samantalang nag-usap lang naman sila ni Boss kahapon. Hindi ko nakita ang buong pangyayari dahil hinila na naman ako nina Lanie palayo sa dalawa kahapon.

"Anong ginawa mo, Archi?" Nagdududang tiningnan ni Lanie si Boss.

"Wala naman." Bahagyang tumawa si Boss na para bang may kalokohan siyang nagawa at naalala. Tumingin siya sa nauunang naglakad na si Ate Shane. "Baby, we should take everything slowly."

"Tss." angil ni Ate Shane at nilingon ako. "Bata, bilisan mo. Dito ka sa akin."

Napangiti ako at agad lumapit sa kanya. "Ateeeee."

"Silence, Je." suway niya sa akin at saka lumingon kay Alliah. "Wag kayong tatanga-tanga dahil pinagbabawal ko 'yon dito."

Natahimik kami sa sinabi niya. Kataka-taka na paglabas namin kaninang umaga ay walang mga nilalang na nakabantay sa labas. Ang sabi ni Ate Shane ay tuwing umaga lang naman daw lumalabas ang mga zombie. Nagtaka nga rin daw siya dahil ilang araw ding magdamag na nanatili ang mga 'yon at nagpakalat-kalat. Ngayon ay wala kaming makita na kahit isa sa kanila.

"Shane, bakit ba ang sungit mo ngayon?" tanong ni Tyrone na para bang matagal na silang magkabarkada.

Napanguso ako. Kahit kaibigan ko siya ay ayaw kong nagiging malapit siya sa ate ko. Alam ko pa naman ang liko ng bituka ng isang 'to.

"Don't talk to him, Ate." bulong ko sa kanya. "May virus ang isang 'yan. Baka mahawa ka."

"Virus?" Salubong ang kilay niya habang alertong pinagmamasdan ang paligid.

Hehe. Ang cute-cute ni Ate.

"Kalantyrone virus. Kalantari plus Tyrone equals kalantyrone."

"Tss. Kalantari also means malandi and I know that he's really a flirt."

"Wag kang magpapaakit, Ate Shane. Ayaw ko sa kanya." Ngumuso ako pero napangiti rin nang ipatong niya ang kamay sa ulo ko.

Hindi ko alam pero bigla ay parang gusto kong maiyak. Noon pa man ay may kakaiba na akong nararamdaman kay Ate Shane. Gusto kong maging malapit sa kanya at maranasan kung paano maalagaan ng tulad niya. At hindi naman niya ako binigo. Ako man ang bunso nila Lanie, hindi ko naman naramdaman sa kanila ang nararamdaman ko kay Ate Shane. Tuwang-tuwa ang puso ko sa tuwing binebaby niya ako.

"I won't. I have my baby with me." Ngumiti siya na naging dahilan para yakapin s'ya.

Masyadong matamis ang ngiti niya at natutuwa akong sa akin lang siya madalas na ganito. May parte sa akin na ayaw mawala ang atensyong ibinibigay niya sa 'kin pero ayaw kong maging selfish. Alam kong may tao siyang pagbabalingan ng atensyon niya na higit pa sa ibinibigay niya sa 'kin.

"Ate Shaneeeeee~"

"Tss. Mamaya ka na mag-drama may mga parating." Bigla ay naging seryoso siya at ganoon na rin ako. "Hawakan mo lang ang haril at maging alerto."

Kinuha ko ang baril na ibinigay niya. Sa gilid lang ng bag ko ito inilagay para mabilis makuha. Ayaw ni Ate Shane na hawak-hawak ko ito dahil sasabihan na lang niya ako kung kailan ko dapat gamitin. Ang espada ay nasa bewang ko para mabilis hugutin.

"Use that ladder, Jeremy." Itinuro ni Boss ang hagdan na nasa pader ng isang building.

"Umakyat na lang muna kayo. Kami na lang muna ang lalaban." Diretsong nakatingin si Ate Shane kay Boss na napatango na lang.

"Kasama ka, Alliah." wika ni Boss na ikinalaki ng mga mata niya.

"P-pero, Archi---"

"Subukan mong mag-drama, itatarak ko sa bunganga mo ang espadang 'to." Mabilis na naitutok ni Ate Shane ang espada niya kay Alliah. "Hindi kita gusto kaya hindi kita poprotektahan. At subukan lang din ng isang ito na gawin ang ayaw ko, tapos ang kasunduan."

"She's my boss." Bakas ang pagka-proud sa boses ni Boss.

Napanguso ako at napaisip. Anong kasunduan 'yon?

Wala kaming alam sa pinag-usapan nila dahil binigyan nga namin sila ng privacy. Pero dahil sa dinaig pa ni Boss ang maamong tuta, mukhang kay Ate Shane papabor ang lahat.

"Umakyat na kayo, Lanie. Maiiwan sa amin ang isang 'to." Tumaas ang sulok ni Ate Shane. "Ayaw kong makitang malapit ka sa batang 'to dahil baka ilaglag mo pa siya sa hagdan na 'yon."

Hindi ko magawang magalit kay Ate Shane dahil ang cute-cute niya at tuwang-tuwa ako sa ginagawa niyang pagprotekta sa akin. Bagay na naranasan ko naman sa pangangalaga ni Boss pero hindi kasing tindi nitong si Ate Shane. Para kasing ipaglalaban niya ako hangga't kaya niya. Wala na rin naman akong pakialam kay Alliah. Oo nga at kinakausap ko siya paminsan-minsan pero hanggang doon na lang 'yon. Kailangan kong dumistansya sa kanya kung gusto ko pang mabuhay ng mahaba-haba.

Walang nakapagsalita sa amin at walang angal na umakyat na lang kami sa hagdanan. Kinailangan pa naming bumwelo para makatapak sa pader para maabot ang hagdan. Masyado kasi 'yong mataas na kailangan talagang bumwelo at tumalon. Nasa hagdan na kami nang dumating ang mga nilalang na hindi ko maintindihan.

Mga tao sila na ang buhok ay reggae ang style. May buhok sa panga at baba, may makapal na buhok sa braso hanggang kamay na may matatalas at mahahaba na kuko at may buhok din sila sa binti. Shorts lang ang suot ng mga lalaki at short at bra naman sa mga babae.

Huhuhu! Ang papangit nila!

"They are the werewolves of this city." wika ni Ate Shane. "There's a lot of creatures here that will shock the hell out of you."

"But you're the only one who can shock the hell out of me." inosenteng wika ni Boss na kumikislap pa ang mga mata.  Hindi sumagot si Ate Shane at masama lang ang tingin sa kanya.

"Ate Shane, nagiging aso ba sila?" tanong ko.

"Nope." Nilingon ni Ate Shane ang grupo nila. "You either strike the heart or cut the head off the body. But I always choose the latter."

Inikot niya sa kamay ang espada at walang pasabing sumugod doon. Kahit pinupugutan na niya sila ng ulo ay hindi ko inaalis ang paningin ko sa kanya. Malinis ang kilos niya na para bang napakagaan lang ng katawan niya. Mabilis din siya kung kumilos at umatake kaya wala talagang magagawa ang kalaban sa kanya. Pinagmamasdan ko ang kilos ng mga kalaban. Mabilis din silang kumilos at para bang pinag-iisipan nila ang gagawing pag-atake. May ilang sumusubok na umilag sa espada ni Ate Shane pero wala ring nagagawa dahil hindi sila pinapalampas ng espada niya. Katulong niya si Boss sa pagpatay sa maraming kalaban samantalang panay naman ang iyak ni Alliah habang pilit na pinoprotektahan ang sarili.

Naaawa man ako sa kanya ay hindi ako kikilos para tulungan siya. May kung ano sa kanya na hindi ko gusto pero ipinapagsawalang bahala ko lang minsan. Nasa sampu na lang ang natitirang nakatayo nang biglang mapaluhod si Ate Shane at magsisigaw. Nawala sa konsentrasyon si Boss lalo na nang mapahiga si Ate sa kalsada na hawak ang dalawang tenga. Mabilis kaming bumaba sa hagdan at tinulungan sila. Gamit ang espada ko ay pinatay ko ang dalawa na siyang pinakamalapit sa akin bago lapitan si Ate Shane.

"S-shit! Tangina, tama na!" Panay ang mura ni Ate Shane habang pilit na pinapatigil ang kung ano. Dumudugo na rin ang tenga niya at naiiyak na siya.

"Damn it!" Natataranta na rin si Boss at panay na rin ang mura niya.

Hindi niya alam kung saan hahawakan si Ate Shane. Wala kaming nagawa hanggang sa tumigil siya sa pagkilos. Lumapit si Lanie at pinakiramdaman ang pulso niya. Umiling siya at alam ko ang ibig sabihin noon. Kinakabahang tinabig ko siya at ako mismo ang nakiramdam. At tama nga siya, wala akong pintig na maramdaman. Napalunok ako at tumingala para pigilan ang luha.

"K-kuya, wala na. Hindi na siya humihinga."

CIEATHWhere stories live. Discover now