Chapter 7: Ang magaling na Assistant Director

Magsimula sa umpisa
                                    

Translation: Guwapo lagi.

"Nakita natin na marunong pala siyang mag-smirk. Bihira 'yon," dagdag ni Boom. " 'Pag good mood siya, kumakanta-kanta o sumisipol. 'Yon lang ang alam ko."

Pinindot ni Tonya pabalik ang record button. Nakuha niya sa recorder ang mga sinabi nito.

"Seryoso ka talaga, ha? Ni-record mo pa talaga," pansin ni Boom.

"Oo naman. Kailangan kong malaman ang mga ganyang bagay dahil assistant niya ako."

"Walang echos? Assistant niya ako pero kiber naman ako sa mga ganyang bagay."

"Walang echos. Saka, hindi mo kailangan kasi hindi ka naman slow."

Nakatingin na parang nagdududa sa kanya si Boom. Pero nagkibit-balikat na lang ito sa kanya bago sila lumakad palabas ng staff room. Diretso sila sa distribusyon ng packed lunch.

"Do'n tayo sa dating puwesto. Nando'n na si Abo," sabi nito sa kanya.

Nakangiti pa rin siya habang hawak ang sariling lunch. Iba ang plano niya para sa tanghalian.

"Sasabayan ko si Direk mag-lunch ngayon, eh," sabi niya.

Halos kita niya ang ngala-ngala sa pagnganga ni Boom.

"O bakit?" tanong niya sa ngala-ngala nito.

"Seryoso ka?"

Tumango siya rito.

"Bakit? Ano ba talagang mayro'n? Nagdududa na ako sa'yo at sa kanya!"

"Wala. Mas masarap lang 'yong lunch niya," walang anumang sabi niya at mabilis ang paang pumunta sa opisina ni Grey.

***

"Direk! Lunch na," masiglang bungad ni Tonya sa opisina.

Ni hindi siya nilingon ni Grey o binati hanggang sa makapasok siya at maupo sa tagilirang upuan malapit dito.

Kagaya ng dati ay nakaupo ito sa kuwadradong mesa. Nakausod sa gitna ang set ng lunch na para rito. Kaharap nito ang plato na may hiwa ng baked macaroni at garlic bread. Ang bukas na plastic container ng baked mac ay nasa kanan naman nito.

Sinulyapan ni Tonya ang ulam sa set lunch ng lalaki. Sinigang. Ang sa packed lunch niya ay fried chicken. Mas gusto niya ang sinigang.

"Puwedeng trade uli tayo?" nakangiting tanong niya.

Tumango lang ang lalaki.

Pinakatitigan niya ang mukha nito. Hindi ito nagsasalita pero tumango naman. Normal mood na may tango? Hindi ito sumisipol. Hindi good mood? Ibig sabihin... neutral ang mood nito?

Kumunot ang noo niya.

"Why?" untag nito.

"Ha?"

"Bakit kunot ang noo mo? May itatanong ka?"

"Ano'ng mood mo?" aniya. Nakahanda na siyang pumindot sa nakakuwintas na recorder.

Natigilan ito. "Why? Is that important?"

"Oo naman."

"I don't know how to answer that," anitong nagkibit-balikat."I feel fine."

Tumango si Tonya habang hinihila palapit ang mangkok ng sinigang. Inilipat niya ang fried chicken sa plato dapat nito. Sumubo naman si Grey ng baked mac.

"Your baked mac is good," simpleng sabi nito. Hindi nakatingin.

"Talaga?" napakagat sa labi si Tonya at naningkit ang mata sa pagngiti sa lalaki. Nagustuhan ni Grey ang baked mac niya!

The Late Bloomer (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon