Chapter 1 : Thirty three years later

223K 4.3K 1.4K
                                    

TCWDM: Out na for pre-order ang The Late Bloomer part 1 sa shopee account ng Psicom Publishing Inc noong November 15, 2018 pa. May book launch at book signing din sa December 16 at MOA SMX kung saan ilo-launch ang part 2 ng story. Sana makapunta kayo. :)

***

Ilang minuto pagmulat ay nakatunganga na naman si Tonya at hinihintay na magproseso ang mga bagong impormasyong nagisingan. Blangko ang espasyo sa tabi niya kung saan dapat natutulog ang boyfriend na si Hans. Blangko ang paanan ng kama kung saan dapat nakalagay ang brand new na flat screen TV niya. At nang maghalungkat pa siya sa kuwarto ay nalaman niyang nawawala rin ang iba pa: laptop, ATM cards, at piggy banks.

Humikab siya sa pang-alas-dies na sikat ng araw na lumalagos sa bintana. Inaantok pa siya. Anim na oras pa lang siyang nakatutulog mula sa night shift sa trabaho. Nag-iinat na siya nang mag-ring ang cellphone sa tawag ni Mitch, ang bestfriend niya mula high school.

"Tonya! Buti naman, gising ka na. Kanina pa 'ko tumatawag. Pupunta ka sa reunion mamaya?" bakas ang excitement sa boses ng kaibigan.

"Pupunta 'ko, siyempre. Nag-leave na ako sa office," sabi niya rito habang naglalakad papunta sa kusina. Napakakamot siya sa nangangating tagiliran. Sa kaunting galaw ay iniluwa ng kamiseta niya ang namimintog na tiyan.

Iinom sana siya ng malamig na tubig pero nawawala ang ref. Nag-U turn siya, kumuha ng baso, at nagtiyaga sa tubig mula sa gripo sa kitchen sink.

Narinig niyang humagikgik ang kausap.

" 'Oy, buti naman! Magkikita na rin tayo after so many years. Isasama mo ba si Hans?"

Humikab uli siya. Naghahagilap na siya ng coffee maker pero misteryoso rin itong nawawala sa pinagpapatungan. At mukhang isinama nito sa lakad ang nawawala ring microwave oven. Nagsimula na siyang kabahan. Paano niya iinitin ang almusal?

"Niyayaya ko siya kanina pero hindi sumagot, eh. Susubukan kong pilitin pero hindi ako sure."

Pumalatak sa panghihinayang si Mitch. "Kulitin mo. Sayang naman. Hindi ko pa siya nasisilayan."

"Oo, kukulitin ko," sagot niya habang inililibot ang mata sa maliit na apartment. "Alam mo, Mitch, parang nalooban yata kami."

"Ha? Nalooban kayo? Ano'ng nawawala?"

"Marami, eh. Ref, microwave oven, coffee maker, laptop, TV, ATM cards, piggy banks..."

"Ano'ng sabi ni Hans?" may panic sa boses ni Mitch.

"Nawawala rin si Hans, eh," natutop niya ang bibig sa reyalisasyon. "Hala! Nawawala rin nga si Hans! Isinama nila si Hans?"

Hindi nakasagot si Mitch. Nanghihina naman siyang napaupo sa hapag-kainan sa kusina. Napansin niya ang nakatuping papel sa mesa na dinadaganan ng orange na mug niya.

"Tonya, naka-lock ba ang pinto? Tatawag ka ba sa pulis?" tila naguguluhang tanong ng kaibigan.

Napailing siya. Pinanlamigan ng kamay nang abutin ang nakatuping papel.

"I don't think I need to, Mitch." Lumunok siya. "Nag-iwan ng sulat 'yong magnanakaw."

"What? Nag-iwan ng ano?"

"I'll call you later. Babasahin ko muna 'tong sulat."

Ibinaba niya ang cellphone sa mesa. Binuksan ang nakatuping papel at binasa. The letter was short, straight to the point, and to her, confusing. It reads:

Tonya,

I can't marry a boring and fat girl like you. Goodbye. Have a good life.
P.S. I took our money and the appliances.

The Late Bloomer (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon