Part 46

1.5K 73 0
                                    


TULAD ng ipinangako ni Erika ay ipinagluto niya si Pierre ng kalderetang baka para sa dinner. Tulad din noong unang natikman ng lalaki ang luto niya ay sarap na sarap ito. Pinaulanan siya nito ng papuri na ikinataba ng kanyang puso. Pagkatapos kumain ay niyaya siya nitong magkape sa living room habang nanonood ng telebisyon. Doon nila ipinagpatuloy ang kuwentuhan.

"Nasaan ang parents mo? Do you live with them?" tanong ni Pierre.

Umiling si Erika. "Nasa Pampanga sila. I live on my own."

"'Di ba nabanggit mo na only child ka rin? Mahirap maging only child, 'no? Nang sabay na mamatay ang parents ko, wala akong nakaramay sa kalungkutan. Of course, nagluksa rin ang mga kapatid nila, parents, at ibang kamag-anak namin. Pero walang katulad na sakit ang nararamdaman ko nang mga oras na iyon. Kung may kapatid ako, we will help each other move on. But since I do not have someone to share my kind of pain with, mag-isa akong nag-move on."

"Kahit pareho pang buhay ang parents ko, naiintindihan ko ang pinagdaanan mo. Wala ka bang best friend na nakaramay mo nang mga panahong iyon?"

"Meron. Inalalayan niya ako."

"May best friend din ako. Parang kapatid na ang turing namin sa isa't isa. We share everything, from pain to happiness. Siya ang kasama ko sa lahat ng pagsubok na dumarating sa buhay ko at ganoon din ako sa kanya. Sa isa't isa kami humuhugot ng lakas ng loob at pag-asa. Mahal na mahal ko siya. Nakahanda akong gawin ang lahat para tulungan siya kapag kailangan niya ako."

"Ang sarap mo palang maging best friend. Ano ang pangalan ng best friend mo?"

Napatingin si Erika. "Huh? Ah... Kat-kat." Iyon ang palayaw ni Katy noong bata pa ang kaibigan na inayawan na nito noong magdalaga.

"Ang suwerte ni Kat-kat. Sana, maging best friend din kita," sabi ni Pierre, saka siya nginitian.

Napatulala siya sa lalaki. He had that kind of smile that seemed to have the power to immobilize its recipients. He was so handsome. Ipinilig niya ang kanyang ulo. Hindi dapat siya tinatablan ng "powers" ni Pierre. Ngumiti lang siya. Tumingin siya sa relo at napasinghap.

"Grabe, mag-aalas-onse na pala," wika ni Erika.

"Napasarap ang pagkukuwentuhan natin. Hindi tuloy natin namalayan ang oras."

Tumayo na siya. "Uuwi na ako, Sir."

"Ihahatid na kita." Tumayo rin si Pierre.

"Bakit kailangan mo pa akong ihatid?"

"Iniwan mo ang kotse mo sa office, 'di ba? Gabi na. Delikadong mag-taxi, baka mapamahak ka."

"'Wag kang mag-alala, kaya ko ang sarili ko. Salamat." Umakma siyang hahakbang patungo sa pinto pero hinagip ni Pierre ang isang braso niya. Napatingin siya sa kamay nito.

"'Wag nang matigas ang ulo, Erika. Ihahatid na kita."

"Sir, eleven o'clock pa lang. Hindi pa madaling-araw."

"Dito ka na lang matulog kung ayaw mong magpahatid. Sa umaga ka na lang umuwi bago ka pumasok sa office."

"Pero iisa lang ang bedroom dito," napapantastikuhang sabi niya.

"You sleep on my bed. Dito ako sa couch. Mahaba naman ito. Kasya ako rito."

Hindi siya makapaniwala na mag-aabala si Pierre nang ganoon sa kanya.

"Sige na, Erika. Sundin mo ako. May spare ako na toothbrush sa bathroom. Puwede ka ring maligo kung gusto mo."

Wala sa himig ni Pierre na nambabastos ito kaya natitiyak niyang wala itong masamang motibo sa gustong mangyari. Isa pa ay bakit siya pagnanasaan ng lalaki sa ganoong hitsura?

Tila nakahinga ito nang maluwag nang tumango siya. Na-touch siya sa pag-aalala nito.


MULA sa pagkakaharap sa backrest ng couch ay tumalikod si Pierre. Nagulat siya nang makita ang matandang manghuhula na nakahiga sa wooden coffee table. She was lying on her side. Nakatukod ang siko nito sa mesa at nakasapo sa gilid ng ulo ang isang kamay. Ang isang hita ng matanda ay naka-lean forward. Parang naka-pose ito para sa isang sexy pictorial.

Bumalikwas siya ng bangon. "Ano ang ginagawa mo rito? Magbibigay ka na naman ba ng clue?"

"Hindi. Sapat na ang mga clue na ibinigay ko sa 'yo. Nandito ako para ipaalala sa iyo ang kapalaran mo."

"For Christ's sake! Puwede bang umayos kayo?" ani Pierre na ang tinutukoy ay ang pose ng matanda.

Umayos ng upo at nagde-kuwatro ang manghuhula. "Tatlong buwan na lamang at sasapit na ang kaarawan mo. Kailangan mo nang mapakasalan ang babaeng tinutukoy ko kung hindi ay mamamatay ka."

"Wala na akong pakialam sa sinasabi mo. Hindi ako magpapakasal sa kahit na sino. Tanggap ko na kung mamamatay ako. I don't think I deserve to live anyway. Baka makasakit pa uli ako ng babae. Ayoko na. Kaya tumigil ka na sa pagpapakita sa akin. 'Wag mo na akong guluhin pa."

Sa halip na sumagot ay tumawa ang manghuhula. Nang lumakas nang lumakas ang tawa nito ay tinakpan niya ang kanyang mga tainga...

Bumalikwas ng bangon si Pierre. Nasa couch siya pero wala na ang manghuhula sa katapat na mesa. Nasapo niya ang kanyang ulo. Napanaginipan na naman niya ito.

Hindi na siya dinalaw ng antok kahit pinilit niyang makatulog kaya napagpasyahan niyang magtungo sa kusina. Kumuha siya ng yelo bago dumeretso sa bar. Kumuha siya ng isang bote ng whisky at saka bumalik sa couch. Uminom siya para antukin.

Am I really going to die? tanong ni Pierre sa isip.

Kahit tinatanggap na niya ang kamatayan ay masakit pa rin sa kanya na mawawala siya sa mundo sa napakabatang edad. Marami pa siyang gustong gawin at maranasan.

Dahil sa sama ng loob ay naparami ang inom niya.

Fortune Of The Heart [COMPLETED]Where stories live. Discover now