Part 12

2.2K 82 3
                                    


TUMAYO si Erika nang makita si Pierre na papasok sa opisina. "Sir, bakit pumasok ka na kaagad? Mukhang hindi ka pa magaling." She acted as if she was really concerned about him.

Naka-cast pa rin ang kaliwang braso ni Pierre at may mga gauze pa rin ang mga sugat nito sa noo, leeg, at kanang braso. Isang malaking himala ang nangyari sa lalaki. Sa lahat ng mga taong nakasakay sa ill-fated airplane na iyon ay si Pierre lamang ang nabuhay. Naisip tuloy ni Erika na marahil ay tama ang kasabihang hindi madaling mamatay ang masamang damo. But well, she was kind of relieved he was alive. Hindi na siya makadarama pa ng guilt. Ang pagkakaligtas ni Pierre mula sa kamatayan ay nangangahulugan marahil na kailangan pa rin nitong pagbayaran ang ginawa kay Katy.

"I'm bored at home. Isa pa, alam mong marami akong trabahong hindi ko puwedeng pabayaan. Ayokong matambakan."

"Eh, di sana sa bahay ka na lang pansamantalang mag-opisina para hindi mo na kailangang bumiyahe. Kawawa ka naman, Sir. Baka hindi ka gumaling agad kapag inabuso mo ang katawan mo."

"Naisip ko rin iyan. Pero mas gusto kong nakahanda ang lahat ng files ko at nariyan ka kaya mas magandang dito ako sa opisina magtrabaho. Besides, malapit lang ang bahay ko rito at may driver naman ako."

Tumango-tango si Erika. "Ikaw ang bahala."

Ilang saglit pa ay nasa loob na ng opisina si Pierre at nagtatrabaho. Siya naman ay abala sa pag-iisip sa kanyang plano. Napagpasyahan niyang magpahinga muna sa pananabotahe kay Pierre para hindi muna ito maghinala. Saka na lang uli siya kikilos.

Tumunog ang intercom sa tabi ni Erika. Pinapapasok siya ni Pierre sa opisina nito.

"Ano na ang nangyari sa pag-o-observe mo kina Mario at Jordan?" tanong ni Pierre.

"So far, wala pa akong nakikitang kahina-hinala sa mga kilos nila." Ikinuwento ni Erika kung paano lihim na inobserbahan ang galaw ng dalawa.

"Ipagpatuloy mo ang pag-o-observe sa mga galaw nila. Kapag naulit pa nang isang beses ang nangyari ay kukuha na ako ng private investigator na magmamanman sa kanila."

Hindi umimik si Erika. Lalong dapat muna niyang itigil ang ginagawa laban kay Pierre. Magpahinga ka muna, Pierre Benedicto. The moment I get back to my mission, you'll be torn down to pieces.

Sa gitna ng pag-uusap nila ay tumingin si Pierre sa kawalan. Parang bored ito at tila may iniisip. Posibleng na-trauma ang lalaki sa nangyari noong isang linggo. Marahil din ay tuliro pa ito. Siguro ay ganti ng langit kay Pierre ang dinanas nitong traumatic experience. But she doubted it if that experience would change how he lived.

Itatanong sana niya kung maaari na siyang bumalik sa kanyang desk nang magsalita uli si Pierre.

"Erika, do you believe in fortune-telling?"

Kumunot ang noo niya. "Hula? Bakit mo naman naitanong?"

Dinampot ng lalaki ang ball pen sa desk at pinaglaruan iyon ng mga daliri. "Basta. Sabihin mo sa akin, naniniwala ka ba sa hula?"

Saglit pa siyang nag-isip. Ano ang problema nito at nagkainteres tungkol sa hula? "Medyo," kapagkuwan ay sabi nito.

"What do you mean 'medyo'?"

"Naniniwala kasi ako sa paranormal world. May mga taong nakakakita ng mga supernatural creature at ghosts kaya malamang ay totoo rin na may mga tao talagang nakakakita ng future."

Parang mas nabahala si Pierre sa sinabi niya. Naintriga tuloy siya. Parang may kinalaman sa hula ang bumabagabag sa isip ng lalaki.

"Iyong tiyahin ko, hinulaan siya ng isang manghuhula sa Quiapo. Makakapag-asawa raw ng foreign guy ang anak niya. Hayun, nakapag-asawa nga ng Hapon ang pinsan ko." Hindi na binanggit ni Erika na nagtrabaho sa Japan ang pinsan niyang iyon kaya nakilala nito ang Hapon na napangasawa.

Tila lalong natuliro si Pierre.

"Bakit bigla kang nagkainteres sa hula? Type mo bang magpahula, Sir? Gusto mo bang dalhin kita sa isang manghuhula?"

"No!" mabilis na sabi nito. Bahagya pang nanlaki ang mga mata. Mukhang na-realize ni Pierre na naging OA ito sa pagtanggi kaya tumikhim at inayos ang pagsasalita. "No, thanks. Ayokong magpahula."

"May problema ba, Sir?" nakakunot-noong tanong ni Erika.

"Wala," sagot ni Pierre.

Pero parang mayroon, ani Erika sa isip.

"You may go back to your desk." Tumalikod si Pierre at tumingin sa glass wall na overlooking sa labas.

Nakakunot ang noong iniwan niya ang lalaki.

Fortune Of The Heart [COMPLETED]Where stories live. Discover now