Part 7

2.5K 94 0
                                    


"IKAY! Ikay-kay..."

Sumilay ang malungkot na ngiti sa mga labi ni Erika nang tawagin siya ng best friend at kababata niyang si Katy nang bisitahin niya ito. "Ikay" ang palayaw niya noong bata pa siya. Nang lumaki siya ay pinagbawalan na niya ang mga taong malalapit sa kanya na tawagin siya nang ganoon dahil nasasagwaan na siya. Bukod-tanging si Katy ang makulit kaya ganoon pa rin ang tawag nito sa kanya.

Hinaplos ni Erika ang magulong buhok ni Katy. Ngumiti ito at niyakap siya. Again, she got teary-eyed. Masaya siya na kahit paano ay nagagawa na ni Katy na tawagin at yakapin siya. Hindi tulad noong una na hindi talaga siya kilala ng kaibigan.

Inilabas niya ang suklay at sinuklay ang buhok ng kaibigan. Katy was so pretty. Maputi at makinis ang balat. Maganda ang mga mata. It was really a pity that she ended up like that. Just because she had fallen in love with a ruthless heartbreaker.

It broke her to pieces every time she saw Katy. Isa lamang si Katy sa mga babaeng ginamit, pinaluha, sinaktan, at iniwan nang basta ni Pierre. Halos siyam na buwan nang nasa mental hospital ang kaibigan niya. Literal na nabaliw si Katy dahil umibig ito sa maling lalaki. Katy was improving bit by bit in the past few months. Noon ay nagwawala ito kaya sinasaksakan ng sedative at ikinukulong sa isang silid. Ngayon ay malaya na itong nakakalakad at nakikisalamuha sa loob ng ospital. Bagaman nakakakilala na si Katy ay hindi pa rin matino ang pag-iisip ng kaibigan. Ang tanging konsolasyon ni Erika ay ang sinabi ng doktor nito na may pag-asang gumaling si Katy.

Nasa lahi ng pamilya ni Katy ang may tendency na masiraan ng bait. Ang lola nito na nanay ng mama ni Katy ay nabaliw rin nang dumanas ng matinding pagsubok sa buhay. Hindi na nabalik sa katinuan ang lola ni Katy hanggang sa mamatay. Ilan pa sa mga ninuno ng kaibigan ang nakaranas ng ganoon. Pero kung wala namang nakapag-trigger ay hindi daranasin ni Katy ang ganoong sakit.

Awang-awa si Erika sa kinahinatnan ni Katy kaya napagpasyahan niyang iganti ito kay Pierre. Erika naturally possessed a vengeful nature. Gusto niyang turuan ng leksiyon si Pierre. Siya ang magbibigay ng bad karma na nararapat lamang para sa lalaki. Hindi man sa kanya direktang may kasalanan si Pierre ay sinaktan din siya ng lalaki dahil sa nangyari kay Katy. At dahil walang kakayahang gumanti ang kaibigan ay siya ang gagawa niyon.

"Kumain ka na ba?" tanong ni Erika.

Tumango si Katy. "Gusto ko ng ice cream."

Ngumiti siya. "Sige, ibibili kita mamaya."

"Yehey!" Pumalakpak ang kaibigan.

"In the meantime, kuwentuhan mo muna ako tungkol sa mga ginawa mo nitong nakaraang tatlong araw na hindi ako bumisita sa 'yo."

Humagikgik si Katy. "Nagpunta ako sa mall."

"Talaga?" Alam niyang ilusyon lamang ni Katy ang sinabi dahil hindi ito maaaring lumabas ng ospital. "Uuy, nag-malling siya. May binili ka ba?"

"Bumili ako ng laptop."

"Ang sosyal mo naman. Pa-shopping-shopping ka na lang ng laptop ngayon. Ilang laptop ang binili mo?"

"Walo." Ngunit ang mga daliring itinaas ni Katy ay lima lamang.

"Talaga? Ang dami naman. Nasaan na 'yong walong laptop mo?"

"Ewan ko. Pag-uwi ko, wala na akong dala. Baka inagaw ng snatcher."

"Lintik na snatcher 'yon. 'Wag kang mag-alala, ire-report ko siya sa pulis."

Ngumiti si Katy at yumakap uli sa kanya. "Ang bait-bait mo talaga. Sana, dito ka na lang tumira sa bahay ko."

Nag-init ang mga mata ni Erika. Kung hindi siguro nasiraan ng bait si Katy ay napakaganda na sana ng buhay nito. Matalinong babae si Katy. Nakatakda na sanang ma-promote ito bilang sales manager ng kompanyang pinagtatrabahuhan kung hindi ito nawala sa katinuan. Hinayang na hinayang si Erika para sa kaibigan. Kung bakit kasi naging mapangahas si Katy sa pag-ibig at pumasok sa isang relasyong alam nitong hindi maaaring magtagal.

Kapwa sila busy sa trabaho at iba pang mga bagay nang mga panahong may nobyo si Katy kaya bihira silang magkita. Nagkakausap lamang sila sa pamamagitan ng cell phone. Hindi man lang naipakilala ni Katy sa kanya ang nobyo nito. Nalaman na lamang ni Erika kung sino iyon nang mag-confide ito sa kanya tungkol sa pakikipaghiwalay ng nobyo nito.

Dalawang buwan lamang ang naging relasyon nina Katy at Pierre. Nang imbestigahan ni Erika ang pagkatao ni Pierre ay nalaman niyang isa itong playboy at marami nang napaugnay na babae. Doon niya nalamang hindi seryoso ang relasyon nina Erika at Pierre. Hindi niya maintindihan kung bakit pumayag si Katy sa ganoong klaseng setup. Dinibdib nito nang husto ang sinapit kay Pierre hanggang sa unti-unting nakitaan ni Erika ng sintomas ng pagkasira ng ulo si Katy.

The rest was history.

Inilayo niya si Katy at pinagmasdan. "Palagi ka namang dinadalaw ni Mama Lory, 'di ba?" wika ni Erika. Ang mama ni Katy ang tinutukoy niya.

Tumango si Katy. "Lagi siyang may dalang apple."

Hinaplos niya ang buhok ng kaibigan. "Basta tandaan mo na kahit hindi kita araw-araw na nadadalaw ay ako pa rin ang best friend mo." At gagawin ko ang lahat, mabigyan lang ng katarungan ang nangyari sa 'yo.

"Best friend," gagad ni Katy. "Nasaan na ang ice cream ko?"

Napangiti si Erika. Ang akala niya ay nakalimutan na iyon ni Katy.

Fortune Of The Heart [COMPLETED]Where stories live. Discover now