"Pasok ka," saad ko.

Habang naglalakad siya papasok ay bumaba ang paningin ko sa iba't ibang klaseng paperbag na bitbit niya. Mukhang napansin niya ang pagkakatitig ko sa mga iyon kaya nagsalita siya.

"Jefferson told me about the auction so..." marahil ay naisip niyang alam ko ang kaniyang tinutukoy kaya hindi na niya tinapos ang sinasabi at bahagya na lamang iniangat ang mga hawak.

"Pero... ang dami n'yan." Karaniwan ay isa lang na gamit ang ibinibigay ng bawat nag-donate noong mga nakaraang araw. Sobrang ipinagpapasalamat na namin kung dalawa.

Ang makita ang mga hawak niya, masasabi kong paperbag pa lang ay mukhang mamahalin at bagong bago pa ang mga iyon.

"Nako, Jef, ano na namang abala ito..." nasabi ko sa aking isip, ngunit bigla kong naalala na sinang-ayunan ko rin ang ideyang iyon.

"Really?" inosente ang tingin na ipinukol niya sa mga hawak. "I thought this isn't enough. He didn't tell me how many should I give."

"Hayaan mo na," tugon ko at nag-umpisang bumalik sa paglalapag ng mga materyales malapit sa pintuan. "Ilapag mo na lang d'yan sa mesa. Darating na maya-maya si Jef."

Ginawa naman niya ang aking sinabi ngunit napahinto ako at unti-unti siyang nilingong muli nang makita siyang umupo sa upuan at ipinatong ang bag niya sa kaniyang hita. Bahagyang tumaas ang kaniyang magkabilang kilay dahil sa pagkabigla.

"Uhm... I'll be waiting Jefferson."

Gusto kong itanong kung bakit, sa halip ay iba ang lumabas sa aking bibig. "Ah, sige."

Tinuloy ko ang aking ginagawa.

Hindi ko na kailangang manghimasok pa sa kung ano'ng gagawin nila. Hindi ngunit maayos na ulit kami ay mayroon na akong karapatan para kwestyunin ang mga gagawin niya. Tama, matapos ang gabi ng selebrasyon ay naging maayos ang sa pagitan naming dalawa. Hindi man napag-usapan ang aking problema, ramdam ko ang pagiging malapit at kumportable niyang makipag-usap sa akin nitong nagdaang linggo. Na siyang ikinababahala ko dahil ramdam kong mas lumala ang nararamdaman ko para sa kaniya nang muli kaming maging kaswal.

"James?"

"Hmm?" Nabigla ako sa kaniyang pagtawag kaya agad akong napalingon sa gawi niya. Nasaksihan ko ang ginawa niyang paglunok.

"You're staring..." Napansin ko ang bahagyang pagkautal niya. "I mean, on the floor." Sumulyap-sulyap siya sa kaniyang kamay na nakahawak sa kaniyang bag na parang umiiwas ng tingin.

"May naisip lang." Pinilit kong isinantabi ang bumabagabag sa aking isip.

Ganoon din, e. Noong hindi kami nag-uusap dalawa ay pumapasok pa rin siya ang aking isipan. At ngayong maayos na kami ay mas lalo pa niyang pinapasok ang aking isipan. Idagdag pa na minsa'y kinakabog ng puso ko ang aking dibdib kapag nasisilayan nang harap-harapan ang ngiti ni Meriah.

Ito ang iniiwasan kong mangyari. Hindi ito nakakatulong sa aking sitwasyon.

"Uy..." Napatingin ako sa pumasok na si Jef at kasunod niya ang iba pang miyembro. "Good morning nga naman, oo!" nakangisi nitong bati habang inilalapag nila sa mesa ang mga dala.

Napansin naman niya ang mga nakapatong na paperbag sa mesa na galing kay Meriah.

"That..." umpisa ni Meriah ngunit hindi naituloy ang sinasabi nang mabilis na ipaglalabas ni Jef ang laman ng mga paperbag.

"Mga bago pa 'to ah," ani Jef habang tinitingnan ang hawak na dalawang bag na gawa sa leather.

"Oo nga, naka bubble wrap pa ang iba," saad ng iba. Ang isa sa kanila ay may hawak pang kulay pilak na sapatos na may takong.

Patalsikin si Ms. Dayo!Where stories live. Discover now