Ika-dalawampu

48 6 2
                                    

"'Yong sa partner game, ayos na. Kayong dalawa na ang bahalang mag-facilitate doon," pagtutukoy ni Jef sa dalawang miyembro ng aming organisasyon. "'Yong sa seminar, ayos na. Kasya ang budget para sa pambayad sa mga guest speaker at pati na rin sa photobooth," ani Jef, hindi inaalis ang tingin sa hawak niyang notebook kung saan nakasulat ang lahat ng plano para sa mga event na aming gagawin. James, 'yong catering ayos na?"

Nang sulyapan niya ako ay nagtaas lamang ako ng hinlalaki upang sabihin na maayos na ang lahat sa parteng iyon. Kinausap ko na ang dati kong pinagtrabahuhan dahil kailangan namin ng catering services para sa aming inoorganisang seminar. Sa totoo lang, kapos ang aming budget para roon kaya naman ginawan ko ng paraan. Pinabawasan ko ng isang serbidor ang serbisyo nila sa amin upang mabawasan din ang bayad sa kanila. Naisipan kong ako na lamang ang papalit bilang isang serbidor. Hindi ko pa iyon naipapaalam kay Jef pero sa tingin ko naman ay walang magiging problema.

Lahat ng organisasyon at maging ang student council ay abala na dahil sa paghahanda sa foundation week na mag-uumpisa sa susunod na Lunes.

"Paano 'yong sa auction?" tanong ng iba.

"Iyon nga ang problema, e. Kulang pa ng ilang kagamitan para maisagawa 'yon. Hindi naman pupwede na iilan lang ang i-di-display para sa auction."

Isa rin sa naaprubahang aktibidad mula sa aming ginawang output ay ang "Auction for Orphanage" kung saan ang mga bagay na i-bi-bid ay mga gamit na mukha pang bago at ilang beses pa lamang nagamit o hindi gaanong napakinabangan ng mga nag-donate. Ang makakalap na salapi ay i-do-donate sa orphanage na kinausap ni Jef upang matulungan sila.

"Si Meriah... mayaman iyon, 'di ba? Baka makatulong siya," saad ng katabi ko.

"Nako..." Ang ekspresyon ni Jef ay nagpapakita ng pagtutol. "Hindi kaya makaabala tayo? Masyado nang nakakatulong 'yong tao. Ano'ng sa tingin mo, James?" Lumipat ang tingin nito sa akin.

"Siguro, mabuting itanong na rin kung may napaglumaan siyang mga gamit," suhestiyon ko.

Mukhang maalaga naman siya sa gamit at hindi ko pa naman siya nakitaan ng sirang kagamitan. Kung maaari, makapag-do-donate siya ng pupwedeng isama sa auction.

Naging abala ang lahat sa buong linggong ito dahil kasagsagan ng pagsusulit para sa semi-finals kasabay ng paghahanda para sa foundation week. Madalas ay gabi na nakakauwi ang lahat sa aming organisasyon dahil sa pagbuo at pagdidisenyo para sa tatlong aktibidad.

Sa araw ng Linggo ay hindi kami nakapagsimba ni Jane dahil kailangan naming pumasok sa ABU. Sila ay para mag-ensayo ng sayaw para sa kumpetisyong gaganapin din sa foundation week at kami naman ay para sa huling pagsasaayos ng partner game booth at seminar. Ang auction ay sa Huwebes pa gaganapin kaya naman gagawan pa lamang iyon ng brochure kapag umabot na sa tamang dami ng gamit. Sa Martes at Miyerkules ang target na araw upang mamigay ng mga brochure para maipakita ang mga kagamitang maaari nilang magustuhan.

Ako ang kauna-unahang miyembro na nakarating sa aming opisina. Ihinahanda ko na ang mga dinisenyuhang materyales para pagdating ng iba ay ilalabas na lamang ang mga iyon nang mapahinto ako dahil sa kumatok sa pintuan. Nagtungo ako sa pintuan upang buksan iyon.

"Oh..." nasabi ni Meriah, marahil ay hindi inasahang ako ang bubungad sa kaniya. Maging ako ay hindi ko inasahang makikita ko siya ngayon.

Nakasuot ito ng parnelang kulay rosas na pinapatungan ang hapit na bulaklaking suot niya sa loob. Tinernohan niya iyon ng itim na pantalon na hapit din sa kaniya at ng sa tingin ko'y doll shoes–ayon sa tawag ni Jane sa kapareho ng sapatos na suot ni Meriah ngayon.

"Uhm, hello," bati niya at tipid na ngumiti.

Gusto ko itong suklian ng ngiti ngunit hindi ko nagawa.

Patalsikin si Ms. Dayo!Where stories live. Discover now