Ikalawa

95 19 1
                                    

Umupo ako sa upuang nasa hapag-kainan at ipinahinga ang sarili matapos hugasan ang aming pinagkainan. Katatapos lang kanina ng aming huling review para sa kumpetisyon bukas. Nakisuyo kami sa iba naming kaklase nitong mga nakaraang araw upang tulungan kami. Sila ang gumagawa ng tanong na siyang kasama sa tatalakayin sa bawat kategorya at sila rin ang nagtatanong sa amin, una-unahan naman kaming sumasagot. Kung sa solving naman ay gumagamit kami ng papel at unahan pa rin sa pagsagot. Sa paraang iyon ay natutulungan na namin ang sarili na pabilisin ang memorya at pati na rin ang pagsulat. Sa nagdaang buong araw naman ay mga professor ang sumubok sa mga inaral namin at lahat ng kategorya ay sinagot namin.

May apat na kategorya ang Quiz Bee at magbubunutan  bukas ang bawat grupo kung saan-saan malalagay na kategorya ang bawat isa, dahilan kung bakit mas magiging mahirap ang kumpetisyon. Kailangang aralin ang lahat ng subject na kasama sa kategorya.

Nagbuntong hininga ako at sumandal sa inuupuan, nakatingala. Ngayong gabi ko naramdaman ang pagod. Pumikit ako at nadama ang mabilis na tibok ng puso. Alam ko sa sarili na hindi ako kinakabahan para sa kumpetisyon. Ang naiisip ko lang ay kung gaano ako kairita sa pagbalik namin sa paaralang iyon.

"Paano ako aakto kung makita ko bukas ang matapobreng babae?" naisip ko. "Sa laki ng unibersidad nila ay malayo naman sigurong magkita pa kaming muli, ano?" sinubukan kong kumbinsihin ang sarili upang mapanatag.

"Oh, Kuya, magre-review ka pa? Maaga pa tayo bukas, 'di ba?" tanong ni Jane, ang kapatid ko.

Kasama ang junior high at senior high bukas dahil sila ang magiging audience na makakasama namin bukas sa CMU.

"Hindi na. Matulog na tayo. Aagahan ko na lang ang gising bukas para magbasa ulit."

"Wala ba sa'yo ang cellphone mo? Tumatawag daw sa'yo si Mama kanina," aniya kaya kinapa ko ang aking bulsa at wala nga roon ang cellphone. Nasa kwarto ko siguro. "Naghuhugas ka pa ng pinagkainan natin nang tumawag siya sa'yo kaya sa akin na lang siya tumawag. Ipinasabi na lang niya na goodluck daw at alam niyang kayang kaya mong manalo. Saglit lang kasi siya nakatawag dahil nanananghali sila nang nakahanap siya ng chance tumawag sa atin," dagdag pa niya.

Napabuntong hininga ako. Inabala pa ni Mama ang sarili niya. Libu-libong milya na nga ang layo ay inalala pa ako kaysa gugulin ang saglit na oras para sa kaniyang pagkain at pahinga.

"Mag-se-send na lang ako ng message sa kaniya. Matulog ka na rin."

"Sige, Kuya." Lumapit siya sa akin at iniyakap ang braso niya sa aking braso. "Libre mo ako kapag naging gold medalist ka ah!"

Bahagya akong napangisi. Ginulo ko ang buhok niya.

"Oo na, tulog na," aya ko at marahan siyang hinila paakyat sa aming mga kwarto.

Ginulo ko pa ulit ang buhok niya bago ako humiwalay at buksan ang pinto ng kwarto ko.

"Good night, Kuya!" Tiningnan ko lang siya at ngumisi.

Pumasok na ako sa kwarto.

"Nararamdaman ko na ang parating na libre!" pagpaparinig pa niya bago isara ang pinto.

Kinabukasan ay pinanood ko ang pagsikat ng araw habang umiinom ng kape sa terrace. Maya-maya, lumabas din si Jane na humihigop sa malaking tasa na panigurado ay kape rin. Umupo siya sa pasimano malapit sa'kin at itinaas ang mga binti habang ako ay nakatayo pa rin at nakasandal doon. Tahimik siya tuwing kagigising, 'di tulad kapag nasa tamang kondisyon na akala mo ay laging may kuwento at pabigla-bigla kung gumalaw na tila laging nagugulat o biglang may naaalalang gawin. Sa ugali niyang iyon, nagkakasundo sila nina Andeng at Nat sa kadaldalan.

Patalsikin si Ms. Dayo!Where stories live. Discover now