Ikatlo

77 18 0
                                    

"Kuya!" Dinungaw ko ang aking kapatid mula rito sa terrace habang pababa siya ng hagdan. "Tapos na akong mag-ayos, tara na!"

Dalawampung minuto na lang ay mag-uumpisa na ang misa, iyon siguro ang inaalala niya dahil kulang iyon kung gagamitin namin ang bisikleta papunta roon. Nang makarating ito sa kinaroroonan ko ay tinaasan ako nito ng isang kilay. Marahil ay nagtataka dahil sa hindi ko pagmamadali.

Nakasuot siya ng bestida at sandals para sa paa habang ako naman ay nakasuot ng polo shirt, kupas na pantalon at sneakers na sapatos na nabili pa noong nakaraang dalawang taon.

"Sasakay tayo ng tricycle," sabi ko at tumayo sa pagkakaupo sa pasimano.

"Oh? Sasakay pala tayo ng tricycle, hindi mo sinabi agad!"

"Kung sinabi ko, hindi ka magmamadali. Lagi tayong nauubusan ng mauupuan," tugon ko nang may mapaglarong ngisi sa labi habang naglalakad kami palabas sa munti naming tarangkahan.

Natawa lang ito.

"Saan mo nga pala gusto? Kakain tayo sa labas pagkatapos ng simba," sabi ko, naalala si Mama na sana ay kasama namin ngunit nasa ibang bansa.

"Hmm, teka," aniya at nag-isip.

Sana narito rin si Mama at hindi lang ang perang ipinadala niya ang kasama namin.

Nagpadala ng sampung libo si Mama kahapon nang malaman kay Jane na isa ako sa nanalo sa kumpetisyon. May dagdag kumpara sa palagi niyang padala sa amin. Nag-abala pa si Mama. Sana ay isinama na lang niya sa kaniyang ipon ang idinagdag niya sa pinadalang pera sa amin. May natitira pa naman kaming panggastos sa bahay at mayroon pa kaming allowance ni Jane. May ipon din ako na pupwede ko namang bawasan upang ipangkain namin ni Jane sa labas bilang panlilibre ko sa kaniya. Hindi naman ganoon kalaki ang kumpanyang pinagtatrabahuhan niya roon at sa factory pa siya mismo nagtatrabaho kaya hindi ganoon kalaki ang pasahod. Sapat na para bumuhay sa maliit na pamilya at mapag-aral kami sa pampublikong paaralan.

Maayos naman ang sistema ng edukasyon at pamamalakad sa aming unibersidad kaya makakaasa si Mama na maayos ang pagtatapusan namin ni Jane kahit na ito ay public school.

Pumara ako ng tricycle nang makita itong paparating. Pinauna kong papasukin si Jane sa loob at sumunod naman ako.

"Hindi ko pa rin alam, Kuya, kung saan mismo kakain pero mamili na lang tayo mamaya doon sa bayan. Hile-hilera naman ang kainan doon," sagot niya.

"Sa Simbahan ho," sabi ko sa driver bago bumaling sa kapatid. "Akala ko ay lalayo pa tayo kaya ka natagalan sa pag-iisip."

Nais niyang makakaing muli sa siyudad, 'yan ang bukambibig niya palagi dahil ilang taon na ang nakalipas nang huli kaming kumain doon. Kasama pa namin si Mama at si Papa.

Tatlo na lang kami ngayon sa aming pamilya dahil patay na si Papa kaya si Mama na lang ang bumubuhay sa amin. Mabuti ay tinawagan siya sa pinag-apply-an niya online na siyang pinagtatrabahuhan niya ngayon, ilang buwan lang ang nakalipas matapos mamatay ni Papa. Sa paraan na 'yon ay nabaling ni Mama ang labis na kalungkutan sa paghahanap-buhay. Kumikita pa siya nang maayos.

"Sa susunod na lang, Kuya, kapag nandito na si Mama. Noong nakaraan naman ay nakakain ako sa food court ng CMU. Sa siyudad din naman iyon kaya ayos na rin sa akin. Pakiramdam ko ay high class na estudyante ako noong mga panahon na 'yon!" nangingiti niyang sambit.

Pangarap niyang mag-aral doon ng kolehiyo. Ayaw ko sana ngunit totoong mas maganda ang edukasyon doon kumpara sa Andres Bonifacio University. Kapag doon siya nagtapos ay siguradong mas matayog pa ang maaabot niya kaysa sa akin. Kaya naman pagsusumikapan ko talagang magtrabaho at umpisahang mag-ipon para sa pagkokolehiyo niya. Higit limampung-libong piso ang tuition fee sa unang antas ng kolehiyo roon sabi nina Andeng at Nat, tataas pa iyon kada taon. Sa ikatlo at ika-apat na taon ay umaabot daw ng daang-libo ang tuition fee dahil sa mga seminar na ginaganap kadalasan sa mga hotel at malalaking convention hall at sa OJT. Kakayanin naman siguro namin ni Mama ang tuition fee kapag pinagsama ang aming kita at ipon.

Patalsikin si Ms. Dayo!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon