Ika-labing walo

59 6 0
                                    

"Ang sarap sa pakiramdam!" ani Leslie sa katabing si Meriah. Marahil ay tinutukoy ang huling pagsusulit para sa midterm.

Pare-pareho kaming naglalakad pababa sa gusali at nagkataong nasa harapan namin sila at nauunang maglakad. Kung titingnan ay mukha kaming magkakasabay na tila isang grupo.

"It's been a tough week," walang ganang tugon ng kaniyang katabi at pinasadahan ng mga daliri ang taas na bahagi ng buhok, dahilan upang maiba ang ayos nito at umalon ang nakaladlad na buhok sa likod.

"Excited na ako sa celebration mamaya! Ano ba'ng isusuot mo?" pag-iiba ng usapan ni Leslie.

Kasama na pala siya roon.

"Hindi ko alam," sagot ni Meriah. "Bahala na mamaya."

Nang madaan sa parking lot ay lumiko na papunta roon ang dalawa. Samantala, ngayon pa lang kumibo ang aking mga kasama nang mawala ang dalawang nasa harapan.

"Ano kayang celebration 'yon?" nagtatakang tanong ni Nat.

Pinag-iisipan ko pa kung dapat ko iyong sagutin sapagkat may kaalaman tungkol sa selebrasyon, sa halip ay si Jef ang sumagot.

"Parang narinig ko kay Levy na dahil yata sa event noong nakaraan. 'Yong tumulong si Meriah sa council."

Marahil ay narinig niya nang minsang pumunta sa opisina ng student council para ipakita ang tarpaulin at iba pang pangdekorasyon na binili ng ibang miyembro.

"Tara, lumabas din tayo," nagnining ang mga matang suhestiyon ni Andeng. "Kumain tayo sa mga kainan sa bayan, kaunting kasiyahan lang sa pagtatapos ng midterm."

"Game! Game!" pagsang-ayon ni Nat.

"Aba, may pera!" halos matawa si Jef sa sinambit. "Noong nakaraan lang ay halos mag-away pa kayong dalawa sa pag-aambag para sa research paper niyo!"

"Syempre, ibang usapan kapag pagkain na." Humalakhak si Nat.

Binalingan ako ni Andeng. "Ano, James?"

"Sige lang."

Noong pauwi ay dumaan ako sa palengke upang bumili ng mga prituhing pagkain. Pagdating sa bahay, nagligpit ako ng mga gamit upang hindi na maabala si Jane mamaya para sa sleep over ng mga kaibigan niya rito.

Habang nagpapahinga ay napag-usapan sa groupchat kung ano'ng oras at kung saan magkikita-kita. Maya-maya ay naligo na ako nang matantsa ko ang oras at nang paglabas ko sa banyo ay naabutan ko ang mga kaibigan ni Jane sa sala.

Nabitin sa ere ang pagkakahawak ko sa tuwalya na ipinangpupunas sa aking buhok nang masulyapan ang mga titig ng mga kaibigan niya. Itinigil ko ang ginagawa at isinabit sa balikat ang tuwalya.

"Kuya, pupwede ko bang lutuin 'yong mga bagong bili mo rito sa ref?" tanong ni Jane mula sa kusina.

"Binili ko nga 'yan para sa inyo," sa halip ay sagot ko.

"Oh?" Sumilip si Jane mula sa kusina upang madungaw ang mga kaibigan sa sala. "Narinig niyo iyon? Kilig kayo, ano?" Humalakhak ito at bumalik sa ginagawa.

Loko talaga.

Nasulyapan ko pang muli ang mga kaibigan niya nang magtungo ako sa hagdan paakyat sa aking kwarto. Nag-iwasan naman sila ng tingin.

"Wet look!"

"Crush ko na talaga si Kuya James!

"Dalasan natin ang punta rito!"

Tila 'di mapigilang anas ng mga ito, akala yata ay hindi rinig ang kanilang boses. Napailing na lang ako.

"Tapos niyo na bang pagpantasyahan ang Kuya ko?! Baka gusto niyo akong tulungan?" narinig ko pang biro ni Jane bago ko maisara ang pinto ng aking kwarto.

Patalsikin si Ms. Dayo!Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu