Ika-dalawampu't walo

44 5 0
                                    

Malamig ang gabi, kasinglamig ng mga mata ng babaeng hanggang ngayon ay nasa aking isip. Sa apat na sulok ng aking kwartong tahimik ako napapatitig, hindi alintana na paghinga ko lamang ang aking naririnig.

Kumatok ang aking kapatid.

"Kuya?"

"Mauna ka na kumain. Mamaya na 'ko." Mula sa pagkakahiga ay dumapa ako, nakaharap sa saradong pintuan at pinakikiramdaman ang kapatid sa labas.

"Ayos ka lang ba?"

"Sige na, Jane... Mauna ka na." Tinakpan ko ng unan ang aking ulo.

Hindi ako mapalagay. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Ano ba itong nangyari? Ayaw kong maniwala sa nangyari...

"Tell Kelsey and her friends that they succeeded... You succeeded. I hope you're happy now..."

Noong una ay hindi ko maintindihan... Namumutla si Andeng nang harapin ko kanina. Talaga bang nangyari iyon?

"Sorry, James... Sorry." Hindi ako makaramdam ng kung ano kahit humahagulgol si Andeng sa harapan ko. "Hindi ko naman inasahan na magpapasa sila ng petition letter. Hindi ko..." Halos mahirapan siya sa paghinga. "Hindi ko akalaing gagamitin nila 'yong... 'yong impormasyong sinabi ko tungkol sa nangyari sa inyo sa CMU..."

Sinubukan kong tawagan si Meriah pero hindi siya online. Ayaw ibigay ni Chustine ang numero niya. Halos mabaliw ako ngayon kahihintay sa kaniyang mag-online at mag-reply.

Hindi ko makalimutan kung paano siya tumingin kanina. Sa paraan ng pagtingin niyang iyon–sa pamumula ng mata niya at nagbabadyang pagpatak ng kaniyang luha. Sa bigat ng bawat paghinga niya... alam ko na may problema.

Ang bigat sa dibdib... Gusto kong sa akin niya sabihin ang lahat ng nararamdaman niya. Wala akong magawa, 'tang-ina.

Lumipas ang mga araw, dumating ang unang araw ng eskwela para sa ikalawang semester. Hindi man lang ako nakakuha ng isang salita mula kay Meriah. Wala man lang akong balita sa kaniya. Halu-halo ang aking emosyon ngunit wala akong maramdamang kahit ano. Tila ba namanhid na lamang ako sa kabila ng nag-uumapaw na emosyong hindi ko mailabas.

"'Tol..." Nananantiya ang tingin sa akin ni Jef.

Tila bumalik sa dati ang lahat. Normal lamang ang mga pagkakataon na kasabay kong pumupunta sa classroom ang sinuman sa aking mga kaibigan para sa unang subject. Maya-maya'y magtatawanan dahil sa biruan, sa ibang pagkakataon naman ay problemado dahil sa dami ng gagawin at aaralin, magpapatulong pa sa akin ang iba. Ito nga talaga ang dati kong buhay dito sa loob ng unibersidad. Ang dati kung saan wala pa si Meriah.

Kung titingnan, mukhang normal lang ang lahat. Pero para sa akin, nagbago ang lahat.

"Oh, Andeng... Bakit d'yan ka?" tanong ni Jef nang makitang humiwalay si Andeng ng upuan sa amin.

Sinulyapan ako ni Jef. Hindi nakatakas sa paningin ko kung gaano kaseryoso ang saglit niyang pagkakatingin sa akin.

"Pabayaan mo muna..." saad ni Nat sa mahinang boses.

Pakiramdam ko'y lagpas pa sa tatlong oras ang klase namin pero kahit ganoon, wala akong naintindihan sa tinalakay naming aralin. Pinilit ko namang makinig sa propesor, pero nauuwi lang ako lagi sa pagtulala. Kamalas-malasan pa nga, matapos ng mahabang diskusyon ng propesor ay nagbigay agad siya ng quiz.

"Thirty-nine out of fifty?! Totoo ba 'to? Nataasan ko si James!?" Halos maghisterikal si Nat dahil hindi makapaniwalang nataasan niya ako sa kauna-unahang pagkakataon.

Patalsikin si Ms. Dayo!Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin