Ika-labing tatlo

48 12 0
                                    

Ito na yata ang pinakamaayos na takbo ng aking araw mula nang dumating si Meriah dito sa ABU. Maganda ang naging paggising, maagang nakapasok, sigurado ang naging mga sagot sa quiz at inaprubahan ng professor ang aming gawa sa research paper. Ngayon naman ay magagandang bagay ang naririnig ko.

"Totoo? Tinulungan ni Meriah ang mga council?"

"Oo, 'yon ang sabi ni Levy. Mas maganda pa nga raw ang kalidad ng trophy at medals kaysa sa lagi nilang pinagpapagawaan."

"Okay naman pala si Meriah, e."

Pinagpatuloy ko ang pagkain. Narito kami sa canteen para sa tanghalian. Gutom ang dalawa kaya tahimik ang naging pagkain namin, dahilan upang marinig ko ang usap-usapan sa gawing likuran.

Ngunit kahit gaano pa rin kapayapa ang daloy ng oras, mayroon pa ring kung sinong puro negatibo ang hatid ng presensya.

"Naku, pakitang tao lang 'yan. Malamang n'yan napilitan lang 'yan."

"Sabagay, hindi naman ngunit tumulong, ibig sabihin ay malinis na ang kalooban–." Nilingon ko sila.

Hindi ko alam kung ano ang kanilang nakita sa akin upang matahimik sila. Muli akong umayos ng upo.

Iyan ang hirap sa karamihan. Pinupuna nila ang kamalian ng ibang tao, pero ang totoo ay nagkukubli sa mga walang kuwentang lumalabas sa kanilang bibig ang kanilang sariling kamalian. Hindi ba nila pupwedeng pakialaman na lang ang sarili nilang buhay o problema? Kailan ba maiintindihan ng tao na walang perpekto isa man sa atin?

"Hindi pa 'to nagagalaw, ah?" ani Jef kaya napatingin ako sa ulam na tinutukoy niya. "Ayaw mo na ba? Akin na lang," patuloy nito.

"Sige lang," pagpayag ko.

Nawalan ako ng gana. Inubos ko na lamang ang pagkain sa aking kutsara at tinapos ko na ang pagkain. Mabuti na lamang ay kinuha rin ni Jef ang hindi ko pa nagagalaw na kanin. Walang masasayang.

"Grabe, busog!" pahayag ni Nat at sumandal sa inuupuan.

"Ginutom ako sa long quiz natin," si Andeng. "Itong si James, parang sisiw lang sa kaniya ang quiz. Ang bilis natapos!"

"Kaya nga tumigil ako sa pagsali sa kung saan-saan para mapagtuonan ng pansin ang mga subjects," tugon ko.

Mabuti ay nagsend ako sa aming group chat ng mga kinuhanan kong picture ng kulang nilang notes. Dahil kung hindi, siguradong hihiramin nila iyon para magreview. Hindi ko sila mapapahiram dahil ipinahiram ko iyon kay Meriah noong nakaraang Sabado. Hindi man siya nanghiram, naalala ko na lumiban siya sa klase kaya ipinahiram ko ang aking mga notes. Hindi niya napag-aralan ang mga tinalakay na siyang quiz namin ngayon. Panatag ako ngayon na kung inaral niya iyon, nakasagot siya sa long quiz kanina.

Sa sumunod naming klase ay nagbigay lamang ng aralin at sasagutan ang aming professor. Wala pang isang oras ay dismiss na agad ang aming klase. Dahil sa maagang pagtatapos ng klase, plano kong mag-pa-print na ng mga survey forms, tutal, maaga pa naman para umuwi. Kailangan ko pa bang ipaalam iyon kay Meriah o ibigay ko na lang sa kaniya ang kalahati ng survey forms?

Sinulyapan ko siya na nag-aayos na ng kaniyang gamit. Wala na si Leslie sa tabi nito, marahil ay nagmadali sa pag-alis tulad ng lagi kong napapansin t'wing masusulyapan sila.

Bandang huli ay napagpasyahan kong lumapit at ipaalam ang gagawin bago pa siya tuluyang makalabas dito sa room.

"Oh." Saglit itong huminto at agad na dinugtungan ang naunang reaksyon. "Uhm, we have a printer at home. Let me do the printing."

Ah, hindi ko inasahan 'yon. Pero ano pa nga ba'ng dapat o hindi dapat asahan? Siguradong para sa kanila, parang limang piso lang ang halaga ng printer. Sigurado rin na magandang klase iyon.

Patalsikin si Ms. Dayo!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon