"J-James," nabalik ako sa pinag-iwanang sitwasyon nang marinig ko ang kaklase.

Hinarap ko siya, ang buo kong atensyon ay nasa kaniya.

"Kailan pa ito?" tanong ko, buo na sa isipan kung tungkol saan ang dahilan nito.

"James, hindi siya pupwede rito!" giit niya, binalewala ang tanong.

"Tumigil ka na, Kelsey," mababa ang aking boses nang sabihin iyon, siniguradong mababakas ang pagbibigay ng babala sa aking tono. "Ayos kami. Maganda ang pakikitungo niya sa lahat. Tanggapin mo na at ng iba mo pang kasama na nandito siya at kasama nating nag-aaral. Bigyan niyo siya ng tyansa... Itigil niyo na ang komunikasyon niyo sa mga Com. Arts at tigilan niyo si Meriah," hindi ko napigilan ang sarili na paratangan siya kahit na walang kasiguraduhan sa sinabi.

"A-ano? Com. Arts? Teka nga..." Natigilan siya, nagsasalubong man ang kilay ngunit sumilay ang ngisi dulot ng isang negatibong emosyon. "Sinasabi mo bang ako ang nagsabi ng impormasyon sa kanila para magpost sila ng tungkol kay Meriah?"

"Hindi kayo?" pagtugon ko rin ng tanong, naguguluhan sa nangyayari.

"'Tang-ina naman, James," nagtiim-bagang ako sa narinig at umiwas ng tingin. "Hindi ako aabot sa gano'n kung 'yan ang iniisip mo. Noong kumalat na si Meriah ang tinutukoy doon sa post, noon ko pa lang din nalaman na siya 'yon." Nang matapos siya sa pagsasalita ay muli akong napatingin sa kaniya, sakto lamang nang abutan ko siyang nagpunas ng luha.

Naglaho ang tatag at tapang sa presensiya niya. Ngayon ko lang siyang nakitang ganito.

"Bakit ka umiiyak?" nais kong itanong.

"Nang malaman ko na ikaw ang tinutukoy na pinagsalitaan ng Meriah na 'yon, sobra ang naging galit ko," nanginig ang kaniyang boses, pinipigilan ang paghikbi.

Nakaharap pa rin siya pero wala na sa akin ang paningin, tila malalim ang iniisip. Inilapit ko sa kaniya ang aking panyo, dahilan upang tingnan niya iyon bago inangat ang tingin sa akin.

"Hindi mo kailangang..." Hindi ko magawang ituloy ang aking sinasabi dahil napagtanto kong katangahan iyon kung ipinagpatuloy kong sabihin na hindi niya kailangang magalit.

Kailanma'y hindi maaaring pigilan ang galit o anumang nararamdaman. May karapatang tumugon ang emosyon sa mga nangyayari. Maaari iyong maitago, ngunit ramdam pa rin iyon sa loob–sa puso.

"Ngunit bakit gano'n ang naramdaman niya?" Tumingin siya sa'kin na para bang nabasa ang aking isipan.

"Iniisip lang kita..." Wala na ang luha na umagos sa kaniyang pisngi ngunit may panibagong luha ang nagbabadya sa mga gilid ng kaniyang mata. "Kasi gusto kita," nabigla ako sa kaniyang pag-amin lalo pa nang magpatuloy siya. "Ayaw kong tinatrato ka ng gano'n. Hindi niya alam kung gaano ka kabuti at kasipag mag-aral. Kung paano kang makisama sa mga tao sa paligid mo. Wala kang alam na napapamangha mo ang ibang tao."

Inayos niya ang kaniyang sarili at kinuha sa aking kamay ang panyo. Pinunasan niya ang natitira niyang luha habang ako ay nakatayo lang, nakatingin sa kaniya at hindi alam ang dapat sabihin.

Nabigla ako nang hawakan niya ang aking kamay. Ibinalik doon ang panyo.

"Salamat," aniya, nakabawi sa bugso ng emosyon kanina. "Masakit pala ang mapagbintangan ng taong mahalaga sa'yo, ano?" Bakas man ang lungkot sa boses, nagawa pa rin niyang ngumiti. Ngunit hindi nakatakas sa aking paningin ang pagkalaglag ng luha sa isa niyang mata nang umiwas siya ng tingin. Pasimple niya itong pinunasan at muli akong tiningnan. "Wala sa plano ang pag-amin ko pero h'wag kang mag-alala... Hindi ngunit umamin ako ay ipipilit ko na ang sarili ko sa'yo. Pero hayaan mo akong gawin ang tingin kong nararapat para sa'yo. Plastik ang Meriah na 'yon. Babantayan ko siya kaya 'wag siyang magkakamali."

Patalsikin si Ms. Dayo!Where stories live. Discover now