Marahil ay mainit pa rin ang dugo ng karamihan kay Meriah, tulad ko, mukhang hindi rin agad ito lilipas sa sistema nila lalo pa't dito mismo nag-aaral ang minsang nagsalita ng hindi maganda tungkol sa ABU.

"Tingin niyo ano'ng iniisip ni Meriah sa ABU?"

"Bakit naman pangalan ni Meriah ang lumalabas diyan sa bibig mo, Jef? Crush mo na?" tanong din ni Andeng.

Nasa tambayan kami. Ang tatlo ay naghahanda sa papalapit na kumpetisyon dito sa ABU habang ako ay sinusulit ang libreng oras para sa sarili bago umuwi. Bumili ako ng mga tusok-tusok kanina na ngayon ay pinagsasaluhan naming apat habang kami ni Nat ay nakikinig din sa usapan ng dalawa ngayon.

"Loko, hindi. Halata kasi na pasimple siyang pinag-ti-trip-an ng mga tao rito."

"Ililigtas mo na?"

"Kailangang panatilihin ang kaayusan sa department natin kaya responsibilidad ko 'yon."

"Bayani ka na n'yan?"

"Ang walang kwenta mong kausap, alam mo?" singhal ni Jef bago kagatin ang isaw sa stick.

"Hindi ko talaga gusto ang babaeng 'yon," anang kausap na binalewala lang ang narinig bago uminom ng palamig.

Kahapon, muli kong naalala ang kabataan. Natitiyak kong nagtagpo na kami noon. Hindi pa ako makapaniwala noong una pero alam ko… nasisigurado kong nagtagpo na kami noon sa bukid nila.

Bata pa lamang ay sensitibo na siya sa paligid at pino ang kaniyang galaw. Ang kaniyang kutis ay maipagkakaiba mo sa mga nakakasalamuha sa lugar dahil unang tingin pa lamang ay masasabing lumaki ito sa siyudad. Tamang sabihin na ito'y kutis-mayaman. Ang mga kababata kong lalaki ay nagkagusto pa sa kaniya at ang mga babae ay namangha sa taglay niyang ganda na kahit bata pa lamang siya ay makikita mo na. Marahil ay madalang makakita ng dayo sa lugar namin kaya hindi matigilan ang batang babae at inaya sa kung anu-anong klase ng laro.

Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa pagkakadiskubre kong iyon. Hindi ako makapaniwala na hindi pala ang pangyayari sa Centro Marcello University ang una naming pagkikita.

"Buti hindi na niya pinalaki pa 'yong gulo," sumali sa usapan si Nat.

"Siya pa rin kasi ang lalabas na masama," ani Andeng. "Mapapatunayan pa na nagsabi talaga siya ng masasamang salita against sa university natin."

"Subukan niya. Lintik lang ang walang ganti," tugon ni Andeng. "Hindi isinunod kay Andres Bonifacio 'tong university natin kung hindi tayo lalaban sa mga mapang-aping dayuhan!"

Natawa kami ni Jef sa sinabi niya samantalang siya ay mukhang nabubuhay ang inis sa sistema.

"Ano ba'ng pinaglalaban mo? 'Yong paglaki ng butas ng ilong mo?" Bahagya pang natawa si Jef sa sinabi.

"Ipaglalaban ko si Andres. Wala na nga siya rito, niyuyurakan pa ng kapwa Filipino-slash-dayuhan ang mga estudyante sa university niya."

"Hindi naman niya ‘to university, e," sagot na lang ni Jef habang ngumunguya.

"I mean, 'yong pangalan niya kasi! Panira ka, e."

Nagpatuloy sila at nawala na rin naman sa laman ng usapan ang kaklaseng dayo.

"Uuwi na ako, kayo ba?" tanong ko nang mainip sa pwesto. Tumayo ako at isinukbit na ang backpack.

"Uuwi na rin ako, matutulog na muna ako bago magreview ulit," ani Andeng at inumpisahang ligpitin ang mga reviewer. Hinintay ko na rin siya upang sabay na kaming maglakad pauwi.

"Maaga pa, ah? Corny niyo naman," si Nat.

"Ang sabihin mo sisilay ka na naman sa sundo ni Meriah."

Patalsikin si Ms. Dayo!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon