"Kumusta ka nga pala sa school?" panimula ko.

Hindi ko siya madalas matanong kung ano'ng lagay niya sa klase nitong mga nakaraang araw dahil abala kami sa nagkasabay na research at paghahanda sa kumpetisyon.

"Mabuti naman. Medyo hirap lang sa mga math subjects namin," sagot nito bago humigop ng kape. "May assignment pa nga ako na ipapasa dapat mamaya pero buti na lang kasama kami sa inyo kaya sa Monday na lang daw."

"Bawi ako sa'yo bukas," tugon ko bago muling humigop ng kape.

Ako ang tumutulong sa kaniya pagdating sa mga math subjects dahil hirap siyang makuha ang mga tinatalakay nila roon. Naisip ko ngayon na hindi nga siya lumapit sa'kin nitong mga nagdaang araw para magpatulong sa mga ipinapasa niya sa klase.

Nilingon ko ang aking kapatid. Ginulo ko ang buhok niya, dahilan kung bakit natigil siya sa pagkakatulala. Lumayo lang ito at sumibangot. Hindi man niya sabihin ay na-appreciate ko ang ginawa niyang hindi pag-abala sa'kin sa aking mga ginagawa. Alam niyang nanghihingi ng matinding oras at atensyon ang aking mga pinagkakaabalahan.

Nang matapos kaming maghanda ay naglakad kami papasok dahil malapit lang mula rito ang unibersidad. Junior high si Jane kaya naman palaging alas siyete ng umaga ang pasok niya. Paminsan-minsan ay gumagamit ako ng bisikleta kung mahuhuli na kami sa pang-ala siyeteng klase kapag may klase rin ako sa ganoong oras.

"Magkita na lang tayo roon, Kuya," ani Jane. "Goodluck! H'wag kang kakabahan para iwas mental block!" paalam niya habang naglalakad patalikod at kumakaway papunta sa mga estudyanteng nakahanda na sa pagsakay sa school bus.

"James!" Napalingon ako sa kadarating lang na si Jef at Andeng. Tinapik ako ni Jef sa balikat nang makarating sa pwesto ko.

"Tae, kinakabahan ako!" si Andeng. "Si Nat nasa CR, jumejebs pa dahil sa sobrang kaba, jusme! Aga-aga!"

May kinuha ako sa back pack ko.

"Bigay mo 'to," sabi ko at ibinigay ang gamot. "Inumin niya kamo kapag umulit pa siya sa loob ng isang oras."

"Naks, boy scout!" ani Andeng. "Teka lang, pupuntahan ko siya sa CR. Kayo na muna ang pumunta sa Dean's office. Susunod na lang kami."

"Tara, James," aya ni Jef.

May pinirmahan kaming mga papeles na hindi ko na pinagkaabalahang basahin pa. Dalawang professor ang aming kasama patungo sa van. Maya-maya pa'y natanaw na namin sina Andeng at Nat kasama ang Dean namin na hinintay silang dalawa sa office para sa kanilang pipirmahan.

Lumipas ang mga oras na hindi ko namalayan ang mga pangyayari. Muli kaming nakabalik sa Centro Marcello University at sabay-sabay naming binuksan ang mga papel na binunot para sa magiging kategorya ng bawat isa. Mathematics ang nabunot ni Andeng samantalang history naman ang akin. Unti-unti itong tumingin sa'kin habang nanlalaki ang mga mata.

"Kaya mo 'yan." Hinawakan ko siya sa balikat at bahagya itong diniinan, hindi sigurado kung napalakas ko ba ang kaniyang loob.

"Kaya niyo 'yan," sabi naman ni Jef sa aming dalawa ni Andeng.

Pinaka-ayaw ni Andeng ang Math. Iyon naman ang kumportable akong sinasagutan at siya nama'y ganoon din kapag history.

"Nagkabaliktad pa kayo. Dapat ikaw ang sa math, James, e. Sa history ka dapat, Andeng," napapailing niyang sambit. "Kaya niyo 'yan! Nag-aral naman tayo. Sa Kaniya na nakasalalay 'yan." Tumingin siya sa taas upang tukuyin ang Nasa langit.

"Basta galingan na lang natin," ani Jef at inakbayan kami.

"Let's go, Bonifacio!" ani Nat.

Humugot ng malalim na hininga si Andeng.

Patalsikin si Ms. Dayo!Where stories live. Discover now