34th

16.8K 853 184
                                    

Ultimate



Para sa marami, sariling pagkamatay ang pinaka nakakatakot na posibleng mangyari sa buhay ng isang tao. Pero para sakin, hindi. Mas nakasisindak ang pagkamatay ng mga mahal sa buhay.


Dahil kapag buhay mo na ang binawi, tapos na ang lahat ng hinagpis. Wala na ang mga pasakit. Pero kapag taong mahal mo ang kinuha sa mundo, araw-araw kang magdurusa. Bawat sandali ay delubyo. Sa kada paggising ay para na ring nasa impyerno.


Ilang beses ko nang napatunayan ito. Mula sa pagkamatay ng Tatay. Hanggang kay Nanay. At ngayon... kay Ate Maya.


"Raya, kumain ka naman ineng." kalabit sakin ng nakikiramay. "Kawawa ang katawan mo nyan sayo,"


Maliwanag sa loob ng Memorial Chapel pero makulimlim ang pakiramdam ko. Dito ginanap ang burol dahil wala rin namang espasyo sa apartment. Sinagot ng nakabangga kay Ate ang lahat ng gastusin. Hindi ko magawang maghimutok sa driver ng truck. Dahil pakiramdam ko, higit kanino pa man, ako ang may kasalanan.


Pangatlong araw pa lang ng lamay pero pakiramdam ko'y tatlong taon na ang nakalipas dahil sa bigat na nararamdaman ko. Mahirap sakin miski ang makatulog. Minu-minuto akong binabagabag ng konsensya at mga tanong ng posibilidad.


Paano kaya kung hindi ako umalis? Paano kaya kung nanatili lang ako sa labas ng bahay? Paano kaya kung hindi na lang ako dumalo sa pagdiriwang? Paano kaya kung hindi ako nagpakawala nung gabing yon? Paano kaya kung nasagot ko agad ang mga texts at tawag? Paano kaya kung nakauwi ako agad? Paano kaya kung mas naging responsableng kapatid ako?


Sa lahat ng tanong sa isip ko ay isa lang ang alam kong sagot. Hindi sana hahantong sa ganito. Kung inisip ko man lang sana ang kapakanan ni Ate Maya ay wala sa mga ito ang mangyayari. Hindi siya lalabas para hanapin ako. Hindi sya mapapahamak. Hindi siya maaaksidente o madidisgrasya. Hindi siya masasagasaan. Hindi siya... mamatay.


Buhay sana siya ngayon. Pero heto ako at harap-harapang nakatitig sa kabaong niya. The thought that her cold corpse right now could have been alive if only I was sensible enough is crashing my heart into pieces.


Isang linggo lang ang tinagal ng burol ni Ate. Wala naman kaming masyadong kamag-anak dito sa Maynila kaya wala na ring dahilan pa para patagalin. May pumunta man ay bilang lang sa daliri. Ang mangilan-ilan pang dumalaw ay kape at biskwit lang ang puntirya. Kung hindi naman yon ay tongits lang ang pakay imbes na pakikiramay.


Kaya naman hindi ko na pinahaba pa. Para san pa? Kung araw-araw din naman akong tinutugis ng kasalanan. Alam kong kahit matapos ang libing at sa kabila ng paglipas ng mga araw ay hindi ako patatahimikin ng sariling konsensya.


"Ineng, may naghahanap sayo sa labas." ani ng kasamahan ko sa boarding house.


Pagkatapos na pagkatapos ihimlay ng labi ni Ate ay iniwan ko na ang dating Apartment. Hindi ko na kayang manatili pa roon dahil sa bawat sulok ay may nagpapaalala sakin ng tungkol kay Ate Maya at sa madilim niyang sinapit dahil sa katangahan ko. Miski noong kasagsagan ng lamay niya ay halos hindi ako umuwi roon. Kulang na lang ay sa Memorial Chapel na ko tumira.


"Sino raw po?" malat ang boses na tanong ko.


Wala akong sinumang pinagsabihan ng pinaglipatan ko kaya't hindi ko alam kung sino ang posibleng nakatunton sakin. Kahit ang telepono ko ay hindi ko pa muling nabubuksan simula nung mangyari ang insidente. Everything's already too much for me to handle. I can't afford to face nor entertain any more questions and conversations at the moment.


EternityWhere stories live. Discover now