15th

17.6K 1.2K 710
                                    

Kurot



Nagising ako sa yugyog ni Ate Maya kinabukasan. Wala na raw gas. Mag-iinit sana ito ng tubig para makapag-kape. Agad naman akong bumangon.


Naghilamos lang ako at kinuha ang wallet bago lumabas. Tanghali na nagbubukas ang tindahan malapit samin kaya't sa kabilang kanto ako dumiretso.


"Wala na, Ne. Nabili na kagabi. Paisa-isang tangke lang kasi kami. Mamaya pa ulit ang deliver," ani ng bantay sa maliit na tindahan.


"Mainit na tubig po, may tinda kayo?"


"Oo. Dos ang isang baso,"


"Sige po. Kukuha lang ako ng tasa," tugon ko.


Bumalik ako sa bahay para sabihin kay Ate na tubig na lang muna ang bilhin pero hindi ito sumang-ayon.


"Pano makakapagluto ng pagkain para sa buong araw, aber? Wala ka pa man din dito maghapon,"


Natahimik ako at napagtantong may punto sya. Kailangan ko rin nga palang magluto bago umalis. Pwede ko sanang gawan na lang ng paraan ang pagkain niya pero ngayong pinipilit niya ang pagbili ng gas ay alam kong wala rin akong magagawa sa huli.


Sinipat ko ang oras. Alas-syete na. Laging isang oras bago ang klase ako umaalis sa bahay.


Kinagat ko ang labi. Alas-nwebe ang practicals ko. Kaya pa naman siguro kahit mga 8:30 ako maka-byahe.


Alam kong wala nang ibang malapit na tindahan sa lugar namin. Dito lang ako madalas bumibili kaya't hindi rin ako pamilyar sa iba. Nang magtanong ako sa kapitbahay ay sa grocery na ako tinuro kung saan kailangan ko pang sumakay ng tricycle para lang marating.


Wala akong naabutang tricycle sa terminal. Sinubukan kong maghintay saglit ngunit agad ding nainip. Sa huli ay tinahak ko na lang ang papunta sa destinasyon. Bakas na ang pagmamadali.


Napanganga pa ko nang maabutan ang mahabang pila sa wholesale store. Puro may-ari ng tindahan ata ang maagang namimili kaya't sandamakmak pa ang laman ng kani-kanilang basket. Inabot ako ng siyam-siyam bago nakarating sa counter at sabihin ang sadya.


"Sana dito ka na dumiretso. Hindi naman kailangang pumila kung gas lang bibilhin,"


Nanuyo ang pawis ko sa sinabi ng kahera. Hindi alam ang mararamdaman. Masyado kong aligaga sa haba ng pila kanina kaya't agad nang dumugtong. Hindi na nag-abala pang magtanong muna. I suddenly felt stupid.


Paspas na ang kilos ko nang makabalik sa bahay. Mula sa pagluluto hanggang sa pagligo. Bumagal lamang noong oras na para magbihis. Tumagal ang titig ko sa naka-hanger na nursing uniform. Unang beses ko itong susuotin.


Noong first sem ay wala pa sa mga major ang nagrequire na magpasuot nito. Ngayon ko lang magagamit para sa practical exam at unang demo bilang student nurse. Tulad ng iba ay kaswal na damit lang din ang suot ko madalas. Wala kasing general na uniporme para sa mga college students ng Unibersidad. Tanging sa health allied courses lang may ganito.


Dumapo ang tingin ko sa salamin habang binubutones ang pantaas. Tuwid na tuwid. Nanghiram pa ko ng plantsa sa kapitbahay para rito. Walang gusot. Puyat ang inabot ko kagabi sa sobrang ingat na wag masunog.


Nang mai-zipper ang palda ay dinampot ko naman ang gintong name plate mula sa college of nursing. Kinabit ko iyon sa bandang harap ng kaliwang dibdib. Nilipat muli nang mapansing tila masyadong nakaangat. Halos wala namang nagbago pero hinayaan ko na lang.


EternityWhere stories live. Discover now