Kabanata 7

1.1K 54 14
                                    

Austrianna

Nang mabasa ko iyon ay napahinga ako nang malalim. Hindi na ako nag-reply pa at bumaba na lamang sa sala. Wala pa ring tao, kaya’t naisipan kong magtungo na lamang sa kusina.

Doon ay naabutan ko ang nag-uusap na sina Nana at Lala. Ngumiti ako sa mga ito at nagmano.

“Kanina ka pa ba nakauwi, Ria?” ani Nana sa akin na ikinatango ko nang maagap. Napansin ko agad ang pagkabahala sa mukha ng dalawa kong tita, kaya napatigil ako’t pinakiramdaman sila.

“Napakinggan mo na ba ang balita kani-kanila lang, Ria?” seryosong tanong sa akin ni Lala na ikinataka ko lalo.

Balita? Marahan akong umiling dito at napaisip. Hindi naman ako mahilig sa mga balita.

Huminga ito nang malalim at mataman akong tiningnan. “Nagkagulo sa lugar ninyo kanina, Ria. Nakumpirma namin na ang grupo nga ng ama mo ang naka-away ng mga sundalo. Ligtas ang pamilya mo, pero nalagasan ng dalawa ang grupo ng ama mo. Kilala mo ba ang mga ito?”

Biglang lumapit si Lala at inabot sa akin ang cellphone niya. Ipinakita nito ang litrato kung saan magkatabi ang bangkay ng dalawang lalaki—na pamilyar na pamilyar sa akin.

Nanlaki ang mga mata ko at napasinghap.

Natahimik ako’t pinagmasdan nang maigi ang dalawang bangkay. Makaraan ay nag-iwas ako’t nagbaba ng tingin.

“Kilala mo ba ang mga ito, Ria?” ani Nana at hinaplos ang buhok ko.

Luhaan na ako nang mag-angat ng tingin dito. Hindi ko napigilan ang paghikbi, dahil alam kong may kapighatian ngayon sa grupo ni ama.

“O-Opo, ’yong isa ay a-asawa ni A-Ate Alicia. Ang binata naman ay bagong recruit lang po nila, N-Nana,” hikbing saad ko. Niyakap ako nito at pinatahan.

Hindi ko akalain na mawawala rin agad ang asawa ni Ate. Napakaliit pa ng mga anak nila. Alam kong malaking kawalan sa grupo ni ama ang asawa ni ate. Magaling ito at hasa na sa pakikipaglaban, pero ganito na ang sinapit niya ngayon. Isa nang malamig na bangkay.

“Huwag mo nang iyakan ’yan, Ria. Kasalanan nila ’yan. May mas magandang buhay na naghihintay sa kanila sa labas ng bundok, pero pinili pa rin nila ang lumaban at magrebelde. Tingnan mo, kapwa Pilipino pa ang mga kalaban ng ating mga sundalo. Kahiya-hiya...”

Tama si Lala. Wala akong tutol sa sinabi niya, ngunit hindi ko lamang talaga mapigilan ang sarili ko dahil naaawa ako sa mga batang naiwan doon. Kung may magagawa lamang sana ako, ginawa ko na para maialis doon ang mga bata. Pero isa lamang din akong hamak na bata. Wala akong boses at kapangyarihan para magligtas ng iba.

Halos ilang araw rin akong hindi nakatulog nang maayos dahil sa nalaman. Wala akong kontak sa aking pamilya roon, kaya hindi ko magawang ma-kumusta man lang sila.

“Ria, break na kami ng secret boyfriend ko...”

Nag-angat ako ng tingin kay Cora na kumakain ng pang-recess niya. Pilit lamang akong ngumiti rito at sumubo ng baon kong pagkain.

“Ang bilis kong nagsawa sa kaniya. Hindi naman kasi siya marunong humalik. Nakakairita,” anito pa at ngumuso.

Huminga ako nang malalim nang pagmasdan niya ako.

“E, Ria, nahalikan ka na ba? At saka bakit ayaw mong sabihin sa akin kung kaano-ano mo ’yong kadete na kasama mo noong mga nakaraan? Hmm, siguro ay boyfriend mo ’yon, ano? Aminin,” dagdag pa nito na ikina-ismid ko nang pabiro.
Natawa ito sa reaksiyon ko at tinudyo pa ako.

“Kaibigan ko lang iyon, Cora, okay? Walang malisya sa pagitan namin. Ikaw kasi, ang dumi mo mag-isip.” Pilit kong sineryoso ang mukha upang hindi na ako nito asarin.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon