Kabanata 5

1.1K 69 19
                                    

Austrianna

“Ria, paalam!” sigaw sa akin ni Cora habang kumakaway. Ngumiti ako rito at kumaway rin pabalik.

“Mag-iingat ka, ha!” usal ko bago tumalikod. Mahigpit kong hinawakan ang strap ng sling bag ko bago huminga nang malalim at lumakad pauwi.

Ang sabi ni Martin—iyon ang aniya’y dapat kong itawag sa kaniya—ay ngayon daw darating ang inutusan niyang tao para maghatid ng mga libro niya. Marami raw iyon at tiyak na maiibigan ko. Parehas daw kami ng hilig sa pagbabasa ng mga libro, kaya naman natutuwa ako nang lubos.

Excited na rin akong dumating ang mga iyon. Maaabala ko na ring muli ang sarili ko sa pagbabasa at pagtuklas ng mga bagay na hindi ko pa nalalaman.

Napatigil ako nang maramdaman ang pag-vibrate ng cellphone ko sa loob ng bulsa ng aking palda. May mensahe galing kay Martin na nagsasabing naririto na raw sa Baguio ang inutusan niya.

Napangiti tuloy ako nang wagas dahil sa saya. Nagpasalamat ako rito nang ilang beses dahil napakabait niya sa akin.

Ilang araw na rin kaming palihim na nag-uusap sa cellphone. Hindi rin kasi ako makabisita roon araw-araw dahil pinupuna ako ni Lala. At ang ginoo naman, umaga’t gabi ako kung i-text para kumustahin. Hindi ko alam kung papaano ito nakakapuslit ng oras para i-text ako, gayong alam kong mahigpit sa kanila.

Palagi niya bang idinadahilan na magba-banyo siya? Aywan ko.

Pagdating sa tapat ng aming bahay ay nanlaki ang mga mata ko sa naabutan.

Tinubuan ako ng matinding kaligayahan nang mapansin ang magarang kotse sa tapat niyon na hindi pamilyar sa akin. May lalaking naka-pormal ang suot na kumakausap kay Lala Ethyl na nanghihinala ang tingin sa lalaki.

“Hello po!” agad kong lapit sa mga ito at nagmano kay Lala. Sunod kong binalingan ang lalaki na nakatingin pala sa akin.

Ngumiti ako rito nang wagas at binitiwan ang strap ng aking bag.

Napatikhim ito at tiningnan ang papel na hawak niya. “Ikaw ba si Austrianna Ali Gorospe, Miss?” anito na ikinatango ko nang sunod-sunod.

“Opo, ginoo. Ako nga po iyon...”

Napangiti ito dahil sa nakikitang ligalig sa akin at iiling-iling na may kinuha sa likurang bahagi ng kotse. Wala itong imik nang buhatin ang dalawang box na medyo hindi ganoon kalakihan na ikinalundag ko sa tuwa.

“Wow!” bulalas ko na ikinangiti ng lalaki nang pasimple. Ang dami pala talaga ng libro! Grabe talaga iyong si Martin!

“Kilala mo ba ito, Ria? May nagpadala raw sa iyo ng mga libro. Naku ka, ha! Saan ka um-order ng mga ’yan?” masungit na wika ni Lala at hinila ako paatras nang lumapit ang lalaki.

Ngumiti lamang ako kay Lala at ipinalapag na lamang sa sahig ang mga box.

Hindi mapuknat ang mga ngiti sa labi ko nang mag-angat ako ng tingin sa matangkad na lalaki. “Maraming-maraming salamat po, ginoo...”

“Sa amo ko ikaw dapat na magpasalamat, hija. Napag-utusan lang ako.” Ngumiti ito sa akin at saka tumango kay Lala na hanggang ngayon ay inis pa rin ang tabas ng mukha.

Tumango ako sa lalaki at nagpasalamat pa rin bago ito umalis.

Nang mawala na ito ay agad kong dinaluhan ang mga box at agad na binuksan. Tumambad sa akin ang mga tila bago pang mga libro.

Napamaang ako bigla nang sinalubong ng mabangong amoy ng papel ang ilong ko. Amoy mayaman.

Napakarami niyong pocketbooks na iba’t ibang genre. Napangiti ako lalo nang todo at binuhat iyon upang dalhin sa kuwarto.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon