Kabanata 20

1.7K 51 12
                                    

Austrianna

INILIBOT ko ang tingin sa kabuoan ng kampo nila. Tatlong araw na rin ako rito na itinatago ni Martin, at ilang araw na rin akong nag-iisip at naguguluhan sa buhay ko. Hindi ako mapakali rito dahil ang higpit-higpit ni Martin pagdating sa akin, ni hindi ako makakilos nang malaya.

Tiyak na nagtataka na ang mga kasamahan ko roon kung bakit wala pa ako, kung buhay pa ba ako o ano. Ang tahimik lamang ng grupo ni Martin patungkol sa akin, sa kinalalagyan ko. Tila nga sila lamang ang nakakaalam na naririto ako.

Napahinga ako nang malalim habang nakahiga sa duyan na tulugan ni Martin dito. Ipinapahiram niya iyon sa akin sa tuwing tanghali at hapon kapag nais kong matulog nang hindi naiinitan-medyo mainit kasi roon sa loob ng kubo. Kulay itim iyon na tela na nakasabit sa dalawang magkalapit na puno. Ganoon din ang tulugan ng mga kasamahan niyang masyadong pilyo pagdating sa amin. Panay ang asar sa amin ni Martin na akala nila ay ikinatutuwa ko.

Hanggang ngayon ay nag-aalinlangan pa rin ako kung ipagpapatuloy ko pa ba ang hangarin ko, o mapipilitan na lang na sumuko. Hindi naman pala ganitong laban ang nais ni ama, at kung babawiin ko naman agad ang mga sinabi ko noon ay parang hindi matanggap ng sistema ko. Hindi ko pa matanggap. Ayaw ko pang aminin ang mga kagagahan ko. Tiyak na pagtatawanan ako ng mga sundalo rito at pagkakatuwaan. Iyon naman ang ugali nilang ipinapakita sa akin, gustong-gusto akong pinagkakatuwaan at tinutudyo. Sa pagiging mainitin ng ulo ko ay imbes na makipagsabayan sa kalokohan nila ay nababanas lang ako nang husto.

"Austrianna, napipigtas na ang pasensiya ko dahil diyan sa katigasan mo, ha. Hindi ka talaga mapirmi riyan sa duyan mo, gusto mo pa kaming takasan. Ilang ulit mo pa ba itong gagawin? Tama na ang katigasan ng ulo. Kaunti na lang ay mawawalan na ako ng pasensiya sa 'yo, babae. Itatali na kita sa katawan ko..."

Hindi ko ito pinansin at idinuyan lamang ang sarili. Ayaw nitong umalis sa harapan ko, at ayaw kaming tantanan ng tingin ng mga kasamahan niya na kanina pa kami kinakantyawan.

"Austrianna," nagbabantang tawag nito sa pangalan ko na ikina-inis ko lalo.

Sinulyapan ko ito at iritadong tiningnan. "Puwede ba? Tantanan mo na ako sa kakadakdak mo. Gusto ko nang mapag-isa..."

"Gusto mo nang mapag-isa, hmm? Tapos mamaya ay tatakasan mo na naman kami, ganoon ba?" Umismid ito.

Lihim akong napairap at humalukipkip. Hindi ko na ito pinansin pa dahil sinira niya ang plano ko.

Ilang minuto itong nakatayo roon habang nakamasid sa akin. Makaraan ay napahinga nang malalim at pinigil ang paggalaw ng duyan gamit ang isang kamay. "Sige, magpahinga ka na muna riyan. Kung may kailangan ka ay nariyan lang ako sa tropa..."

Hindi ito agad naka-alis dahil hindi ako tumugon sa sinabi nito. Muli itong napahinga at binalingan ang isang kaibigan niya na lumapit sa kaniya.

"Mukhang mainit na naman ang ulo ni Miss, boss..."

Tumayo na ako agad dahil alam kong aasarin na naman nila ako. At hindi nga ako nagkamali dahil hindi pa ako nakakalayo sa kanila nang marinig ko na ang boses ni Martin.

"Hayaan mo siya. Hindi niya lang matanggap ang pagkatalo niya at ang ideyang hawak ko na siyang muli. Nasira ko nang husto ang plano niya kaya hanggang ngayon ay mainit ang ulo. Ang laki kasi ng ipinaglalaban-mali naman, akala mo kung sino na no'ng nakahawak na ng baril. Tsk. Pasaway na babae..."

Tumigil ako sa paglalakad at hinarap ang mga nagtatawanang kasamahan niya. Nag-isang linya ang mga labi ko habang masamang-masamang nakatingin sa mga ito. Kunwari pang hindi ako napansin ni Martin dahil kita ko ang pigil na ngiti nito na ikinangitngit ko lalo.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon