Kabanata 15

1.2K 53 21
                                    

Austrianna

HINDI ko alam kung magmamaktol ako o ano ngayon. Sobrang sama at bigat ng dibdib ko habang tinatahak ang daan papunta sa silid-aralan namin.

Nakasalubong ko pa si Cora na may kinakaing tsokolate.

“Ay, suplada. Hmp!” Napaismid ito at biglang kumapit sa braso ko. “Ano’ng nangyari sa ’yo, Austrianna Ali Gorospe?” dagdag pa nito na lalo kong ikinasimangot.

Bumabalik na naman ang ugali ni Cora mula pa noong mga kinse anyos pa lamang kami. Pangalan ko na naman ang naisipan nito.

“Wala, nainis lang ako dahil bigla na lang nawala si Martin sa tabi ko paggising ko kanina. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta, wala namang paalam sa akin,” inis kong pagkukuwento nang makapasok kami sa silid-aralan.

Sabay kaming naupo sa upuan. Wala akong kagana-gana sa araw na ito. Hindi ko alam, bakit umalis si Martin nang hindi man lang nagpapaalam sa akin? Dala niya pa pati ang ibang gamit niya. Isinakto niya pa ang pag-alis niya na tulog pa ako. Halos mag-iisang linggo pa lang siya rito, at wala naman siyang eksaktong petsa na sinabi kung kailan siya babalik sa trabaho.

Nakakainis dahil hindi man lang umaabot ng buwan ang bakasiyon nito. Palaging dalawang linggo lang, o tatlo noon. Hindi ko alam kung ano ang pinaggagagawa nito sa buhay.

At sana man lang, kung talagang bumalik na siya sa trabaho ngayon, nagpaalam siya sa akin para naman hindi ganito kasama ang araw ko.

“Baka may emergency?” hindi sigurado niyang sambit na ikinahinga ko nang malalim.

Bahala na nga. Baka sumulpot din iyon mamaya...

Pagtapos ng klase ay inanyayahan ako ni Cora na dumalo ulit sa klase ni Ka Erni. Nag-alangan pa ako ngunit pumayag na rin.

Ito na ang huling araw namin para magdesisyon kung aanib ba kami, at kailangan ni Ka Erni ang desisyon ko—o kung desisyon pa ba na matatawag iyon dahil tiyak na gagamit ang mga ito ng dahas kapag umaklas kami. Ilang araw ko na rin kasing iniiwasan ang grupo nito upang hindi magalit si Martin sa akin.

At ito na ang huling pagkakataon na makikipag-ugnayan pa ako sa kanila. Kailangan ko na ring bantayan nang maigi ang buhay ko dahil tiyak na magbabanta ang matandang rebelde na ’yon sa akin.

“Talaga bang hindi ka aanib? Tiyak na magagalit si Ka Erni, ikaw pa naman ang paborito niyang estudyante...”

Huminga ako nang malalim at mapait na napangiti rito.

“Hindi na talaga, Cora. Nangako na ako kay Martin, at masisira ko na ang relasyon namin oras na ipagpatuloy ko pa ito,” buntong-hininga kong saad na ikinanguso nito.

Mayamaya’y pinagmasdan ko ito nang yumapos siya sa aking braso at bumulong. “Sigurado ka? Nag-aalala ako para sa ’yo, Ria. Paano kung mangyari rin sa iyo ang sinapit ng dating estudyante ni Ka Erni? Buhay mo rin ang manganganib dito. Ay! Buhay pala natin dahil hindi na rin ako aanib,” anito pa na nag-aalala.

Napangiti na lamang ako sa kawalan at yumuko. Iyon din ang ipinag-aalala ko. Kilala ko si Ka Erni, at alam kong alam niyang marami na akong nalalaman patungkol sa grupo nila. Mahirap akong pakawalan, dahil tiyak kong mangangamba sila para sa kaligtasan nila oras na umalis ako sa grupo. Maaari rin akong magamit ng mga sundalo at gobyerno para mapabagsak sila at mailaglag.

Napailing na lamang ako sa kawalan ng masasabi. Kakausapin ko na lamang si Ka Erni at Ka Meli, baka madala ko pa sila sa maayos na usapan. Susubukan ko ang suwerte ko kahit na mukha iyong imposible.

Pagdating namin sa room na pinagdarausan nila ng klase ay napatigil kami pareho ni Cora sa naabutan. Dalawa na lamang na tao ang naiwan doon, na parehong napakaseryoso ng mukha at tila pa balisa.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon