Kabanata 9

1.1K 63 11
                                    

Austrianna

You are a liar, Zach Martin. Ang sabi mo ay hindi mo papatayin ang pamilya ko. Pero binali mo iyon.

Sa tuwing babalik-balikan ko ang mga alaala ko sa iyo ay wala na akong ibang maramdaman kundi ang pandidiri.

Masyado mo akong niloko noong mura pa ang isip ko. Pinagsisihan kong nakilala pa kita...

“Nakausap mo na ba ang pamangkin ng gobernador?” ang mariing tanong sa akin ni Alicia habang nakahalukipkip ito sa tabi ng puno. Nabalik ako sa reyalidad at napa-ayos ng upo.

Umiling agad ako rito. “Hindi pa. Wala pa siyang paramdam sa akin,” yamot kong tugon habang hinahasa ang aking patalim. Sa aking gilid ay nakahilera ang iba’t ibang klase ng mga patalim na pamana pa ni ama sa akin.

Huminga ako nang malalim, hindi ako tumingin sa mga mata nito na tila agila. “Hayaan mo’t makakausap ko rin iyon. Hintayin lamang natin ang pinansiyal na suporta at ibibigay niya rin iyon,” pagdurugtong ko sa sinabi.

“Putragis!”

Napatingin na ako rito nang malutong siyang sumigaw. “Ano ang problema mo?” walang emosiyon kong tanong dito. Hindi ko alam kung ano na naman ang problema nito at palaging mainit ang ulo.

Iritado niya akong tiningnan, batid ko rin na nakapaloob doon ang pagkadisgusto niya sa akin. “Ikaw ang pinuno, hindi ba?! Kausapin mo nang matino ang nagpapa-suweldo sa atin! Anong petsa na ngunit wala pa ring naibibigay na sahod sa ‘tin! Namumuti na ang mga mata natin dito, gumawa ka naman ng paraan!” Masamang-masama ang tingin nito sa akin.

Sabagay, walang katao-tao rito banda sa aking tirahan. Kami lamang dalawa rito kaya nagagawa niyang lapastanganin ako.

Umigting ang aking panga sa pagkairita. “Huwag mo akong sigawan, Alicia. Aking gagawan iyan ng paraan mamaya sa paglitaw ng liwanag. Matutuo kang rumespeto sa pinuno mo,” marahan kong sambit. Pigil na pigil ko na masigawan ito dahil ayokong dugtungan pa ang aming mga sagutan.

Nahahapo na ako dahil sa hindi pa ako nakakatulog. Marami akong inasikaso kaninang hapon na hatol sa mga nadadakip na lapastangan sa aming grupo. Pati na rin ang mga taong nagtatangkang magsumbong ng kinaroroonan namin sa mga sundalo. 

At pagsikat ng araw mamaya ay bababa na ako ng bundok upang singilin ang nakaligtaang pasahod at pinansyal na suporta ng pamangkin ng gobernador sa amin. Sana lamang ay makapag-isip ako nang maayos mamaya dahil ayokong maging bangag sa harap ng maraming tao...

Saglit kong sinulyapan ang aking kapatid na pasimple akong inirapan bago lumisan.

Napahinga ako nang malalim.

Mas mabuting asikasuhin niya na lamang ang kaniyang mga anak kaysa dabugan niya ako rito. Hindi ko gusto ang ipinapakita nitong asal sa harap ko, lalo na kapag kami lamang dalawa, ngunit ayokong parusahan ito dahil malulungkot ang aming ina at ang mga anak ni Alicia.

Dito na ito nakapag-asawa noon ng kapwa rebelde rin. Nabuo ang mga anak nila rito na sa kampo, at sa paglaki ng mga ito ay nakatadhana na silang humawak ng armas at matutong kalabanin ang gobyerno.

Iyon din ang isa sa mga paraan namin upang maparami ang grupo namin maliban sa paghahakot ng mga tao. Ngunit sa kasamaang palad, matagal nang kinuha ang buhay ng asawa ni Alicia.

Mabuti nga’t marami ang nagsisipag-asawa sa amin kaya’t hindi nauubos ang mga paslit dito. Ang iba ay nag-aasawa ng mga taga-labas, at kalaunan ay dinadala rito upang sumapi na rin.

Marami rin dito ang mga rebeldeng prupesyonal, o iyong mga nakapag-aral nang mataas at magaganda ang mga naging trabaho noon bago pa sila sumapi rito. Ngunit dahil sa ayaw nila sa kasalukuyang gobyerno ay kinakalaban nila iyon at umaanib sa amin.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon