Kabanata 22

1.5K 51 13
                                    

Austrianna

Marahan akong tumayo at lumapit sa bintana ng kubo. Laking dismaya ko nang mapansin na wala man lang bituin ngayong gabi. Tiyak na maulap ngayon, baka umulan pa kinabukasan.

Huminga ako nang malalim at pinagmasdan ang mga kalalakihan na nagpapahinga sa ’di kalayuan. Hindi nila ako napapansin lalo’t madilim sa parte ko, hindi na ako nag-abala pang buksan ang gasera.
Hinanap ko si Martin at natagpuan ko ito sa pinakagilid, sa tapat lang din ng kubo at tila ba nagmamasid-masid. Lihim akong napangiti at mariing nakagat ang ibabang labi.

Ngunit saglit lang iyon dahil napukaw ng isang puting bagay sa gilid ko ang aking atensiyon. Agad na nangunot ang noo ko’t umalis sa pagkakasandal sa bintana. Nilapitan ko ang bagay na tila itinago at isiniksik sa likod ng kawayang pader, may plywood naman doon bilang dingding kaya hindi masisilip ng tao mula sa labas ang naririto sa kubo.

Tila iyon isang papel kaya naman na-curious agad ako. Nang madukot ay naupo ako sa higaan at binuhay ang gasera, para lamang mapamaang sa mga nakasulat doon.

     Ria anak, ang tatay Edgardo mo ito. Kung mababasa mo man ito ay siguradong wala na ako sa mundo. Naaalala mo pa ba ang mga sinabi ko sa iyo noong paslit ka pa? Tila hindi na dahil napakatagal na n’yon. Tungkol iyon sa pangarap ko para sa ’yo, ang magiging tungkulin mo.
      ‎
      ‎Alam ko, noon ay wala ka talagang potensyal na maging kumander ng grupo. Pero gusto kong maging pinuno ka, Ria anak. Kung dumating man ang panahon na wala na ako rito at malaki ka na. Gusto kong palitan mo ako rito—hindi para lumaban pa sa gobyerno, kundi para ituwid na ang lahat at puksain ang grupong ito. Huwag kang mag-alala dahil nakausap ko na si Ka Roni na siyang nag-aayos ng grupo, na ’pag nawala na ako ay ikaw ang itanghal niyang pinuno, hindi ang isa sa mga kapatid mo. Alam kong alam mo na ang tama at ang katotohanan. Alam kong alam mo na kasinungalingan lamang ang lahat ng ito. Ang tanging nais lang talaga ng mga matataas na pinuno namin ay ang kalabanin ang gobyerno at pabagsakin ito. Pinagkakatiwalaan kita dahil ikaw lang ang anak ko na hindi utak-terorista at hindi pa nakukurap ang isipan.
    
        Delikado itong nais ko at mahirap, ‎pero alam kong matapang kang babae, Ria anak. Sana ikaw na ang tumapos sa lahat ng problema ng mga tao rito. Ilaglag mo ang grupo sa gobyerno, puksain mo ang recruitment dito, at isuko ang mga kasamahan namin dito na hanggang ngayon ay hindi pa nagigising sa katotohanan. Alam kong kaya mong gawin iyon kahit na mahirap, tiwala akong susuportahan at tutulungan ka ng mga sundalo, magtiwala ka lang sa gobyerno natin ngayon. Alam mo naman ang pasikot-sikot at baho ng grupo. Sa gayon ay magiging payapa na rin ang lugar natin, wala nang pangamba ang mga tao, wala nang gulo, wala nang gigipitin pa, at wala na ring susunod na henerasyon ng mga rebelde sa lugar natin.
      ‎
      ‎Matagal na kitang sinusubaybayan kahit na malayo ka sa amin, at proud na proud ako sa talino at tyaga mo. Ingatan at mahalin mo nang lubos ang sundalo mong nobyo dahil pasadong-pasado siya sa akin, anak. Siya nga ang lalaking pinapangarap ko na papalit sa akin sa buhay mo. Magtiwala ka lang sa kaniya at pasakop.

       Ngunit sana’y mapatawad mo ang tatay dahil naging duwag ako at naging sunod-sunuran sa ina mo. Hindi na ako maka-alis pa sa kinalalagyan ko ngayon, kaya ito na lamang ang tanging magagawa ko upang bumawi sa lahat ng mga naging kasalanan ko. Kahit ito lang ang magawa ko, kahit bago ako mamatay.

     Huwag na huwag ka na ring magtitiwala sa ina mo, lalo na kay Alicia. Ria, alam ko na ang plano nila noon pa man. Gusto akong patayin ng ate mo, at kapag nagawa na ay buhay mo naman ang sisirain niya dahil sa galit niya sa iyo—dahil sa pakikipag-ugnayan mo sa mga sundalo. Mag-ingat kayo ng sundalo mo mula sa kaniya. Puro sila kasinungalingan, kaya kung ano man ang sabihin nila sa iyo pagkatapos kong mamatay anomang oras mula ngayon ay huwag na huwag mong paniniwalaan. Mag-iingat ka.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon