Kabanata 17

1.1K 50 34
                                    

Austrianna

LUMULUHA ang aking mga mata habang nakaupo sa sanga ng natumbang puno sa gilid.

Tahimik kong pinagmamasdan ang hindi ganoon kalawak na lupain na dating tinatamnan namin ni ama. Tinubuan na iyon ng matataas na damo, naglaho na ang dating sigla at kasaganaan ng mga tanim namin dito simula nang mapadpad ako sa Baguio. Hindi na naalagaan nang maayos ang lupang ito.

Nakakalungkot nang pagmasdan ang mga naging alaala namin dito noon ni ama. Tila sariwa pa ang sugat sa puso ko kahit hanggang ngayon. Hindi ko matanggap ang kaniyang pagkamatay, pati na ng aking mga kapatid na lalaki.

“Ama, may napatay ho akong sawa rito! Muntik nang lunukin ang aking alagang aso!” pagsusumbong ko sa aking ama na may bitbit pang mahabang armas.

Ngumiti ito’t inilapag saglit ang baril niya, saka sinilip ang ngayo’y wala nang buhay na malaking sawa sa tabi ng puno.
“Baka balikan ka ng mga kamag-anak niyan, Ria. Sige ka,” anito na ikinanguso ko. Doon na ito humalakhak, saka hinaplos ang ulo ko. “Biro lang. Alam mo, Ria. Iyan na ang pinakamalaking sawa na napatay mo rito. Baka puwede pang makain ’yan—ulam mo mamayang gabi,” dagdag pa nito na ikinanguso kong muli...

Mahina akong natawa nang maalala ang eksenang iyon dito.

Kay sarap balik-balikan, ngunit kalakip naman n’yon ang pait at hapdi sa puso ko.

Yumuko ako’t pinagmasdan ang mga paa na nakabitin. Tumalon ako pababa ng natumbang sanga at bumalik sa kampo.

Naabutan ko pa roon si Alicia na tumaba na dahil sa dami ng mga anak. Noong huli ko itong makita noong bago pa ako magtungo sa Baguio, payat pa ito at kakaunti pa lamang ang mga paslit na anak. Ngayon ay napakarami na, hindi naman niya inaalagaan nang maayos.

Hindi ko na ito pinansin pa at nagtungo na lamang sa tent ko. Binuhay ko ang ilaw at isinara ang takip sa pintuan, bago maupo sa aking higaan.

Nang maramdaman ko ang panlalata ng katawan ay nahiga ako roon at iniunat ang mga braso.

Hindi ko man aminin ay nakakaramdam ako ng kaba sa tuwing nakikita ko ang Montehermoso na ’yon.

Siguro dahil alam ko kung gaano siya katinik at kagaling na sundalo? Siya ang pinaka-ikinababahala namin, at bakit? Sikat siya sa amin dahil sa dami na niyang nasugpong mga rebelde noon sa iba’t ibang mga probinsiya. Lahat ay natatalo nila, kaya isa ito sa ikinababahala namin lalo pa’t dito pa nadestino sa probinsiya namin.

Inis kong ipinikit ang mga mata nang maalala kung gaano ito kakisig kanina. Hindi nga ako nagkamali ng hula noon, lalaki at lalaki pa ang katawan nito dahil sa kaka-ehersisyo. Nakakatakot banggain ang katawan nito lalo’t mabato at malaki. Kumpara sa katawan nito, alam kong dehado ako. Kaya utak at galing ang mas dapat kong paganahin sa labang ito para mapatumba ito.

“Tungkol sa pagkamatay ng ama mo, wala ako—kaming ginawang masama sa kaniya. Bakit hindi mo tanungin ang kapatid mong babae na may mataas na ambisyon patungkol diyan? Masyado ka lang kinakain ng galit mo sa amin na wala namang katuturan. Ang tigas talaga ng ulo mo minsan, Mahal ko. Alam mo, halika na, umuwi na tayo. Nais ko nang mahagkan muli ang mga labi mo...”

“Hindi nga kami ang pumatay sa kaniya, Aria. Sinet-up lang kami ng kapatid mo kaya kami ang pinagbibintangan. Bago ka sana nagalit sa amin, inalam mo muna dapat ang totoo. Alam mong mahal na mahal kita kaya hindi ko magagawang pasamain ang loob m—”

Marahan kong itinagilid ang katawan at ginawang unan ang braso. Tulala kong pinagmasdan ang maliit na kahon na nasa pinakagilid ng aking higaan.

Sinet-up sila ni Ate? Tsk. Sinungaling. Tiyak na nais lang nitong pagtakpan ang ginawa para bilugin ang ulo ko. Ang sabi ni ina at Alicia sa akin ay pinagtulungan ng mga sundalo ang aking ama. Pinatay nila ito sa brutal na paraan nang mahuli, roon sa paanan ng bundok na malayo pa rito sa kampo. Samantalang ang iba ay nakaligtas, maliban kay ama, wala namang nalagasan sa grupo ng mga sundalo.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon