Kabanata 19

1.8K 79 43
                                    

Austrianna

“Reyang paslit!”

“Psst! Ria!”

Tinigilan ko ang paglalaro sa mga Makahiya na halaman, saka marahang nilingon si Kuya na may hawak-hawak na itak. Nakangisi ito habang pilit na pinupukaw ang atensiyon ko.

Kumibot ang aking labi at dahan-dahang tumayo mula sa pagkakahiga sa damuhan. Nilapitan ko ito at kumapit sa braso nito.

“Saan tayo tutungo, Kuya?” nagtatakang tanong ko rito habang pilit na sinasabayan ang malalaki nitong hakbang.

Lumayo kami sa kampo na wala itong imik. Hanggang sa...

“May nabihag akong tao roon, Reyang. Nais mo bang makita kung papaano ko iyon paslangin?”

Napasinghap ako sa narinig mula kay Kuya. Bagamat nais kong umangal ay wala akong nagawa nang kaladkarin ako nito papunta sa kung saan.

Hindi na ako umimik pa at naging sunod-sunuran na lamang dito. Ayaw ni ama na makakita ako ng karahasan, pero dahil wala ito ngayon dito ay nagagawa akong dalhin ng aking kapatid sa kung saan-saan.

Pagdating namin sa isang puwesto ay nakita ko roon ang nakagapos na lalaki. Halata ang kadukhaan dito, tulad namin. May hinukay nang tila libingan sa tabi nito habang ito ay tumatangis.

Hindi ko rin inaasahan ang presensiya ni Ate Alicia at ng isa ko pang kapatid na lalaki roon.

Nagtungo si Kuya sa tabi nito at tuwang-tuwang tiningnan ako. “Pagmasdan mo nang maigi kung ano ang gagawin ko sa kaniya, Reyang. Balang-araw ay gagawin mo rin ito hangga’t nandirito ka, nasa lahi natin ang pagiging berdugo at pinuno. Mas mainam na ngayon pa lamang ay hinahasa ka na para may silbi ka naman dito...”

Si Kuya na kinse anyos pa lamang, marunong nang kumitil ng buhay ng mga bihag. Ito ang maaaring pumalit sa berdugo ng grupo nila na tumakas na. Maaari ring si Ate o ang isa ko pang kapatid. Lahat naman sila ay magagaling.

Samantalang ako na halos pitong taong gulang pa lamang at wala pa halos sa tamang pag-iisip, ay pinapakitaan niya nang ganitong karahasan.

Nanatili akong nakatayo roon, naghihintay ng kung ano ang maaaring mangyayari. Ni hindi ako makagalaw sa kinatatayuan.

“K-Kuya,” marahang angal ko rito nang biglaan niyang sabunutan ang lalaki. Ipinakita nito sa akin ang leeg ng matandang lalaki, habang nasa likod ito ng lalaki.

Ngumisi lang sa akin ang aking nakatatandang kapatid at iniuma ang patalim nito sa leeg ng bihag. “Huwag kang matakot, Reyang. Gagawin mo rin naman ito paglaki mo, e. ’Di ba, Alicia?” Bigla nitong binalingan ang aking ate na ngumisi lamang sa akin.

Marahan akong umiling sa kanila at bahagyang nakaramdam ng takot. “P-Pero wala po kayong pahintulot mula kay ama na sanayin ako. At hindi ba kayo naaawa sa mamang ’yan? May pamilyang naghihintay sa...”

Naputol ang aking sasabihin sana nang bigla na lamang akong sigawan ni Ate na ikinatigil ko.

“Walang puwang ang mahihina at maaawain sa grupong ito!”

Hindi napigilan ng mga paa ko na umatras sa pagkagulat. Ang aking mga mata ay bahagyang namasa dahil sa pagsigaw nito sa akin, tila galit pa.

“Ang berdugo ay pumapatay nang walang awa, pumapatay rin ito nang marahas sa sino mang kakalaban sa atin! Huwag kasing puro awa ang pairalin mo, Ria! Ipinanganak ka para maging tulad namin— hindi nga lang para maging pinuno dahil kulelat ka naman.  Hindi ka prinsesa rito tulad ng turing sa ’yo ni ama, tandaan mo ’yan.” Bahagya itong kumalma nang makita ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha ko. Hindi na ako naka-imik pa habang nakatungo lamang sa kanila.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon