Kabanata 2

3.8K 159 35
                                    

Austrianna

TUMULO ANG aking luha nang hagkan ako ni ama sa aking sentido.
Hindi nito nais na iwan ako rito sa Baguio, ngunit kailangan niya itong gawin para sa akin, para sa aking kaligtasan.

“Ama, sino ang mag-aalaga sa akin dito?” palahaw ko’t mahigpit na yumakap rito.

Tumigil ito sandali, pagkaraa’y napayuko. “Si Nana Ethel, Ria. H-Huwag ka nang umiyak pa. Aalis na ako, hindi na kita mapapatahan pa.”
Lalo tuloy bumuhos ang aking mga luha. Niyakap ko ang leeg nito at doon sumubsob.

“N-Naiintindihan ko po, ama,” hikbing saad ko. Wala naman akong magawa dahil ginagawa niya lamang ito para sa aking kaligtasan.

Kung mananatili pa ako roon ay mapapahamak lamang daw ako. Nagkakainitan na kasi ang magkabilaang grupo, ang grupo ni ama at ng mga sundalo sa lugar na naiwan ko. Ang natira na lamang doon sa aming probinsiya ay sina nanay, mga kapatid kong lalaki, Alicia, at ang aking ama na kasama ko ngayon, na mamaya’y uuwi na rin.

Nag-isang linya ang mga labi ko nang muli ako nitong niyakap nang mahigpit. Bumuhos na parang ulan ang mga luha ko habang ninanamnam ang mainit na yakap ng aking pinakamamahal na ama.

Nalulungkot ako dahil walang kasiguraduhan kung magagawa pa ako nitong balikan dito pagkatapos ng namumuong gulo roon, delikado kasi ang trabaho ng aking ama roon, ng aking buong pamilya.

Mula pagkabata ko’y namulatan ko na ang karahasan ng aking pinanggalingan na pamilya, itinanim nila sa puso’t isip ko nang magka-isip ako na dapat naming kamuhian ang mga sundalo, at ang gobyerno.
At dahil iyon ang kinamulatan ko mula pa noon, natuto akong magalit sa mga kaaway namin, kahit na wala naman akong ideya kung bakit namin sila dapat na kamuhian.

“Edgardo, parating na ang bus na mag-uuwi sa iyo sa Bukidnon! Paspasan mo na riyan!”

Lalo akong nalugmok sa lungkot at takot nang marinig ang sinabi ni Nana Ethel, na ngayon ay nasa unahan namin at nakamasid sa amin.
Nag-aalala ang mukha nito habang pinagmamasdan ako na maiiwan dito.
Panatag naman ako na kay Nana Ethel ako ipapaalagaan, ngunit ang kinakatakutan ko ay si Lala Ethyl, na akin ding makakasama rito habang pansamantala akong makikituloy. Masungit daw kasi iyon, kaya’t nababahala ako.

Muling hinaplos ni ama ang likod ko nang mapansing lumakas na naman ang aking mga hikbi dahil sa pagkataranta.

“Babalikan din kita rito, Ria. Sa ngayon ay kaligtasan mo muna ang uunahin natin, ha?” Maging ang aking ama ay napaluha na rin, na kanina ay pinipigilan niya lamang.

Kahit nanlalabo ang mga mata ay napilitan akong tumango sa sinabi nito. Pagkaraa’y bumitiw ako rito mula sa mahigpit na pagkakayakap.
“M-Mag-iingat po kayo roon, ama. Hihintayin ko po kayo rito,” halos pabulong ko nang wika. Mabilis kong tinuyo ang basang-basa kong pisngi, saka binigyan ang aking ama ng isang matamis na ngiti.

Bigla itong napatawa sa ginawa ko. Kinuha nito ang laylayan ng suot na damit pang-itaas, saka pinunasan ang sipon ko na bumabara sa aking ilong.
“O, siya. Aalis na ako, nariyan na ang bus, Ria.” Humirit pa ito ng isang halik sa aking ulo, bago naglakad papunta sa bus na kakahinto lamang sa tapat namin.
Napayuko ako at tinakpan ang bibig, nais na namang umalpas ng aking mga hikbi.

Nang muli akong mag-angat ng tingin ay nakita kong nakaupo na sa tabi ng salaming durungawan si ama, kumakaway ito habang umiiyak.
Suminghap ako at muli na namang nanlabo ang mga mata dahil sa luha. Sinuklian ko ng kaway ang lalaking isa sa mga nagpalaki sa akin.

Namilipit sa sakit ang aking dibdib. Hindi ko alam kung kailan ko muling makikita ang aking pamilya sa Bukidnon, baka abutin pa ako ng taon dito, ngunit sana’y huwag naman.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon