Kabanata 16

1.1K 56 30
                                    

Austrianna

Pagsapit ng hapon ay bigla na lamang akong ginulantang ng balitang...

... patay na ang dalawa kong kapatid na susundo sana sa akin dito.

At ang hindi ko matanggap, na-set-up pala ang mga ito nang malamang aalis ng Bukidnon. Hindi ko alam kung papaano sila napunta sa Iloilo kaninang umaga, pero roon nangyari ang engkuwentro sa pagitan nila at ng mga pulis doon. Alam ko naman na matagal nang wanted sa buong bansa ang mga napatunayang rebelde, at kasama na roon ang pamilya ko.

Pilit silang pinapasuko ng mga pulis, ngunit nagmatigas ang mga kapatid ko at bigla na lamang daw naglabas ng armas at granada. Nagkapalitan sila ng bala ng mga pulis. Isa ang nasabugan ng bomba na agad ding nasawi, at ang dalawa kong kuya na namatay rin dahil sa tama ng bala.

At ang masaklap, kasama sa pumatay sa mga kapatid ko ang pulis na kuya ni Martin. Naroon pa nga raw sa eksena ang ama nila na napadaan lang daw sa lugar. Hanggang doon na lamang ang nabalitaan ko dahil halos hindi ko na matanggap ang lahat. Naging tuliro ang aking isipan.

Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon.
Magkahalong galit, sakit, at pagkalungkot ang lumulukob sa dibdib ko. Isa na namang biglaan at nakakagulat na pangyayari para sa buhay ko.

Hindi ko na mapigilan ang sarili na magalit, lalo na sa mga taong sangkot sa pagkamatay ng mga kapatid at ama ko. Hindi ko na kaya.

Alam ko namang may mali rin ang mga kuya ko, pero hindi ko talaga mapigilan na magalit sa mga pumatay sa kanila. Ang pagkamatay nila ang dahilan ng galit ko. Hindi ko matanggap.

Wala na nga ang aming ama, pati sila ay mawawala rin.

Umiyak ako habang nagwawala sa loob ng aking kuwarto. Pinaghahagis ko ang mga nahahawakan kong gamit dahil tuluyan nang sumabog ang damdamin ko. Hindi ko na nakayanan pang magmukmok at umiyak na lamang sa sulok. Gusto kong ilabas ang sobrang sama ng loob na nararamdaman ko ngayon.

Galit akong napasigaw upang ilabas ang matinding poot sa aking puso. Masyado akong kinain ng galit, na pati si Martin ay nadamay sa sobrang galit ko.

Sa mga oras na iyon ay gusto ko na lamang ipaghiganti ang pagkamatay ng tatlong mga mahal ko sa buhay. Hindi ko na kaya, hindi ko na kayang pigilin pa ang sarili ko. Mas lalo akong hindi patatahimikin ng isip ko kung hindi ko masisingil ang mga pumatay sa pamilya ko.

Pinagtulungan nila ang ama’t mga kapatid ko para patumbahin. Kaya ngayon ay itataga ko sa bato na magbabayad sila.

Hindi ako mabait at mapagpasensiya sa lahat ng oras na gaya ng pagkakakilala ng mga tao sa akin.

Umabot na ako sa puntong masyado nang napuno ang damdamin ko, pati ang galit ay nasagad hanggang sa kasukdulan.

Lahat ng pagpapasensiya na natitira sa akin ay pinigtas ko na. Para bang sa isang iglap ay naglaho sa isip ko ang mga sinabi sa akin noon ni Martin na pagkatiwalaan ko siya.

Hindi, hindi na. Nagawa na nga nilang patayin ng pamilya niya ang pamilya ko. Paaano ko pa siya pagkakatiwalaan?

Naniniwala na ako nang lubos na pinatay nila ng kasamahan niya ang ama ko. Tinadtad ng bala para hindi na mabuhay pa upang sa gayon ay maging tagumpay iyon sa grupo nila. Bakit nga ba naman magkakaroon ng pagpapahalaga si Martin sa ama kong rebelde, e, pareho silang mamamatay-tao?

Magkalaban sila. Tama nga ang aking Lala noon, pati na ang mga sinabi ni Ka Erni sa akin. Nagsisisi akong hindi ko iyon inintindi noon.

Dapat lang palang magalit ako sa mga sundalo at pulis, dahil sila rin ang papatay sa amin balang-araw. Sa mga oras na ’yon ay hindi ko na inintindi pa ang tamang katuwiran, mas pinili ko kung ano ang isinisigaw ng damdamin ko.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon