Kabanata 21

1.8K 58 12
                                    

Austrianna

Hindi naman bago sa akin ang ganitong gawain. Sa bundok na kinalakihan ko noon ay ito rin ang ginagawa ko sa tuwing nais kong kumain ng isda mula sa ilog. Minsan sinasamahan ako ni ama sa tuwing libre ang oras nito, para lamang mapasaya ako dahil alam niyang iyon ang kaligayahan ko noon—ang makasama ito.

Ngunit ngayong wala na siya, ako na lamang ang gagawa ng lahat ng mga ginagawa namin noong bata pa ako.

Saglit na nawala ang ngiti ko’t nag-unat ng likod. Tumuwid ako ng tayo at hinayaan ang sarili na tumanaw sa malayo. Hinayaan ko ang isip na tangayin ako ng mga alaala ng nakaraan.

“Ria anak, kapag dumating na ang araw na wala na ako sa tabi mo. Ikaw na lang ang gagawa ng mga ginagawa nating ito. Pero huwag kang malulungkot, alam kong matapang ka at malakas na babae. Tiyak ko na magagawa mo rin ang lahat ng ito kahit na wala na ako, kaya mo ’yan,” wika ng aking ama habang nakasakay ako sa likod nito nang mapagod sa kakabingwit ng mga tilapya sa ilog...

Tuwang-tuwa ako dahil natalo ko ito sa paramihan ng mga nakuhang isda, at natutuwa ito para sa akin dahil sa galing ko.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang alaalang iyon. Lahat ng iyon, nakatatak sa isip ko. Masayang isipin ang nakaraan kong iyon, ngunit sa kabila n’yon ay nalulungkot ako dahil hanggang alaala na lamang iyon. Hindi ko na muling maibabalik iyon nang kasama si ama— siguro ay ibang tao na ang makakasama ko.

Masyado pang mura ang isip ko noong mga panahon na ’yon para intindihin at unawain ang mga sinabi ni ama, ngunit ngayong malaki na ako ay saka ko lamang naintindihan ang lahat ng mga itinuturo nito sa akin.

Tama siya, darating talaga ang araw na hindi na namin magagawa ang mga bagay na gawain namin noon. Tulad ngayon, ako na lamang ang mag-isang nanghuhuli ng mga isda sa ilog. Pero kahit na ganoon, magagawa ko pa ring kumilos kahit na wala na ito.

Iiling-iling akong natawa sa sarili upang iwaglit ang pighati sa dibdib. Ipinagpatuloy ko na lamang ang panghuhuli, hanggang sa mapagod ako.

Umaapaw sa galak ang puso ko habang pinagmamasdan ang mga nahuli ko na napakaraming isda. Tiyak na kakasya na ito para sa barakong mga lalaki.

Madilim na ang paligid ngunit hindi ko iyon alintana. Dumating ako sa kampo na banas na banas ang mukha ni Martin.

Nang makita niya ako’y tila ito nakahinga nang maluwag.

“Ang tagal mo, saan ka ba nagtungo?” pikong anito, ngunit agad ding natigilan nang mapagmasdan ang kabuoan ko. “What the fuck, Austrianna?” Tila ito kasing bilis ng kidlat nang lapitan ako. Kinuha nito ang shirt na nasa gilid at ipinasuot sa katawan ko na ikinatigil ko.

Nag-angat ako ng tingin dito, sabay pakita ng hawak kong shirt ko na punong-puno ng isda. Napangiwi ako dahil amoy lansa na iyon, ’di bale, lalabhan ko na lang bukas. May naiwan pa akong mga tilapya sa gilid ng ilog dahil hindi ko na kayang bitbitin pa, babalikan ko na lamang.  “Nanguha ako ng maraming isda sa ilog, Martin! Mag-iihaw ako ngayon!” masayang wika ko at inignora ang mga matang nakatarak sa akin.

Nilapitan ko ang lutuan nila at naghanda para sa pag-iihaw. Pero natigilan ako nang mapansin na hindi ako nilulubayan ng tingin ng mga kasamahan ni Martin. Kunot-noo ko silang pinagmasdan at tinaasan ng kilay.

Ang iba ay biglang nag-iwas ng tingin at napasipol. Kinantyawan nila si Martin sa tabi ko na ngumisi-ngisi lang.

“Good mood pareho, a! Nagkabalikan na ba?” parinig ni Paulo, na kaibigan ni Martin.

Hindi ko na lang sila pinansin at ipinagpatuloy na lamang ang ginagawa. Nalinis ko na rin naman ang mga isda kanina sa ilog, kaya ipinatong ko na lamang iyon sa ginawa nilang ihawan.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon