Kabanata 11

1.1K 59 12
                                    

Austrianna

Ang inaakala kong buwan lang na itatagal ko rito ay inabot ng ilang taon.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko kahit hanggang ngayon. Parehong nagtatalo ang isip ko kung magtatanim ba ng tampo kay ama o hindi.

Limang taon na akong nag-aaral dito, nakalipat na nga ako sa Manila upang magkolehiyo, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpaparamdam ang pamilya ko. Hindi pa ako sinusundo rito. Hindi pa kinakausap si Nana.

Minsan, gusto ko na lamang magwala upang ilabas ang pagkalumbay na nararamdaman ko. Nais ko na silang mayakap at mahagkan, ngunit hindi ko magawa dahil hindi ako pinagbibigyan ng tadhana.

Napahinga ako nang malalim at tahimik na pinagmasdan ang magandang tanawin sa unahan.

Nang maging legal ang edad ko noon ay wala na ring nagawa ang mga Tita ko nang sumama-sama ako kay Martin nang walang pag-aalinlangan. Matagal na rin naman nilang kilala ang lalaki. Kahit na anong tutol nina Lala at Khalifa sa amin ay wala silang nagawa dahil pursigido ang lalaki sa akin.

Natakot pa akong sagutin ang lalaki ilang buwan matapos niyang ianunsyo na nililigawan niya ako, pero sinagot ko pa rin siya. Iyon din ang araw na bumisita ang pamilya ni Martin sa akademya nang biglaan. Nalaman pala ng mga ito ang tungkol sa ugnayan namin. Sobra akong nag-alala dahil bagong karanasan iyon sa akin.

Hindi kami opisyal na umamin ng relasyon namin sa aking mga tiyahin, hanggang sa pagtungtong ko ng disi ocho.

Akala ko pa noon, hindi nila kami matatanggap lalo na’t naglihim ako sa kanila nang ilang taon.

Palagi akong umiiyak sa tuwing pinagagalitan at pinagsasabihan ako ng dalawa kong tiyahin. E, ano ba ang magagawa ko para pigilin si Martin? Mas matigas pa siya sa bato kung magdesisyon siya. Sa huli ay hinayaan na lamang nila kami.

Nag-propose ito sa akin nang magdisi-otso ako, nag-aalangan pa ako niyon ngunit siniguro niya na magpapakasal lamang kami kapag hindi na siya abala at kapag handang-handa na ang loob kong matali sa kaniya.

Natapos na kasi niya ang training at misyon niya sa malayong probinsiya, at naging opisyal na itong kasapi ng isang elite force na lalong nagbigay kilabot sa akin para sa lalaki. Balita ko’y mababangis ang mga sundalo roon at matitigas, sa hirap ba naman ng pinagdaanan nilang training. Mabuti at nalampasan iyon ni Martin. May tiwala naman ako sa kaniya, sa kakayahan niya, at hindi nga ako nabigo. Talagang tigasin siya.

Dinala niya ako sa Manila at pinag-aral sa isa sa mga sikat na unibersidad doon dahil iyon ang pangarap ko—kahit na nag-aalangan siya noong una. Siya ang gumastos sa lahat, at nais pa sana akong bilhan ng bahay upang hindi na ako mag-renta, pero tinanggihan ko dahil sobra-sobra na. Pati allowance ko ay siya pa ang nagbibigay.

Pero ang hindi ko inaasahan ay may krimen palang nangyayari sa loob ng apartment na kinuha ko. Hindi naman sa loob ng kuwarto ko, kundi sa ibang mga kuwarto. Labing-siyam pa lamang ako niyon at halos mag-iisang taon na sa apartment na iyon, pero inabot pa ako ng ganoon katagal bago maka-amoy ng baho roon.

Natuklasan kong may mga gumagamit pala roon ng mga droga kaya agad-agad akong nagsabi kay Martin dahil sa sobrang takot.

Sobra itong nagalit sa may-ari ng apartment dahil muntik pa raw malagay sa kapahamakan ang buhay ko kung sakaling hindi ko nalaman ang krimen doon. Huli ko nang nalaman na nagsagawa ng raid doon ang mga pulis, ipinasara ang apartment, at dinala ako ni Santiago sa bahay na biglaang binili ni Martin nang walang pasabi habang nasa trabaho ito—para sa akin, kaya wala na akong nagawa kundi ang tanggapin iyon. Ginawa niya iyon dahil mahal na mahal niya raw ako.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon