Kabanata 12

1.2K 63 22
                                    

Austrianna

Inis akong napapikit bago ito samaan ng tingin.

“Magpasintabi ka naman kahit minsan, Martin! Wala ka na sa laban o kahit na sa bundok, i-normal mo na ’yang kilos mo,” sabi ko habang hindi pa rin tinitigilan ang paghimas ng dibdib. Napakasakit sa puso, sa totoo lang. Huminga ako nang malalim at ngumiti na rin dito.

Tanging ngisi lamang ang ibinigay nito sa akin bago lapitan ang puno. Walang kaabag-abag nitong inabot ang mataas na sanga at hinila iyon pababa. Mamimitas sana ito ng bunga nang agad akong umeksena.

“Ako! Ako, Martin!”

Natawa ito at pinagmasdan na lamang ako.

Pumitas ako ng mga sampalok habang ngingiti-ngiti.

“Gustong-gusto mo pala ng ganito, Mahal,” aniya na ang tinutukoy ay ang pamimitas ko ng bunga.

Mahina akong tumawa at sunod-sunod itong tinanguan, masayang-masaya dahil naalala ko bigla ang mga alaala ko noong nasa bundok pa ako.

“Alam mo ba, marami akong tanim na halaman noon sa bundok. Iyon ang palagi at paborito kong gawin dahil si ama pa mismo ang nagturo niyon sa akin. Miss na miss ko na nga ang kakarampot na lupa roon na pinagtatamnan ko, e,” pagkukuwento ko rito na ikinangiti niya.

“After this, ibibili kita ng malaking lupain para may mapagtamnan. Huwag ka lang babalik sa bundok na kinasanayan mo noon,” anito na ikinatigil ko.

Ibibili niya ako ng malaking lupain? Milyones kaya iyon. Napakamahal.

Napanguso ako rito. “Huwag na. Hindi pa naman tayo mag-asawa, ’no. Baka mamaya ay magkahiwalay rin pala tayo, edi nasayang ang pera mo. Baka magsisi ka lang,” sabi ko rito at pinagmasdan ang mga nakuha kong sampalok. Nang okay na ang dami niyon ay bumalik din kami sa loob. “At saka ang dami mo na kayang naigastos sa akin. Pati nga bahay ay binilhan mo pa ako. Grabe naman ’yang pagmamahal ni Mister Montehermoso,” dagdag ko na hinaluan ko ng biro sa dulo.

Pero mukhang seryoso lang ito ngayon. “Don’t ever think about that, Mahal. Kung magkahiwalay man tayo at ano pa man ang maging dahilan, gagawin ko ang lahat para bumalik ka sa akin. Hindi ako basta-basta sumusuko, lalo na’t wala akong balak na pakawalan ka. At huwag kang mag-alala, kung ikaw naman ang pagkakagastusan ko ng pera ay hindi ako magdadalawang-isip. Kahit anong naisin mo ay ibibigay ko agad sa iyo, Mahal...”

Napalunok ako at pasimpleng nag-iwas ng tingin.

O—Okay?

Hindi ko maitatanggi na nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan dahil sa mga sinabi niya.

Parang nakakatakot naman ito kung magsalita. May diin iyon at para bang siguradong-sigurado siya sa mga sinasabi niya...

“DISPATSAHIN mo na sa buhay mo ’yang sundalo mong nobyo, Ria. Walang magandang maidudulot iyon sa grupo natin. Alam mo ’yan...”

Mariin kong naipikit ang mga mata at saka hinilot ang kanina pa nananakit na sentido. Paulit-ulit na rumerehistro sa isip ko ang mensaheng ipinadala ni Ka Erni sa akin kagabi matapos naming maglampungan ni Martin sa ilalim ng buwan. Iyon ang paborito naming gawin tuwing sasapit ang gabi nang magkasama.

Akala ko ay makakatulog ako nang mahimbing sa bisig ni Martin kagabi, hindi rin pala. Mas lalo lang akong hinabol ng mga masasamang panaginip na alaala ng aking nakaraan. Pati konsensiya ko ay inuusig na naman ako.

Mabuti na lamang at nagawa kong ikubli ang pagkabalisa ko sa harap ng aking karelasyon. Inihatid ako nito sa unibersidad kaya naman laking pasasalamat ko. Nabawasan nang bahagya ang pagkabalisa ko dahil kung magtatagal pa kaming magkatabi ni Martin ay pakiramdam ko, mabubuking na nito ang pagkabalisa ko.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon