Wala akong ibang nagawa kundi ang mapamaang sa nangyayari. Napapatanong sa sarili, kung siya ba talaga ang tunay naming ina? Lumalala na ang pambabalewala nito sa akin, para bang lahat ng nangyayaring kamalasan sa buhay namin ay dahil sa akin, sa aming magkakapatid. 

Mas mabuti pa si ama noon, hindi ganito ang trato sa akin.

“Wala kang kuwentang ina, alam mo ba ’yon?” bulalas ko nang makahuma sa pagkamaang. Nag-igting ang aking panga dahil sa namumuong galit sa puso ko. “Hindi mo deserve maging ina ng kahit na sino. Wala kang kuwenta. Parehas na parehas kayo ni Alicia, mga walang kuwentang ina. Ba’t pa kayo nag-anak kung ganito n’yo lang kami tratuhin mula pa noon? Alam mo, Ma, mahal ko kayong lahat. Pero tang ina ng buhay na ’to, nakakasawa na kayo.  Peste...” Hindi ko na napigilan pa ang sarili na hindi maglabas ng hinaing at sama ng loob.

Natigilan ito at nagsalubong na ang mga kilay. Amba itong magsasalita nang talikuran ko agad...

Pagak akong natawa nang maalala ang eksena kaninang madaling araw. Ayoko sanang sabihin iyon sa kaniya, pero sobra na. Nakakabanas na.

Tahimik kong tinungga ang kape ko habang tulala sa apoy na ginawa namin. Alas seis pa lang ng umaga, at mayamaya lang din ay mag-eensayo kaming muli. Wala akong narinig na usapan patungkol sa pagkamatay ni Estela mula sa mga kasama ko, dahil iyon sa paglilihim namin ni ina. Minabuti nitong itago ang katawan ng bata sa bahay nila at ililibing na lang din mayamaya upang pagtakpan ang nangyari.

At hanggang ngayon ay hindi ako makapag-isip nang maayos dahil sa pagkamatay nito. Nakakapanghinayang ang buhay ng batang iyon. Kung alam ko lang talaga na nakasunod sa amin ang sarili nitong ina, nailigtas ko pa sana ang paslit. Pero huli na ang lahat.

Napayuko ako’t ginalaw ang panga dahil sa galit kay Alicia. Oras lang na magising ito, sisiguraduhin kong magdurusa ito sa parusang ipapataw ko sa kaniya. Ang pambabastos niya sa akin ay kaya ko pang pagtimpihan, ngunit kung ganito na ang usapan, hindi ko ito mapapalampas.

Natigil lamang ang mga iniisip ko nang makarinig kami ng ingay sa ’di kalayuan.

Agad kong nasumpungan si Ka Tatang na kasama si Ka Benjo habang magkapanabay na tumatakbo palapit.

Tumayo ako mula sa kinauupuan kong bato, saka hinarap ang mga ito. “Ano ang nasagap ninyong balita?” mabilis kong tanong. Base pa lamang sa reaksiyon ng mukha nila ay alam kong hindi ko na magugustuhan ang dala nilang balita.

Huminga ako nang malalim nang makalapit sa akin si Ka Tatang na hinihingal pa.

“Kailangan muna nating lumikas, Ka Reyang! May nasumpungan kaming mga sundalo sa ’di kalayuan! Nakasagupaan pa namin ang mga ’yon, mabuti’t nakatakas kami!”

Agad kong narinig ang pagkataranta ng mga kasama naming kabataan. Saglit akong hindi naka-imik, makaraan ay nag-igting ang panga.

“Okay, bitbitin n’yo ang mga armas natin. Kunin n’yo ang mga gamit ninyo,” utos ko sa kanila at hinarap ang mga matatandang kalalakihan. “Ang iba sa inyo ay tumulong sa pagkuha ng mga imbak nating pagkain kung ayaw ninyong manlambot sa gutom mamaya,” wika ko bago sila senyasan na kumilos na.

Ako naman ay dumeretso sa tent ko, para lamang maabutan doon ang kapatid kong tila hilo pa mula sa pagkakatulog.

“Tumayo ka na riyan. Lilikas tayo,” nagmamadaling saad ko at pinagkukuha ang mga gamit ko na mahahalaga.

Agad naman itong tumayo kahit na nahihirapan. “May mga sundalo?”

Saglit ko itong sinulyapan at tinaasan ng kilay. “May iba pa ba?”

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon