“Uuwi na tayo, Ria. Huwag ka nang umiyak pa, mamaya’y ipapasyal kita rito para maaliw ka, ha?” ani Nana Ethel sa mababang tono.

Tahimik akong tumango rito, saka kumapit sa braso nito.

Ilang oras ang aming naging biyahe. Ang sasakyan na aming ginamit ay pag-aari pa ng asawa ni Nana Ethel.

Hindi sila nabiyayaan ng anak ngunit gayon pa man ay hindi na sila umaasa pa dahil sa katandaan. Kaya nang sabihin ni ama na dadalhin niya ako sa kanila ay agad nila akong tinanggap.
Mababait silang tao, ngunit ang isang kapatid ni Nana Ethel ay kasa-kasama niya rin sa bahay nilang mag-asawa.
Wala raw kasi palagi ang asawa ni Nana Ethel sa bahay nila, kaya para hindi malungkot ay napagpasiyahan nilang ipatira muna roon ang kapatid ni Nana.

Akala ko noong una ay si Lala Ethyl ang mag-aalaga sa akin, mabuti na lamang at hindi.

Sa bawat madaraanan namin na mga tourist spot ay talagang itinuturo niya sa akin, nagbibigay ng kaunting impormasiyon patungkol sa mga lugar at bagay, paraan upang aliwin ako at pansamantalang makalimutan ang pangungulila sa aking pamilya.

Napangiti ako nang may matanaw na isang tila palasyo sa bandang itaas. Ngunit awtomatikong nawala ang aking masayang mukha nang mapansing may mga lalaki roon na naka-uniporme na pang-sundalo. May mga turista rin akong nakita na panay ang kuha ng litrato roon. Malayo iyon kaya’t kinailangan kong titigan nang mabuti.

Mabilis kong binalingan si Nana Ethel, saka itinuro rito ang nakita kong magandang lugar sa bandang itaas.
“Ano po iyon, Nana Ethel?” kunot-noo kong tanong.

Kampo ba iyon ng mga sundalo? Ang dami nila. Ang sabi pa naman ni ina’t ama ay huwag akong makikipaglapit sa mga ganoong klaseng tao.
Papatayin daw nila ako, galit daw sila sa mga tulad namin kaya mainam na hindi ako magpunta roon, kahit kailan. Itinatak ko iyon sa isipan, bago mapabuntong-hininga.

“Ay! Ayan ang Philippine Military Academy, Ria. Isa ‘yan sa mga binibisita ng mga tao rito. Maganda ang loob ng PMA, gusto mo bang ipasyal kita riyan minsan?” masayang anito, ngunit hindi ako.

Agad ko itong inilingan. “Hindi na po, Nana. Baka po malaman nila na anak ako ng rebelde, ayoko pong magkagulo.”

Natatakot ako sa sinabi ng aking pamilya patungkol sa mga sundalo. Matinding kaaway raw namin ang mga iyon.

Napahinga nang malalim si Nana Ethel at binalingan ako mula sa pagkakaharap sa kalsada.

Bumakas ang pagka-dismaya sa mukha nito. “Sa totoo lang, naawa ako sa iyo, Ria. Nakikita ko na malambot at mabuti ang iyong puso, pero dahil sa pagmamanipula sa iyo ng pamilya mo ay natututunan mong magalit sa mga kawal na kapayapaan lang naman ang nais sa bayan...”

Napalingon ako rito at agad na ginapangan ng takot. “P-Po?”

Muli itong huminga nang malalim, sumeryoso na ang mukha. “Labag talaga sa loob ko ang pambe-brainwash sa iyo ng pamilya mo, lalo na ni Ate. Pero wala akong magawa kundi ang maging bulag at pipi dahil wala akong lakas upang labanan ang grupo nila.”

Tumahimik na ito matapos n’yon. Ganoon din ako dahil sa kawalan ng masabi. Hindi ko naman alam ang itutugon ko sa sinabi nito dahil hindi ko gaanong naintindihan dahil sa murang pag-iisip.

Mataman ko na lamang na pinagmasdan ang akademyang nasumpungan ko sa bandang itaas namin. Napakaganda n’yon, ngunit nakakatakot bisitahin para sa isang tulad kong lumaking may ayaw sa mga sundalo.

Nang makarating kami sa isang may kalakihang bahay ay huminto na ang sasakyan.

Kinabahan agad ako nang makita si Lala Ethyl na nasa labas at nagdidilig ng mga alaga nilang bulaklak.

Armed and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon