Chapter 34

44.4K 1.4K 115
                                    

Chapter 34

Gusto kong magrebelde pero naisip ko, bagay pa ba sa akin ang pagrerebelde? Ang tanda ko na para magrebelde at baka ang sagwa nang tingnan. Nasa ganun akong pag iisip nung masalubong ko sa hallway si Kuya Gabriel.

Sa lahat ng mga pinsan kong lalaki, kasama na si Kuya Jude, masasabi kong si Kuya Gab ang pinaka sutil. Dahil siguro lumaki siya sa poder nina Grandma at kilala na niya ang mga matatanda. Sa kanilang apat na lalaki, si Kuya Gab lang ang may lakas ng loob na kontrahin si Grandma, siya lang talaga ang lumayas ng totohanan at naging taxi driver para suportahan ang sarili.

Hindi katulad ng paglalayas ni Kuya Ralph na kung minsan tumatawag pa sa ancestral house para magpadala ng pagkain sa bahay niya.

"Raz!" Tuwang tuwang sabi niya pagkakita sa akin. Hindi pa siya nakuntento, hinawakan pa niya ang magkabilang balikat ko nung magkaharap na kami at tiningnan ako ng mabuti.

"You look good. Kamusta ang bakasyon?" Itinirik ko ang mga mata ko sa sinabi niya na kaparehas din ng sinabi ni Kuya Ralph. Hindi na lang ako nagkomento kasi malamang iisa pa din ang patutunguhan ng usapan namin.

"Kuya Gab." Nawala ang ngiti niya sa labi pagkakita na seryoso pa din ang mukha ko.

"Oh?"

"Nung naglayas ka ba dati, pinagsisihin mo yun?" Tiningnan ako ng mabuti ni Kuya Gab. Parang iniisip niya kung maglalayas din ba ako o hindi.

"Hindi. Kung hindi ako naglayas at naging taxi driver, hindi ko nakilala si Mira kaya bakit ko yun pagsisisihan?" Oo nga pala. Nakalimutan ko na dahil sa paglalayas niya kaya niya nakilala ang girlfriend niya.

"Kung hindi mo nakilala si Mira, pagsisisihan mo ba na hindi mo sinunod sina Lola?"

"Raziel..." Inakbayan niya ako at nagsimula kaming maglakad pabalik sa opisina ni Kuya Ralph.

"Ang isang bagay na taos puso mong ginawa ay hindi dapat pinagsisisihan." He looked at me and grinned.

"Bakit may plano kang maglayas?"

"Wala...nakakainis lang kasi. Gusto kong magbakasyon pero ayaw akong payagan ni Kuya Ralph. Ayaw niyang sa malayo ako magbakasyon. Gusto niya, kung magbakasyon ako sa hacienda lang. Anong klaseng bakasyon yun di ba? Minsan ang sarap magrebelde dahil sobrang higpit niyo sa akin." Nagsimula na akong magmaktol. Sa mga lalaki sa pamilya namin, si Daddy lang si si Grandpa ang hindi mahigpit. Lahat sila mahigpit sa akin.

"Malay mo naman kung may valid na reason si Ralph kung bakit ayaw niyang pumayag na sa malayo ka pumunta."

"Baka daw may gawin akong masama. Ano naman ang akala niya sa akin? Suicidal?" Medyo tumaas ang boses ko at nakita kong tumango tango si Kuya Gab. Nakakita ako ng pag asa. Mukhang papayag si Kuya Gab. Baka tulungan niya akong i-convince si Kuya Ralph.

"Kunsabagay...sa tingin ko naman hindi mo sasaktan ang sarili mo."

"Talaga!"

"Pero kung ako din si Ralph hindi din kitang papayagan na magbakasyon sa malayo." Bigla akong napatigil sa paglalakad.

"Bakit? Ano naman ang rason mo?"

"Fiesta na sa susunod na linggo sa atin di ba? May Santacruzan at gustong manood ni Mira. Hindi na siya pwedeng samahan ni Ana at Xiara dahil buntis yung dalawa. Siyempre hindi papayag sina Ralph at Jude na gagala pa ang mga asawa nila kaya ikaw na lang ang makakasama sa kanya," Lalong lumaki ang ngisi niya habang nanlalaki naman ang mga mata ko.

"Ano? Bakit ako? Bakit hindi ikaw?"

"Naku! Mag aaway lang kami kapag ako ang sasama sa kanya sa Santacruzan. Maiinis lang siya kapag nakikita akong tumitingin sa mga sagala. Maaalala na naman niya si Maria Clara kaya mabuti pang ikaw ang sumama sa kanya para di na siya magselos at di na ako pagbintangang hindi faithful." Nakatingin lang ako kay Kuya Gab at hindi makapaniwala. Akala ko mabigat ang rason niya sa hindi pagpayag sa bakasyon ko. Yun pala gagawin lang niya akong chaperon ng girlfriend niya. Pambihira naman.

When Princess FallsWhere stories live. Discover now