Part 24

681 21 3
                                    

ALAM niya kapag napapahamak ako...”
Nakaharap si Scylla sa life size mirror ng hotel room na inuokupa niya habang minamasdan ang kanyang sariling repleksyon. Ngayon ang araw ng kasal ni Timothy. Excited at masaya siya para sa kapatid at sa hipag. Sa wakas ay lalagay na ang mga ito sa tahimik.
At siya? Kailan kaya siya makakapagsuot ng wedding dress at haharap sa altar kasama ang lalaking minamahal? Mukhang malabo na iyong mangyari kung hindi pa siya kikilos.
Matapos ang wedding ceremony at reception sa malawak na garden ng hotel and resort na iyon sa Bohol ay lilipad kinagabihan papuntang Paris ang mga newly wed. Sa gabing iyon niya balak gawin ang lahat. Ayaw niya na sirain ang araw ng kasal ng kapatid o mamoroblema ito bago ang kasal nito. Kaya lang, hinihintay niyang makaalis muna ang mga ito bago siya kumilos para mapabalik sa kanya si Lathan.
Sabihin nang desperada pero iyon nalang ang tanging paraan na alam niya para mapabalik si Lathan.
May kumatok sa pintuan bago iyon bumukas at iniluwa ang gwapong-gwapo niyang kapatid sa suot nitong black tuxedo.
“Ready? Oh wow! You look so stunning sis!” bulalas nito.
And she could agree. Magaling ang make up artist na nag-ayos sa kanya para sa okasyon na iyon kaya lumutang talaga ang angkin niyang ganda. Halos hindi nga niya makilala ang sarili sa pagharap sa salamin dahil sa transformation niya ngayon.
Nakangiting sinalubong niya ng yakap ang kapatid. “Congratulations, Kuya.” Gumanti rin ito ng yakap sa kanya.
“O, wala nang iyakan ha? Mga gago ‘yung mga tropa ko kagabi, pinaiyak lang ako sa bachelor’s party namin. Please lang. Kahit sayo man lang makalibre ako sa drama.”
Tumawa siya. “Yaan mo, hindi ngayon. Mamaya nalang sa reception.”
Tumawa rin ang kanyang kapatid. “So? Let’s go? Ayokong ma-late sa sarili kong kasal.” Biro pa ni Kuya Timothy.
Inirapan nga niya ito. “Diyan lang sa ibaba gaganapin ang ceremony, male-late ka pa?”
“Kaya nga bumaba na tayo.”
Ikiniling nito ang ulo at inihayin ang braso ng pakurba na para bang sinasabi na umabresiete na siya rito.
Nakangiting sumama nga siya sa kapatid.
“I DON’T mean to hurt her. Akala mo ba hindi rin ako nasasaktan sa pasya ko?”
“Nagpasya ka nang iwan siya. Bakit ngayon ay nandito ka at umaaligid?”
“Gusto ko lang siyang bantayan.”
“Bakit pa? Para saan? Sinabi mo na gusto mo nang bumalik sa normal ang buhay niya. Pero hindi mo ba alam na magmula nang magparamdam ka sa kanya ay nagulo na ang buhay niya? At mas lalo mong ginugulo sa mga ginagawa mong pagsulpot at pag-alis sa buhay niya.”
Bumuntong hininga ang bampira.
“It was so hard. Hindi mo ako mauunawaan dahil wala ka sa posisyon ko.”
“Sabihin mo sa akin, pinal na ba ang desisyon mong huwag magpakita kay Scylla? O nakakaisip ka na namang bumalik sa buhay niya?”
Matagal bago sumagot ang bampira.
“Hindi ko rin alam.” Sa wakas ay saad nito.
“Isinusumpa kong hinding-hindi mo malalapitan si Scylla sa susunod na mapahamak siya sa pagsunod-sunod niya sayo. Gagawin ko ang lahat, mailayo lang siya sayo.” mahinahon ngunit puno ng determinasyon na saad ni Theron sa bampirang karibal.
Tulugan na ang halos lahat ng mga naging bisita sa kasal ni Timothy at Pitch. Nakaalis na din ang mga bagong kasal para sa honeymoon ng mga iyon. Si Scylla, nakita niyang pumasok na sa hotel room nito.  Matapos masiguradong nasa maayos naman na ang lahat, at pwede na siyang mamahinga ay ginawa na niya ang planong pag-o-OBE. Kahapon pa lang nang mag-check in silang lahat sa hotel and resort at sandali siyang mamahinga ngunit nauwi rin sa OBE ay nakita niya ang astral form ni Lathan na pakalat-kalat sa paligid. Alam niya kung bakit. Minamatyagan at sinusubaybayan pa rin nito si Scylla.
Shit lang!
Kaya pala kahit anong pagpupursigi niyang mapalapit sa dalaga ay di niya mapasok ang damdamin nito. Iyon ay dahil parating nasa paligid nila si Lathan. At malamang na nararamdaman iyon ni Scylla. Inakala pa naman niya na totoong iniwan na ni Lathan ang dalaga. Akala niya, pwede na siyang umeksena. Nakadagdag pa sa lakas ng loob niya ang boto ni Timothy. Pero ano at naririto na naman sa paligid si Lathan?
Ah, hindi siya papayag na ganito. Na lalapit lang si Lathan kapag gusto nito at iiwan si Scylla kapag naisipan nitong iwan ang dalaga. Sira-ulo ba ito na parati nalang sasaktan ang babaeng nais niyang protektahan?
At si Scylla naman, dahil alam niyang mahal na mahal ang bampira ay pumapayag sa cycle na iyon? Iiwan at babalikan kung kailan maisapan ni Lathan. Alam naman niya at nakikita niya kay Scylla kung gaano kahirap na wala sa tabi nito ang bampira. Pero mas maigi na iyon. She had to deal the pain and get over it. At pagkatapos noon, pagkatapos nitong maka-get over sa sakit, gagawin naman niya ang lahat para hindi na ito ulit masaktan pa. Ilalayo na niya ito sa bampira.
“I found a very effective spell that would make both of you to part ways. Ang tao ay para sa tao lamang, Lathan. Pakiusap, huwag mo na siyang guluhin. Ipinapahamak mo lang siya. Sa sandaling maka-get over siya sayo, hinding-hindi na ako papayag na magulo mo pa siya ulit at masaktan.”
“Hindi ko siya gustong saktan!” mariing giit ni Lathan.
“Kung ganoon nga, manindigan ka sa mga desisyon mo. Dahil sa pababago-bago mong desisyon, paulit-ulit mo siyang pinapaasa at paulit-ulit rin siyang nasasaktan. Kung tunay kang nagmamahal, gagawa ka ng mabigat at pinal na desisyon, Lathan. And it is either leave her or love her.”
Katahimikan na naman ang bumalot sa kanila habang naroroon sa malawak na dalampasigan sa harap ng hotel and resort. Sigurado siyang nililimi nito ang mga sinabi niya. Igagalang rin niya ang desisyon ni Lathan. Pero sa sandaling hindi na naman ito manindigan, sumusumpa siya sa langit at lupa o maski sa ikatlong daigdig, kung meron mang ganoon, na hinding-hindi na ito makakalapit pa kay Scylla.
Expert na siya sa mga orasyon. Marami siyang kaibigan na mga astral travellers and dreamers na maaari niyang makuhanan ng mga orasyon laban sa mga tulad ni Lathan.
“Scylla!” biglang bulalas ni Lathan at tumakbo.
Bigla ang baling ni Theron sa direksyon tinatahak ng astral na si Lathan. Ganoon nalang ang panic at kaba niya matapos makita si Scylla na lumulusong sa tubig. Hanggang leeg na ang tubig dagat rito. Hindi tuloy siya makapagdesisyon kung babalik na sa katawan o tulad ni Lathan ay susugod sa dagat maski nasa astral form na wala namang magagawa.
Pinili niya ang una. Hindi niya maililigtas si Scylla kung nasa astral form siya.
"SAVE ME, Lathan. Kung naririnig mo ako, iligtas mo ako. Balikan mo ako."
Habang lumulubog sa malalim na parte ng dagat ay usal ni Scylla sa isip. Alam naman niyang maririnig siya nito. Alam nga nito kapag nanganganib siya. At kung ang manganib ang tanging paraan para balikan siya ng lalaking bampira, ipagsasawalambahala niya ang kanyang kaligtasan.
Patuloy siya sa paglubog habang pigil ang paghinga sa ilalim ng dagat. Nanatiling tahimik ang dagat. At sa gitna ng katahimikan ay pumapalahaw ang puso niya habang unti-unti nang nadidismaya. Wala si Lathan. Walang bumalik na Lathan para iligtas siya. Kung totoo ngang may pakialam pa ito sa kanya, tulad ng sinabi ni Helios, bakit wala ito rito ngayon? Nasaan ito?
"Scylla!!!"
She could hear a wild shout in her mind. Boses ni Lathan. Pero totoo ba iyon? O iyon lang ang gustong paniwalaan ng nahihibang niyang puso?
Wala si Lathan. Walang magliligtas sa kanya. Wala na ang lalaking minamahal niya. At wala na ring dahilan para patuloy pa siyang mabuhay.
Buhay man siya pero sa loob, paunti-unti na siyang namamatay habang dumadaan ang mga araw na wala si Lathan sa kanya.
Patay na ang puso niya. Sa mga sandaling ito, nalagutan na iyon ng hininga kasabay ng pagtanggap niyang hindi na siya babalikan pa ni Lathan. Na nagdesisyon na talaga itong iwan siya.
Tuluyan na sana siyang mawawalan ng pag-asa dahil nahihirapan na rin siya sa matagal na pagpipigil na huminga ngunit isang malakas na pwersa ang humigit sa braso niya. Kasabay noon ang pagbuka ng bibig niya at pumasok ang tubig alat sa katawan niya.
Sa muling pagmulat ng mga mata ni Scylla ay ang puno ng pag-aalalang mukha ni Theron ang nabungadan. Pareho silang basang-basa. Nag-uubo siya para mailabas ang pumasok na tubig sa kanyang mga baga. Pakiramdam niya ay hinang-hina siya pagkatapos. Inaalalayan siya nitong bumangon mula sa buhanginan.
Kung ganoon, iniligtas pala siya ni Theron? Gusto niya itong suntukin o saktan. Sana pinabayaan nalang siya nitong tapusin ang buhay niya. Wala na rin namang silbi na maligtas pa siya. Tuluyan na siyang iniwan ni Lathan, ano pa ang dahilan niya para mabuhay?
"Bakit mo ginawa iyon, Theron?" naiiyak na sumbat niya rito.
Ungrateful nga siguro ang iniarte niya. Pero paano niya magagawang maging grateful sa pagliligtas nito sa kanya kung ang ibigsabihin noon ay binibigyan na naman siya nito ng pagkakataon na maging miserable?
"Ikaw ang dapat na tinatanong ko ng ganyan!" humihingal na sigaw sa kanya ni Theron. "All I thought ay namamahinga ka na sa hotel room mo pero makikita lang kitang nagpapakalunod sa dagat! What the hell are you thinking doing that, Scylla!?"
Tuluyan na siyang napahagulhol. "Wala siya. Wala na talaga siya, Theron. Iniwan na talaga niya ako. Iniwan na ako ni Lathan." Humihikbi at parang batang sumbong niya kay Theron.
Marahas na bumuntong-hininga si Theron at naihilamos ang isang kamay sa mukha. Siya naman ay patuloy sa pagnguyngoy. Hindi niya matanggap na bigo na nga siyang mapabalik si Lathan at maging sa pagpapakamatay ba naman ay bigo pa din siya?
"Ssshhh. Tama na, Scylla. Kalimutan mo nalang siya... Move on with your life. Dahil kung hindi mo gagawin iyon, patuloy mo lang sasaktan ang sarili mo."
Move on?
Paano ba mag-move on?
Kung sa mga katulad ni Theron, madaling sabihin iyon. Pero sa kanya, mukhang bibilang ng ilang dekada bago niya magawa ang sinasabi nitong move on.
"He had chose already. He had made a decision. He decided to let you go. At dahil pinili niyang iwanan ka, ibigsabihin rin noon na binigyan niya ako ng pagkakataon na alagaan at protektahan ka."

***

#GazchelaAerienne

Connected (Completed-Published)Where stories live. Discover now