Part 10

377 18 0
                                    

"At sa akala mo ba ay maiisahan mo ako, Lach? Hindi mo ako malilinlang." Angil ng totoong Lathan sa alam niyang huwad na Lathan.
Kaya pala ganoon nalang ang kilabot niya kaninang kaharap niya ito at lapitan siya. Hindi pala ito ang totoong Lathan.
Ngumisi ng nakakakilabot ang huwad na Lathan at unti-unti ay nagbago ang anyo nito. Iyon siguro ang totoo nitong katauhan. Nasa anyong tao, maputla, maputlang-maputla tulad ng complexion ni Lathan at Lori subalit ang mga mata nito... nakakakilabot ang pamumula at panlilisik noon. Lumabas rin ang mga pangil nito at doon na ito nagsimulang umatake sa kanila. Kasabay ng pagtili niya ang pambubuno ng dalawa roon sa rooftop hanggang sa tuluyang mahulog ang mga ito roon habang nagpapambuno. Dali-dali siyang lumapit sa pwestong kinahulugan ng dalawa subalit hindi niya maaninaw sa madilim na likurang bahagi ng ospital ang mga nagpapambuno.
Nauunawaan na niya kung bakit paboritong lugar iyon ng mga bampira. Dahil madilim, masukal at may malaking abandonadong espasyo ang likurang bahagi ng ospital. Kung doon man maganap ang labanan, walang posibleng makaalam.
Kinabahan si Scylla, natatakot at nag-aalala siya para kay Lathan. Baka kung anong gawin rito ng Lach na iyon! Gusto sana niyang bumaba para sundan ang mga nagpapambuno pero baka lalo lang malagay sa alanganin si Lathan. Kapag sumunod siya sa mga ito, baka magulo ang konsentrasyon ni Lathan sa pakikipaglaban. Isa pa, saan niya susundan ang mga iyon samantalang hindi na niya maaninag ang mga ito mula sa kinaroroonan niya. Wala na rin siyang maramdamang presensiya ng mga ito.
"God... tulungan niyo po si Lathan." Usal niya.
Ngunit bigla siyang natigilan. Wala sa panig ng panginoon ang mga bampira na tulad ni Lathan. Subalit alam rin naman niya na hindi ito panig sa kadiliman. Imposible. Hindi masama si Lathan. Hindi naman nito kasalanan kung lumitaw ito sa mundo na ganoong klase ng nilalang. Wala man ito sa panig ng panginoon subalit alam niyang hindi rin ito kampon ng kadiliman. Dahil kung nasa panig ito ng dilim, sana, noon pa man ay pinaslang na siya ng lalaki. Pero hindi. Sa halip na patayin o pabayaang mamatay ay tinutulungan at pinoprotekatahan siya nito.
Lathan was somehow a good creature. Naniniwala siya sa bagay na iyon. Hindi ito masama.
Walang nagawa si Scylla kundi ang maghintay sa pagbabalik ni Lathan. Subalit hanggang sa mag-umaga ay hindi na iyon nangyari. Lumitaw at lumitaw ang haring araw sa silangang bahagi ng mundo ngunit walang Lathan na bumalik. Hindi siya binalikan ni Lathan. Lalo lang siyang nag-alala para rito. Ano na kaya ang nangyari kay Lathan? Baka napahamak na ito sa pakikipambuno sa soul sucker. Palagay niya kasi ay napakalakas ng nilalang na kaengkwentro nito kagabi.
Bumalik si Scylla sa silid niya na hindi mapakali. Dala-dala niya sa dibdib ang takot at pangamba sa maaaring kinahantungan ni Lathan. At dahil din roon, nakadama siya ng panghihina ng kanyang kaluluwa. Para siyang inaagawan ng enerhiya.
Dahil doon, nagkaroon na naman ng problema ang pisikal niyang katawan na nakaratay. Alam niya, dahil biglang nagkagulo sa loob ng silid at iniistima ng mga nurse at doctor ang katawan niya.
Ang kapatid niyang kararating lang sa ospital dahil sandaling umuwi ay natataranta na ring napasugod sa silid niya. Naaawa na siya sa kapatid. Halos napapabayaan na nito ang sarili dahil sa pag-aasikaso sa kanya. Pero wala nang panahon para magsisi. Nangyari na. Sinayang na niya ang enerhiya niyang dapat ay isini-save niya para makabalik sa katawan niya. Pero paano kasing hindi siya made-drain sa energy kung ganitong wala siyang ibang ginawa kundi ang mag-alala sa napakaraming bagay?
Ipinasya ni Scylla na ipamahinga ang sarili. Pumasok siya sa isang bakanteng silid malapit sa silid na inuokupa ng katawan niya. Doon muna siya mamamahinga. Baka makabawi pa siya ng lakas. Ayaw muna niyang makita ang kaaba-abang anyo ng kapatid.
Nakakakonsensiya ang takot at pag-aalala na nakikita niya sa mukha nito. Hindi niya kayang patuloy na panoorin si Kuya Timothy sa ganoong estado. Papaupo na sana siya sa upuang metal na nasa tabi ng maliit na glass window nang may mapansing kung ano na mabilis na kumikilos sa ibabaw ng mga puno. Dumadamba iyon sa mga puno at bubungan na nadadaanan.
Napigil niya ang hininga nang lubusang mapagwari kung ano ang bagay na iyon... ah, hindi iyon bagay... Isang lalaki ang karga-karga sa balikat ang tila walang malay na katawan ng isa pang lalaki. Napatayo siya ng tuwid at pilit inaninag sa kabila mula sa glass window ang mga bulto ng mga papalayo.
Si Lathan!

***

A/N:

Ito po ay bahagi lamang ng nobela. Ang kabuuan ng kwento ay mababasa sa printed copies. Pasensiya na po. Hindi ako allowed na ipost ng buo dahil nabili na po ito ng PHR. Nasa kanila na po ang lahat ng karapatan sa pagpapublish ng nobela.

Maaari niyo po itong mabili kapag out na. Maraming Salamat.

#GazchelaAerienne

Connected (Completed-Published)Where stories live. Discover now