Part 11

1.2K 33 1
                                    

“Aalis ka?” Ang kanyang ama.
Isang tango ang kanyang itinugon.
Marahas na bumuntong-hininga ang kanyang ama. “Hindi pwede.”
Nahinto si Lathan sa pagsusuot ng jacket.
“Bakit kapag si Helios ang lumalabas, hindi niyo kinokontra?”
Nagdilim ang mukha ng kanyang ama. Sa isang iglap ay nahablot siya ng kanyang ama at malakas na isinalya sa kama.
“Isa iyong malaking pagkakamali. At pinagsisisihan ko na iyon. Dahil sa pagiging maluwag ko, napahamak ang kapatid mo. Ayoko nang maulit iyon sayo o kahit na sino sa mga kapatid mo.”
Pabalewalang tumayo lang si Lathan at inabot ang kanyang jacket. “Hindi ako ipapahamak ni Scylla. Isa pa. Wala akong ginagawang masama. Gusto ko lang siyang bantayan at protektahan.” Pagmamatigas niya.
“Sa ginagawa mo, sa pagnanais mong protektahan siya, ipinapahamak mo naman ang iyong sarili.”
Sandaling hindi nakakibo si Lathan. Nilimi niya ang sinabi ng ama. Hindi. Hindi niya ipinapahamak ang sarili. Nagagawa pa naman niya ang kanyang obligasyon maski binabantayan niya si Scylla. Kinulang lang siya sa enerhiya kaya’t kamuntik na siyang napahamak kay Lach. Isa pa, sadyang biglang lumakas si Lach dahil sa galit nito sa kanya.
“Malapit na siyang bumalik sa katawan niya. Pabayaan niyo nalang ako. Kaunting panahon nalang naman, bakit hindi niyo pa maibigay sa akin?”
Naghagilap siya ng shades habang naiiling naman ang kanyang ama. “Umibig ka din minsan, Dad. Dapat alam mo ang pakiramdam ko.”
“Umibig ako, pero sa katulad natin.” Pumalatak ito. “Hindi kayo pwede, alam mo iyan.”
Isang marahas na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago lumabas ng kanyang silid. Habang naglalakad sa madilim na mahabang pasilyo ng kanilang tahanan ay inaayos naman niya ang hood ng kanyang jacket.
“Hanggang kailan mo gagawin sa sarili mo ito, anak?”
Nilingon ni Lathan ang nagsalita. Ang kanyang ina. Maski sa dilim ay nakikita niya ang lungkot nito. Pabalewalang nilapitan niya ang ina. Hinagkan iyon sa pisngi at nagpaalam.
“Bakit hindi mo maintindihan na hindi kayo pwede?” Huminto si Lathan sa paglalakad.
“Pahihirapan mo lang pareho ang inyong mga sarili. May sariling buhay si Scylla. Kailangan niyang bumalik sa katawan niya. Hindi siya pwedeng manatiling comatose. Paano kapag sinukuan na siya ng kanyang pamilya? Mawawala rin siya sayo. Ninanakaw mo ang buhay na sana ay mae-enjoy pa niya.”
Lumapit ang kanyang ina sa kanya at hinaplos ang kanyang mukha. “Maigsi ang buhay ng mga tao, alam mo iyan. Kung talagang mahal mo si Scylla, hahayaan mong mabuhay siya ayon sa kung paano siya itinadhanang mabuhay. Gaano man kasakit at kahirap, tatanggapin mo na hindi kayo pwede. Hindi ka pwedeng maging makasarili, anak. Isipin mo rin siya at ang kapakanan niya. Hindi sapat na pinoprotektahan mo lang siya. Sa palagay mo, magiging masaya ba siya sa tabi mo habang ang kapatid niya, patuloy na umaasang babalik siya? Matatahimik kaya siya?”
Tila bigla siyang nagising sa kanyang kahibangan. Masyado na nga ba siyang nagiging makasarili para hilinging manatili si Scylla sa kanyang tabi? Gusto lang naman niya itong makasama maski gaano kaikling panahon. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito, ayaw niyang basta nalang iyon palagpasin.
Mali nga ba… mali nga siguro… pero ang tanging naging pagkakamali lang naman niya ay ibigin ang isang mortal na tulad ni Scylla.

***

A/N:

Ito po ay bahagi lamang ng nobela. Ang kabuuan ng kwento ay mababasa sa printed copies. Pasensiya na po. Hindi ako allowed na ipost ng buo dahil nabili na po ito ng PHR. Nasa kanila na po ang lahat ng karapatan sa pagpapublish ng nobela.

Maaari niyo po itong mabili kapag out na. Maraming Salamat.

#GazchelaAerienne

Connected (Completed-Published)Where stories live. Discover now