Part 9

1.3K 34 2
                                    

TWO DAYS and two nights. Ganoon na katagal magmula nang hilahin si Scylla ng silver cord nito palayo sa kanya. At ganoon na din katagal na nagmamasid lang siya sa paligid ni Scylla upang tiyaking maayos at ligtas ang kaluluwa nito.
Habang hinihila ito ng silver cord nito palapit sa katawan nito, bigla siyang natauhan. Hindi pwede ang gusto niya. Hindi pwedeng manatili si Scylla sa kabilang dimension na iyon ng mundo. Hindi ito ang mundo ng dalaga.
Oo, ilang araw pa lang silang nagkasama. Pero tiyak na niya ang ibigsabihin ng mga nararamdaman niya patungkol sa dalaga. Marami na siyang nakasalamuhang naggagandahang babae sa mahabang panahon ng pag-e-exist niya sa mundo, pero iba si Scylla. Dito lang niya naramdaman ang kagustuhang tulungan at protektahan ito. Ang kagustuhang parating makasama ito.
Noong una ay ayaw pa niyang aminin, kung anu-ano ang iniisip niyang dahilan. Pero habang lumalaon, hindi na niya pwedeng linlangin ang sarili. Malalim na damdamin ang dahilan kung bakit niya nararamdaman iyon kay Scylla.
Kung bakit at paano, hindi niya rin alam. Basta isa nalang ang alam niya, umiibig siya sa isang mortal. At ang hilingin itong manatiling comatose para makasama niya ang kaluluwa nito ay isang malaking kahangalan. Magkaiba silang nilalang. Mortal ito, may hangganan ang buhay. Sa sandaling mamatay ang katawan nito, aalis din ang kaluluwa nito. Hindi tulad niya na immortal. Hindi sila pwedeng magsama nang matagal. Kung tutuusin, mas maigi pa nga na bumalik na ito sa katawan nito. Baka sakali, magkasama pa sila sa mga panaginip nito.
Hindi maganda sa kanyang pakiramdam ang ideya na iyon. Hindi niya iyon matanggap. Kaya nga umiwas muna siyang magpakita kay Scylla. Ipinakiusap muna niya sa kapatid na si Lori na ito ang tumingin kay Scylla. Pero hindi rin siya nakatiis. Hindi niya kayang hindi ito makita man lang. Hindi siya mapanatag na hindi ito nababantayan. Lalo pa't mapanganib para sa tulad nito ang kadiliman ng gabi. Maigi nalang at wala itong ibang destinasyon kundi ang rooftop ng ospital, sa hallway at sa private room nito.
Alam niya, nang mga sandaling hilahin ito ng silver cord nito, nangangahulugan iyon na malapit na itong bumalik sa katawan nito. Ni hindi man lang siya nabigyan ng mahabang panahon para makasama pa si Scylla ng mas matagal.
"Scylla..." pabulong na saad niya habang tinitingala ang nakatalungko na dalaga roon sa railings ng rooftop.
Naroroon lang si Lathan sa isang malaki at mataas na puno malapit sa ospital. Mula sa pwesto niya ay kitang-kita niya si Scylla. Walang ligtas sa paningin niya ang bawat kilos nito. Maski ang malilit na paggalaw ng dalaga.
Pagsasawain pa sana niya ang sarili sa panonood sa dalaga nang may marinig na singasing. Naging alerto ang mga senses niya. Hinanap ng matatalas na mga paningin ang pinagmumulan noon. Kilala niya ang tunog ng pagsingasing na iyon. May Soul Sucker sa paligid. Siguradong mambibiktima na naman iyon anumang sandali.
Di nga nagtagal at nahagip ng kanyang matatalas na mga paningin ang bulto ni Lach Avergou na papaakyat sa madilim na bahagi ng hospital building.
Naghanda siya sa pag-atake. Sa isang mabilis at siguradong kilos ay dinamba niya ito na mabilis na umaakyat ng building. Maigi nalang at nasa pisikal siyang katawan. Kung nagkataon na nasa astral form siya ay hindi niya ito malalabanan.
Nakipagbuno si Lathan roon sa madilim at abandonadong lugar sa likuran ng ospital. Hindi naging madali na gapiin si Lach. Mas malakas na ito kumpara sa una nilang engkwentro.
Ito ang pangalawa sa panganay ng pamilya Avergou. Ang siya ring Soul Sucker na ang pinupuntirya na ay ang lugar na iyon. At sa bawat engkwentro nila, parati itong nakakatakas. Malakas ito. Marahil, napakadami nitong nahigop na kaluluwa sa tuwing bago sila magharap. Samantalang siya ay halos hindi nakakapag-hunt.
Ah, hindi siya maaaring magpabaya. Hindi niya ito hahayaang makalapit man lang kay Scylla. Gagawin niya ang lahat, maprotektahan lang ang dalaga hanggang sa pagbabalik nito sa sariling katawan.
Sa muling pag-atake ni Lach sa kanya ay itinodo niya ang kanyang pwersa. Wala pa, ni isa sa mga Avergou na napadpad sa lugar niya ang hindi niya napaslang. At hindi niya maaaring hayaang patuloy na lamunin ni Lach ang mga mortal na matipuhan nito.
Ngunit habang nakikipagbuno siya kay Lach, nang mapitaw na niya ang ulo nito ay nagbago ang anyo ng mukha nito.
Hindi ito si Lach!
Dagli ang buhos ng kaba kay Lathan at tiningala ang roof top!
"Hindi maaari! Si Scylla! Nasa panganib si Scylla!"

***

A/N:

Ito po ay bahagi lamang ng nobela. Ang kabuuan ng kwento ay mababasa sa printed copies. Pasensiya na po. Hindi ako allowed na ipost ng buo dahil nabili na po ito ng PHR. Nasa kanila na po ang lahat ng karapatan sa pagpapublish ng nobela.

Maaari niyo po itong mabili kapag out na. Maraming Salamat.

#GazchelaAerienne

Connected (Completed-Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon