PROLOGO

496K 6.3K 88
                                    

PROLOGO

"Ellyah!" lumingon ako mula sa aming maliit na salla nang dumating ang Tatay at tinatawag ang pangalan ng aking Ate. Mabilis akong lumapit dito at nagmano.

"Tay, nasa labas pa po. Napa-aga ka po ata?" hinawakan nito ang aking ulo at ngumiti sa akin.

"Bibigyan akong bonus sa opisina ng isa kong boss." anito at inilabas ang itim na suitcase sa kanyang bagpack at inilapag iyon sa gilid ng aming sofa. Dumiretso roon ang tingin ko at magtatanong sana kung anong laman noon nang maglakad ang Tatay papunta sa kusina.

Muli akong naupo sa sofa at ipinagpatuloy ang panonood sa telebisyon. Katabi ko sa lapag iyong suitcase na sa tingin ko'y mukhang mamahalin.

Ang Tatay ay nagta-trabaho sa isang malaking kompanya bilang janitor. Simula ata nang magtrabaho sya roon ay kaunting guminhawa ang aming buhay. Dati itong pedicab driver na ngayon ay ipinapa-gamit nalang namin sa iba ng may bayad at minsa'y nagiging sundo ko tuwing umuuwi galing sa paghahanap ng trabaho.

"Nasaan?" lumabas ang Nanay sa kusina kasama ang Tatay. May kung anong hinagilap ang mga mata nito at mabagal na lumapit sa aking tabi. "Ito ba?" turo nya roon sa suitcase.

"Oo, iyan nga. Iaabot ko lang iyan sa sinabing tao ng aking boss at bibigyan na nya ako ng bonus. May pambili na ng damit ang bunso kong anak." lumapit ang Tatay sa akin at hinalikan ang tuktok ng aking buhok.

Pinagmasdan ko ang nakakunot na noo ni Nanay. Pumaywang ito at tinitignan ng masama ang suitcase. "Hindi kaya droga ang laman nyan?"

"Hindi naman masamang tao ang General Manager namin. Huwag ka ngang nag-iiisip ng kung anu-ano r'yan." hinilot ni Tatay ang balikat ng nakasimangot kong Ina bago sila naglakad pabalik ng kusina.

"Eleanor, tawagin mo na si Ellyah sa labas." sigaw ni Nanay. Agad kong pinindot ang patayan ng tv at tumayo. Sinuot ko ang aking tsinelas at nang lalabas na'y biglang sumulpot ang Ate Ellyah sa bukana ng pinto.

"Uy, amoy pinritong galunggong!" humahagikhik nitong wika at inakbayan ako upang muling makapasok sa loob ng bahay. "Luto na ba?" tanong nya sa akin.

"Paluto na siguro. Tatawagin na sana kita." wika ko rito.

Sa hapag ay pinag-usapan nila ang tungkol sa dala ni Tatay na suitcase. Kahit ang Ate ay interesadong malaman ang nasa loob noon.

"Baka naman baril o droga ang laman non, Tay." saad sa kanya ni Ate.

"Iyan nga ang sinabi ko sa kanya." singhal ni Nanay at kinuha na ang plato para mailagay sa lababo.

"Hindi naman magpapa-abot ng ganoon ang boss ko."

Sa sumunod na araw ay nakapag-abot ito ng pera kay Ate Ellyah para may ipang-arkila ng mga gown na susuotin ko sa sasalihang pageant sa aming baranggay.

"Sigurado ba kayong sasali ako roon?" tanong ko kay Ate isang araw nang sabihin nito sa aking ilang linggo pa raw makukuha iyong gown dahil matagal nila iyong tatahiin.

"Aba, oo naman! Ikaw ang pinaka-maganda rito sa ating baranggay! Pati ang anak ng Mayor ay natitipuhan ka. Rinig ko roon sa usapan nina Aling Benang sa kanto." inayos nya ang buhok ko at ilang beses ipinadaan ang suklay roon.

"Kinakabahan kasi ako, Ate. At tsaka mas maganda siguro kung makakahanap akong trabaho dahil ilang buwan na rin akong tambay. Napakaliit naman kasi ng sahod doon sa dati ko."

"Hayaan mo't makakaluwag din tayo. Malaki pa ang pera na makukuha mo roon kung sakaling mananalo ka sa pageant kaya pag-igihan mo!"

Nabuhayan ako ng loob ng marinig na malaki ang papremyo roon. Siguro nga ay kailangan kong subukan kung swerte nga ba ako sa mga ganoong bagay. Ang huli naman ay nanalo ako kaso isang taon mahigit na rin ang lumilipas noon.

Simula elementarya hanggang high school ay madalas akong nagiging muse. Kahit ayokong sumali sa mga ganitong pageant ay inuudyok ako ng Ate at suportado naman ako ng buong pamilya.

Tinignan ko ang sarili sa salamin. Hindi naman ako ganoon kaputian ngunit may ipagmamalaki naman kahit papaano sa mukha. Hindi rin naman masyadong pukol ang aking utak at sa tingin ko'y makakasagot naman ng matino sa Q&A.

Isang gabi nang maisipan kong pumuslit ng pipino sa aming ref para ilagay iyon sa aking mata ay saglit akong nakarinig ng hikbi galing sa kwarto ng aking magulang. Idinikit ko ang aking tainga roon upang maki-usyoso saglit.

"Pinagbintangan nila ko, Leandra. At ang boss ko ang umaaktong biktima rito." rinig kong singhal ni Tatay.

Masyadong mahina ang boses ni Nanay kaya hindi iyon umabot sa aking pandinig. Isang malakas na boses ulit ang narinig kong sinabi ng Tatay. "Ipinababayad nila sa akin ang pera sa loob ng maleta. Hindi ko iyon ninakaw. Hindi ako magnanakaw."

Sa gulat ko ay agad akong napaatras at bumalik sa aming kwarto para gisingin si Ate Ellyah. "Ate! Ate!" panay ang yugyog ko sa kanya at nang dumilat ang mata nito ay agad kong ikinwento ang narinig.

Kinabukasan ay kinausap ng Ate si Nanay para kumpirmahin ang aking narinig ngunit itinanggi nya lang ito.

Sinabi ng Ate sa akin na baka mali lang ang pagkakarinig ko at huwag pagbintangan si Tatay ng kung anu-ano. Pinalis ko iyon sa aking isipan at pinaniwala ang sarili kong ako ang nagkamali.

Ngunit may kung ano pa ring bumabagabag sa isip ko. Mali nga ba ako o pinapalabas lang nilang nagkamali ako para pagtakpan ang hindi dapat malaman?

Deal with the Billionaire [COMPLETED]Where stories live. Discover now