CHAPTER THIRTY EIGHT

60 2 0
                                    

CHAPTER 38: Reminiscing The Past

Hindi ko alam kung tama ba ang desisyon kong kalagan ang mahal na reyna mula sa pagkakatali sa puno.

Nang sabihin niya kasi sa akin na siya ang reyna ng Suffiron Kingdom ay parang binuhusan ako ng malamig na tubig. Nagkagulo-gulo na ang laman ng utak ko at dali-daling lumapit sa kaniya upang kalasin ang tali.

Kaya pala ganoon ang pakiramdam ko sa kaniya, isa pala talaga siyang tao na may mataas na posisyon.

Mangha na ako sa lakas ng pakiramdam ko. Lahat nalang nararamdaman, e.

"Maraming salamat sa iyong tulong, Arianna. Ngunit baka masali ka sa gulo na kinasasangkutan ko ngayon." Nag-aalala niyang sambit.

Naguluhan naman ako. Kanina ko pa gustong magtanong dahil sa sinabi niyang 'dating reyna'. Paano nangyari iyon, eh siya lang naman ang reyna ng Suffiron Kingdom?

Wala naman akong nabasang parte sa kwento ng 'Queen Agape' na napalitan ang reyna.

"May gusto ka bang itanong?" Marahan siyang tumingin sa akin.

Napahinga ako ng malalim. Gustong-gusto kong sumagot ng 'Oo, marami po. Sobra'. Hindi ko alam ang mararamdaman ko.

Kung alam niya lang ang lahat ng naranasan ko sa pamilya niya, sa asawa't anak niya. Hindi ko siya lubusang mapagkatiwalaan. Baka kasi kung ano nanaman ang mangyari sa akin lalo na't nabanggit niya ang salitang 'gulo'.

Pero hindi naman siguro masamang magtanong ng isa lang. Bahala na.

"Ano pong ibig sabihin niyo sa 'dating reyna'?" Pigil hininga kong tanong.

Inaabangan ko kung anong magiging reaksyon niya. Magagalit ba o ano.

"Tinanggal ako sa pagiging reyna kahapon lang..."

Napalunok ako dahil sa lungkot ng boses niya. Mukhang mali ako ng natanong. Ano ba 'yan!

"Bakit naman po?..."

Tumingin siya sa langit at napabuntong-hininga. Medyo nakonsensya pa ako pero wala, nasimulan ko na.

"Ilang linggo na ang nakalilipas nang mawala ang prinsesa Agape-"

Natigil siya sa pagsasalita dahil sa pag-ubo ko. Kung alam lang talaga niya ang ginawa sa akin ni Agape. Marinig o banggitin ko palang ang pangalang iyon ang hindi ko maiwasang makaramdam ng inis.

Alam kong hindi siya ang tunay na Agape pero naiinis talaga ako, sobra.

"Ayos ka lang ba? May masakit ba sa iyo?" Nag-aalalang tanong niya.

Hindi naman ako nakasagot at nilingon na lamang ang binti ko. Nang mapatingin rin siya sa binti ko ay napasinghap siya at biglaang napatayo.

"Diyos ko! What happened? K-kailangan nating ipagamut ang sugat mong iyan! Delikado kung maiimpeksyon iyan!" Nagpabalik-balik ito sa paglalakad na tila may malalim na iniisip.

Napangiwi naman ako sa pag-iingles nito. Sa tagal ng panahon ay ngayon na lamang ulit ako nakarinig ng ingles. Nakakapanibago.

Pero ganito ba talaga kumilos ang isang reyna? Hindi ba dapat kalmado, kalkulado ang bawat galaw at payapa ang pag-iisip?

"Ayos lang ako-"

"Hindi! Hindi iyan ayos!"

Nagulat na lang ako nang bigla siyang umalis. Hala ka! Saan 'yon pupunta?

Balak ko na sanang sundan pa siya pero naisipan kong huwag na lang. Namamanhid ang binti ko ngayon kaya't siguradong mahihirapan lang ako kung susundan ko pa siya.

Before The Coronation Where stories live. Discover now