#NGBWChapter5 v.2

2.7K 61 10
                                    

"Magandang gabi po sa inyong lahat, lalo na sa mga kasalukuyang nagpapakasaya sa kanilang pagkain at inumin," malugod na bati ni Attorney Tres habang hawak ang isang mikropono.

Nakatayo siya sa harap ng lahat, at sa kanyang mga kilos at salita, halatang may tama na siya ng alak. Pero sa kabila nito, hindi siya nagpapahalata ng kahit anong hiya o pag-aatubili sa kanyang ginagawa. Sa totoo lang, hindi ko siya magawang pigilan dahil nakikita ko sa mga mukha nina Sir Ponyo at Prosecutor Zarraga na sila'y tumatawa.

"Sa gabing ito, nais kong mag-alay ng isang awitin para sa inyo," patuloy pa ni Attorney Tres. "Ang awiting ito ay alay ko para sa mga taong minsan nang nagmahal, naligaw ang sarili sa proseso, nasaktan, ngunit sa kabila ng lahat ay patuloy pa ring nagmamahal at handang magmahal muli..."

"Woohhh..." Sabay-sabay na reaksyon ng mga tao rito sa maliit na inuman.

"Ang awiting ito ay simbolo ng ating mga karanasan sa pag-ibig - ang mga ligaya, ang mga sakit, at ang mga aral na ating natutunan. Sa bawat nota at liriko, nawa'y makita natin ang ating sarili, at nawa'y maging inspirasyon ito upang patuloy tayong magmahal at magpahalaga sa mga taong mahalaga sa atin." Matalinhagang mga salitang binibitawan ni attorney.

Bakit ganito ang mga linyahan nito? Brokenhearted ba siya? Ang sintomas lang naman ng isang lasing ay nahihilo, nalilito, nasusuka at hindi pa nakaka-move on. Charot!

"Kaya naman, sa gabing ito, hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang paborito kong awitin ni Beyonce. Sana'y magustuhan ninyo."

Seryoso na ang lahat na nakatingin sa kanya na halatang inaabangan kung ano ang kakantahin niya. Hindi ko alam kung magse-seryoso ba ako kasi kita ko pa rin sina Sir Ponyo at Prosecutor Zarraga na nagpipigil ng tawa.

"Love on top, love on top, huling-huli ka, huling-huli ka, may kasama kang iba..." Pagsisimula ni Attorney Tres sa pagkanta. "Love on top, love on top, isusumbong kita, isusumbong kita, iba-iba ang 'yong mga mama..."

Hindi ko inaasahan ang narinig kong pagkanta ni Attorney Tres. Parang biglang bumagsak ang mga balikat ko dahil sa kinanta niya. Habang siya ay nagpapatuloy sa kanyang pagkanta, sina Sir Ponyo at Prosecutor Zarraga naman ay walang ginawa kundi ang humagalpak sa tawa. Hindi rin mapigilan ng mga tao sa paligid namin ang hindi matawa. Parang naging sentro ng kasiyahan si Attorney Tres sa kanyang ginagawa.

Sa mga sandaling ito, unti-unti nang nagbabago ang pagtingin ko sa aking boss. Hindi ko na alam kung paano ko siya seseryosohin dahil sa kanyang mga kakulitan. Saan kaya niya nakukuha ang mga ganitong ideya? Sigurado ba talaga siya na ang pagiging abugado ang gusto niyang tahakin bilang kanyang career?

Habang patuloy si Attorney Tres sa kanyang pagkanta, hindi ko maiwasang hindi tignan si Prosecutor Zarraga na nakaupo sa unahan ko. Ito ang unang beses na nakita ko siya nang malapitan. Napakuyom ng aking kamao na nakatago sa ilalim ng lamesa. Hindi ko mapigilan ang aking galit.

Napakaganda ng inangat ng buhay ng pamilya nila dahil sa ginawa ng lolo niya noon. At dahil d'on, may mga pamilyang hindi na muling nakabangon dahil sa pagkatalo sa kaso. Masarap man ang tinatamasa mo ngayon, Prosecutor Zarraga, pero ipinapangako kong mararanasan niyo rin ang pinagdaanan ng pamilya ko dahil sa lolo mo. Hindi ko hahayaang mabaon lang sa limot ang ginawa sa amin ng lolo mo.

Matapos ang inuman ay nagdesisyon silang magpahinga muna sa isang malapit na convenience store para kumain ng ice cream. Ito raw ang kanilang paraan para mabawasan ang epekto ng alak sa kanilang katawan. Isang bote lang naman ang aking nainom dahil hindi ako sanay sa alak at ayaw kong mapagalitan ni Papa. Kaya't sigurado akong hindi ako lasing. Gusto ko na sanang tumanggi sa pagsama pa sa kanila dahil hindi ko kayang makasama nang matagal si Prosecutor Zarraga, pero para kay Attorney Tres ay pumayag ako. Kaya heto kami ngayon, nakaupo sa labas ng convenience store habang nagpapalamig sa ice cream.

Never Good But WorthyWhere stories live. Discover now