[Louisse, wala sa hotel room niya si Arthur. Sinubukan ko na ring puntahan ang apartment niya pero wala na roon ang mga mahahalagang gamit niya. Louisse, I'm so sorry. Hindi ko na alam kung saan pa hahanapin ang kaibigan ko.]

Kusang nalaglag ang cellphone niya sa kan'yang kandungan. Muling naglandas ang luha ni Louisse saka niya naisubsob ang mukha sa kan'yang palad. Naramdaman na lang niya na kinabig siya ng kaibigan at marahang hinagod ang isa niyang braso.

"Tama na, L.A." pagpapatahan nito sa kan'ya.

"P-paanong...?" tila ayaw sambitin ng kan'yang labi ang mga salitang tumatakbo sa kan'yang isipan. "Paano niya ako nagawang iwan sa ere, Eya? Paano niya nagawa sa akin ang bagay na ito?"

Tila asidong pumapaso sa kan'yang lalamunan ang bawat salitang binitiwan. Ilang minuto rin siyang nag-iiyak sa bisig ng kaibigan. Nang pakiramdam ni Louisse na na-kontrol na niya ang emosyon ay pinahid niya ang natutuyo na niyang luha sa kan'yang pisngi. Determinado na siyang inilayo ang sarili mula sa kaibigan at nagbabalak nang bumaba ng sasakyan nang pigilan siya nito.

"Saan ka pupunta?" nag-aalang tanong ni Eya.

"Ako na ang magsasabi sa mga bisita."

Umiling naman ang kaibigan. "Ako na ang bahala. Mabuting umuwi ka na at magpahinga."

Marahan namang napatango si Louisse at hindi na lamang nakipagtalo pa. Muli niyang naramdaman ang pagkabig nito sa kan'ya at ang mahigpit nitong pagyakap.

"Everything is gonna be alright," anito at muling tinapik ang kan'yang balikat.

Nang makalabas na si Eya ay siya namang muling pagbuhos ng luha niya. Hanggang sa maramdaman niyang unti-unting tumatakbo na ang sasakyan. Sa huling pagkakataon ay muli niyang nilingon ang simbahan na naging dahilan nang tila pagkawasak ng kan'yang puso.

"M-manong sa apartment ko po tayo dumiretso."

Kahit hindi tingnan ni Louisse si Manong Berto ay alam niyang kanina pa ito nakatingin sa kan'ya, mula sa pag-uusap nila ni Eya. Matagal na nilang kakilala ang matanda kaya ramdam niya ang simpatya nito sa kan'ya.

Naipikit na lamang niyang muli ang mga mata. Tila napagod ang kan'yang isip sa araw na iyon. Isama pa ang puso niyang unti-unting dinudurog. Muli nanamang lumandas ang luha sa kan'yang pisngi nang maalala ang nakangiting mukha ng nobyo. Hindi siya makaisip ng magandang dahilan kung bakit hindi siya sinipot nito, pati na rin ang sinabi ni Kris na nawawala na ang mga mahahalagang gamit nito.

Balak mo ba akong takbuhan, Arthur?

Naikuyom na lang niya ang kan'yang kamao dahil sa naiisip na katanungan.


SUOT PA RIN ni Louisse ang kan'yang wedding gown na naghihikaos siyang nakarating sa hospital. Isang tawag ang natanggap niya kaninang lulan pa siya ng bridal car – tawag iyon mula kay Kris. Hindi na nga rin siya nagawang ihatid ni Manong Berto sa kan'yang apartment at doon na sila dumiretso.

Sapo ng kan'yang palad ang kan'yang bibig nang papalapit siya sa isang hospital bed. Nakatakip ang isang puting tela na iyon hanggang sa ulo ng taong nakahiga roon.

Muntik nang mabuwal mula sa pagkakatayo ang dalaga kung hindi lamang naging maagap si Kris.

"K-kris, s-sabihin mong hindi ito totoo," nanginiginig ang boses na tanong ng dalaga.

"Louisse, you need to calm down."

"H-how?" Tila hangin lamang iyong lumabas sa kan'yang bibig. "How can I do that, huh?"

Naramdaman na lang ni Louisse ang bahagyang paghagod ni Kris sa kan'yang braso, pinapakalma siya nito. Sandaling humugot siya ng malalim na hininga bago abutin ng isa niyang kamay ang puting telang nakatakip. Gano'n na lang ang pagbuhos ng luha niya dahil hindi na makilala ang hitsura nito.

Naagaw ang pansin niya ng isang engagement ring na nakasuot sa daliri nito. Doon na tila napanghinaan ng loob si Louisse hanggang sa tuluyan siyang napaluhod.

"Bakit? Matatanggap ko pang hindi mo ako sinipot sa kasal nating dalawa, sa halip na makita kita sa ganitong kalagayan. Arthur, bakit?"

Hindi na napigilan ni Louisse ang mapahagulgol. Naupo na rin sa tabi niya si Kris, dinadamayan siya.

"Louisse, hindi lang si Arthur ang nandirito."

"A-anong ibig mong sabihin?"

Sandaling dumaan ang ilang segundong katahimikan bago binasag iyon ng lalaki. "P-pati na rin si Lena."

Bumuka-sara ang bibig ng dalaga, hindi maapuhap ang tamang salitang nais niyang sabihin.

Sa tulong ni Kris ay muli siyang nakatayo nang maayos habang pareho nilang nilakad ang kinaroroonan ng kaibigan. Katulad ng nauna, may nakatakip ding puting tela sa kabuuan nito. Hindi na nakayanan pa ni Louisse na muli iyong tanggalin kaya si Kris na ang nagpresinta. Kahit ayaw makita ni Louisse, saksi ang dalawang mata niya na parehong sitwasyon ang sinapit ng nobyo at ng kaibigan.

"Ini-imbestigahan pa ang ilang nangyari sa crime scene. Ayon pa sa mga pulis, sinubukan ni Lena na pigilan si Arthur na umalis. Nag-agawan ang dalawa sa manibela na naging sanhi para mawalan ng kontrol ang sasakyan. Sumabog iyon na naging dahilan ng pagkasunog ng katawan nilang pareho."

Marahas na napailing si Louisse. Hindi niya magawang ma-proseso ang nangyayari. Kanina lamang sa simbahan ay naghihinagpis siya nang dahil sa hindi pagsipot ng kan'yang groom sa kanilang kasal.

"Paanong nangyari ito? H-hindi ko magagawang matanggap ito, Kris. Bakit pati ang kaibigan ko ay nadamay?"

Hindi na niya pinigilan ang sarili na lumapit sa kaibigan. Kahit na hindi na mababakas ang pagkakakilanlan ng hitsura nito ay hindi no'n napigilan ang pagnanais ni Louisse na sapuin ang mukha nito.

"L-lena."

Tila wala sa sariling pinagmasdan niya ang kabuuan ng babae. Hanggang sa isang tila nasunog ng papel ang nakaagaw sa pansin niya. Kinailangan pang magdahan-dahan si Louisse na kunin iyon mula sa kamay ng dalaga.

Nasunog na ang ilang bahagi ng papel ngunit hindi no'n maitatago ang sulat na nakalakip doon.

L.A,

Siguro kung binabasa mo na ang sulat na ito ay wala na ako sa tabi mo, Louisse. Hindi ko alam kung saan magsisimula. Marami akong bagay na itinatago sa inyo ni Eya na kahit sa hukay ko ay dadalhin ko. Alam kong hindi ako naging mabuting kaibigan. Ngunit maaari ba akong humingi ng pabor? Kung sakaling matagpuan mo ang papel na ito, isa lang ang hihilingin ko. Louisse, I know it's too much but I want you to stay beside Zairus. Sabi ko naman sa'yo, bukod sa'kin ay ikaw ang nararapat para sa kan'ya.

And as for Arthur, he doesn't deserve you. If ever you will know the truth, I'm not begging you to forgive me – us. Don't forgive us. But do me a favor, be there and take care of Zairus Montell.

- Lena.

Marami mang tanong na bumabagabag sa kan'yang isipan ay isa lamang ang kan'yang natitiyak – nang mabasa niya ang huling habilin na iyon ng kan'yang kaibigan ay nangako siya sa sariling tutuparin iyon.

The UnWanted Billionaire Where stories live. Discover now