CHAPTER 2

509 12 0
                                    

HINDI na mabilang pa ni Louisse kung pang-ilang beses na niya iyong paghugot ng malalalim na hininga.

Kasalukuyan pa rin siyang nasa loob ng bridal car habang tanaw niya mula sa loob ang mga bisitang naghihintay sa labas ng simbahan tulad niya, sa pagdating ng groom. Habang lumilipas ang bawat minuto ay kasabay no'n ang lalong pagtindi ng kabang nararamdaman ni Louisse.

Kaagad pumihit pakabila ang kan'yang ulo nang bumukas ang pinto ng bridal car. Pumasok sa loob si Eya at tumabi ng upo mula sa loob. Mabilis nitong isinara ang pinto saka tumingin sa kan'ya.

"Friend, wala ka pa rin bang balita kay Arthur? Sumagot na ba siya sa tawag mo?"

Nakagat ng dalaga ang pang-ibaba niyang labi bago napailing. "Hindi pa rin."

"Naiinip na ang mga bisita, L.A. Anong sasabihin natin sa kanila?"

Bahagya siyang yumuko. Muling humugot ng hininga saka niya sinalubong ang tingin ng kaibigan.

"P-pakisabi na lang na maghintay pa sila ng kahit sampung minuto pa. Eya, alam kong darating si Arthur. B-baka na-traffic lamang siya," aniyang bahagyang nanginginig ang boses sa pagpipigil na tuluyang maiyak sa harapan ng kaibigan.

Isang bahagi ng isip niya ang nagsusumigaw na wala na siyang hihintayin pa. Ngunit pilit niya iyong iwinawaksi at kinukumbinsi ang sariling hindi siya magagawang iwanan ni Arthur. Pareho nila iyong pinangarap at pinaghandaan, kaya naman alam niya sa sariling sisiputin siya ng kan'yang groom.

Makikita sa mga mata ng kan'yang kaibigan ang simpatya. Matagal pa itong tumitig sa kan'yang mga mata bago nagsalita. "Friend, hindi naman sa pinag-o-overthink kita. Pero sigurado ka bang darating pa talaga si Arthur?"

Pilit siyang ngumiti, pilit na pinapatatag ang loob. "Eya, darating siya. Nangako siya sa akin na magsasama kami hanggang sa huling araw ng mga buhay namin. Kasi kung hindi niya ako sisiputin sa araw na ito, sa tingin mo ba ay pupunta pa rito ang mga magulang niya?"

"Friend, kahit sila ay hindi magawang ma-contact si Arthur. Hindi nila alam kung nasaan na siya," sambit nito. "Mahigit isang oras na tayong naghihintay sa pagdating niya."

Muling napayuko si Louisse saka mahigpit na nahawakan ang suot na wedding gown. Nahagip ng kan'yang mga mata ang engagement ring na isinuot sa kan'ya ng nobyo.

"Louisse Anastacia Alejo, are you willing to spend your life with me?"

Tinakpan niya ang mukha gamit ang dalawa niyang kamay nang magsimulang pumatak ang mga luhang kanina niya pa pinipigilan. Tumataas-baba na rin ang kan'yang balikat dulot ng pagpipigil na lumakas ang kan'yang hikbi. Hanggang sa maramdaman niya ang bahagyang pagtapik ng kaibigan sa kan'yang balikat.

"Ako na ang magsasabi sa kanila na hindi na matutuloy ang kasal," ani Eya.

Pababa na sana ng sasakyan ang kaibigan nang pigilan ito ni Louisse. "Huwag. Dito ka lang, Eya. Pakiusap. Darating siya. Darating si Arthur. Sisiputin niya ako sa kasal namin, maniwala ka," pagpupumilit pa rin ni Louisse.

Magsasalita pa sana ang kaibigan nang pareho silang magulantang nang tumunog ang cellphone niyang nasa kandungan. Nagkatinginan muna silang dalawa bago niya iyon sagutin.

"K-kris."

Kahit anong pigil ni Louisse ay napapiyok pa rin siya nang tawagin ang pangalan ng kaibigan ng nobyo.

Humugot muli siya ng malalim na hininga bago nagpatuloy. "Kumusta? Nahanap mo na ba si Arthur? Kasama mo na ba siya ngayon?"

Sandaling dumaan ang ilang minutong katahimikan bago tila nadurog ang puso ni Louisse nang marinig ang mga salitang binitiwan ni Kris.

The UnWanted Billionaire Where stories live. Discover now