Huling Bilang

608 65 16
                                    

MABILIS na kumalat sa buong mundo ang nangyari sa Mindoro. Maraming mga taga-ibang bansa at banyaga ang nagpunta sa Pilipinas para makuhanan ang nangyari sa isla ng Mindoro, sa Halcon.

Nasunog ang gitnang bahagi ng kabundukan. Ang lahat ng mga imbestigador ay kanya-kanya ng hinuha sa mga nangyari ito.

Ang mga bangkay ng mga lobo na naroon, lahat iyon ay tinupok ng apoy hanggang sa naging abo. Hindi tuloy masabi ng mga eksperto kung may namatay ba rito o kung ilan ang mga ito.

Mabuti na lamang at umulan nang malakas kinabukasan kaya napahina noon ang apoy.

Ang natirang palaisipan nga sa mga nag-iimbestiga ay ang mga sumabog na trak sa hindi kalayuan.

Ngunit hindi lang iyon ang naging malaking isyu para sa marami. May isa pang malaking suliranin ang mga naroon, nakita nila na labis na napinsala dahil sa sunog ang Halcon. Marami ring mga hayop na nakatira roon ang namatay.

Mula sa itaas, makikita ang ilang ektaryang kagubatan ang nasunog. Dito na rin inungkat ng mga ilang organisasyon ang mga iligal na aktibidad na ginagawa sa bawat panig ng bundok.

Ilang taon na rin nang palagiang nakakaranas ng pagbaha ang mga bayan na nasa paanan nito. Sa bawat malakas na ulan sa Halcon, ang tubig dito ay bumababa sa mga ilog at mabilis na pinapaapaw ito.

Marami ng tao ang natatakot sa tuwing mararanasan ang pagbaha.

Napakaraming banlik at troso ang makikitang kasama noon. Ngunit bulag ang gobyerno ng probinsya sa mga ganoong isyu. Isa pa, kahit hindi ang Panginoon ng lobo ang nasa pwesto, karamihan pa rin ng mga nasa kapangyarihan ay gustong magkaroon ng pagmimina sa bundok.

Napakayaman ng bundok Halcon pagdating sa mga mineral.

Ngunit maaapektuhan ng planong ito ang Agrikultura sa probinsya. Sa Halcon nagmumula ang buong porsiyento ng patubig sa bawat taniman dito.

Kapag nasimulan ang pagmimina, tatamaan nito ang mga kanlungan ng tubig sa bundok. Isa pa, walang kasiguraduhan kung isasaayos muli ng mga ito ang kagubatan doon kapag pinagpuputol nila ito.

Kinundena ng maraming mga grupo ang mga nangyari at ang pagmiminang gaganapin sana rito ay mabilis na ipinatigil.

Nagdiwang ang mga tumutuligsa sa pagmimina.

Isa rin sa mga naging palaisipan ng mga tao ay kung saan napunta ang kanilang gobernador. Pagkatapos ng nangyari sa Halcon ay naglaho na ito. Isa pa, kahit ang pamilya nito ay sinabing hayaan na lamang sila. Ayaw na raw ni Elfidio sa politika. Isa pa, ilang mga itim na lobo rin ang nagtakip sa mga nangyari.

Nawala na ang mga lobo, at tila bumalik na sa normal ang lahat sa paglipas ng mga araw.

*****

SERYOSONG nakatingin si Koga sa kawalan habang nakaupo sa labas ng kanilang bahay sa Xevera. Natapos na nga ang lahat. Hindi na siya isang lobo at alam niyang wala na ring saysay ang mga itim na lobo na hanapin sila, isa pa, wala na ang kanilang abilidad na makaamoy nang sobra.

Bumalik sa alaala niya ang nangyari nang patayin niya si Lycan. Sa paghawak niya sa puso nito ay tila may kumausap sa kanya gamit ang isip.

Si Lycan iyon.

"Alam ko Koga, dahil sa akin... Kaya namatay ang anak mo. Alam ko rin na malaki ang galit mo sa akin..."

"Nang bumaba ako sa patag... At nang sabihin ni Lantaw sa akin na malapit ko nang magawa ang misyon ko..."

"Nasa isip ko na ang patayin ang sarili ko para bumalik sa normal lahat ng mga lobo."

"Tapos na ang misyon ko bilang Itinakda, kaya wala nang saysay na ako ay mabuhay."

"Koga... Maraming salamat sa pagpapatuloy mo sa akin. Maraming salamat sa oras na ibinigay mo sa akin sa patag para maranasan ko kahit papaano kung paanong maging taga-patag."

"Patawad din kasi hindi ko naprotektahan ang Halcon. Hindi na natin mapipigilan ang pag-unlad sa patag. Darating ang panahon... Ang maganda nating kalikasan ay mauubos. Parte na ito ng reyalidad."

"Nakita ko ang lahat nang makarating ako sa patag. Walang disiplina ang mga mortal. Basta na lamang silang magkalat. Pera lamang ang mahalaga sa kanila. Kahit masira ang kalikasan, wala silang pakialam..."

"Hindi ko alam Koga kung may pag-asa pang magbago ang lahat..."

"Pero sana dumating ang araw na maging balanse ang mukha ng kaunlaran at ang ganda ng kalikasang gusto nating makamit!"

Hindi namalayan ni Koga na umiiyak na pala siya matapos marinig iyon. Parang gusto niyang ibalik ang oras at iligtas si Lycan. Ngunit huli na ang lahat. Nawalan na ito ng buhay.

Mahal ni Lycan ang kalikasan, mahal nito ang kanyang lahi... Hindi nito naranasan ang mga naranasan ng mga kaedadin niya sa patag. Ngunit ang mga ngiting sa labi ni Lycan ay dulot lamang ng mga simpleng bagay na nakikita niya sa kagubatan.

Ang pagragasa ng malinis na tubig sa batis.

Ang pagsibol ng itinanim niyang buto sa mga kalbong parte ng Halcon.

Ang paglanghap ng sariwang hangin.

Ang pagtakbo ng mga hayop sa kagubatan.

Ang malayang paglipad ng ibon sa kalangitan.

Ang paggalang at pagtulong sa matatanda.

Ang pagmamahal sa mga nagpalaki sa kanya na hindi man lang niya nailigtas... Pero magkaganoon man, alam niyang masaya sina Lantaw. Alam ni Lycan na naghihintay ang mga ito sa kanya sa kalangitan.

*****

NAKITA ng mga mata ni Lycan ang kaibahan ng tahanan niya sa bundok at sa patag. Nakita niya ang kaibahan ng mga taong nakasama niya at ng mga taong maganda ang kasuotan sa baba ng bundok.

Kung may disiplina lamang sana ang mga mortal, at kung hindi ganid ang mga nasa kapangyarihan... Masasabi sana ni Lycan na sana'y sa patag na sana sila mamuhay.

Ngunit imposibleng mangyari iyon at kahit lumipas pa ang maraming taon, ang Halcon pa rin ang pipiliin ni Lycan.

*******

ISANG normal na umaga para kay Lovelle, pumasok siya sa paaralan kagaya ng kanyang nakasanayan. Aminado siya, nalungkot siya nang malamang namatay na si Lycan.

Hindi niya kasi maiwasang maalala ito kahit na siya'y nawiwirduhan dito.

Sa paglalakad nga ng dalaga ay may nakita siyang mga lalaking basta na lang itinapon sa tabi ng school ang mga pinagkainan ng mga ito.

Hindi niya nagustuhan iyon kaya mabilis niyang nilapitan ang mga iyon.

"Hoy! Limutin ninyo ang kalat ninyo!" May kalakasang sinabi ng dalaga. Ang mga lalaki naman ay napatingin sa kanya.

Tinawanan lang siya ng mga iyon.

"Ikaw na ang maglimot miss! Ikaw ang nakakita... Tsaka, may taga-linis naman ang school."

Ito ang mentalidad ng karamihan sa mga mortal.

Wala nang nagawa si Lovelle kaya naisipan niyang siya na ang maglimot ng mga kalat.

Hindi siya nahihiyang gawin ito. Kahit siya ay pagtawanan...

Nang lilimutin na ng dalaga ang mga basura ay napansin niyang may isang nakauniporme ring lalaki ang naglilimot na niyon.

Inilagay ng binata ang basura sa tamang tapunan nito. Pagkatapos noon ay nakangiti niyang tiningnan si Lovelle.

"Okay na miss," winika ng binata na ikinagulat ni Lovelle nang ito'y makita.

Nakapikit ang isang mata nito habang nakatingin sa kanya.

WAKAS!

10-3-20





*****

Maraming Salamat sa pagbabasa nito. Follow me on Wattpad and Dreame. Like and share ang story if nagustuhan mo. :)

-taongsorbetes

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Where stories live. Discover now