Ikadalawampu't Pito

361 45 7
                                    

NANG maubos ang mga bala sa magasin ng mga baril ng mga itim na lobo ay napangisi ang bawat isa. May ilang mga pulang lobo sa loob ng mga sasakyan ang bigla na lamang humandusay at kasalukuyang naliligo na sa sarili nilang mga dugo.

Umaapoy ang tatlong trak hanggang sa bigla na lang sumabog ang mga ito na nagpayanig ngang muli sa paligid. Doon na rin nagsitalsikan ang katawan ng mga hindi nakaligtas na mga pulang lobo.

Pero iilan lang iyon sa mga namatay. Sa likuran ng umaapoy na mga sasakyan ay unti-unting naglalakad palapit dito ang mga pulang lobong nagngangalit ang mga pangil habang may dalang mga armas. Nagliliwanag din ang mga matang-lobo ng mga ito.

Pinipigilan ni Koga ang maging emosyonal sa mga nangyari. Inaasahan na rin niya na may masasawi sa pagpunta nila rito. Nasabi na niya sa pagpupulong na hindi mawawala ang mga mamamatay sa labang ito.

Nababalot ng pulang balahibo ang nasa apatnapu pang mga kasama ni Koga. Sa pagdating nila sa mga nasunog na sasakyan ay ang pag-alulong nila na naging dahilan para maalarma ang mga itim na lobo sa kabilang bahagi.

Nagsipaghanda na ang mga ito at mabilis na kinargahan ng magasin ang kanilang mga armas, ngunit, sa pagkakataong iyon ay ang mga pulang lobo naman ang nagpaulan ng mga bala.

Ang mga kalabang nasa harapan ay unti-unting binaunan ng mga bala sa kani-kanilang mga katawan. Hindi na napigilang bumulwak ng masaganang dugo mula sa mga sugat at bibig ng mga ito. Ang mga nasa likuran ay ginamit na panangga ang mga namatay nilang mga kasama. Doon ay humakbang na sila para sila naman ang umatake. Nagsilabasan na rin ang mga itim na balahibo ng mga ito. Kasunod noon ay ang pagliwanag ng mga matang-lobo ng mga ito.

Umalingawngaw ang alulong ng mga lobo at kasunod noon ay nagsitakbuhan nang mabilis ang karamihan habang nakalabas ang matatalas na kuko.

Isang itim na lobo ang biglang lumitaw sa harapan ni Koga, ngunit napangisi na lang ito. Bago pa man siya tamaan ng matatalas na kuko nito ay mabilis niya iyong hinampas gamit ang hawak na baril. Kasunod din noon ay ang mabilis paghawak nito sa likod nito.

Gamit ang lakas, ibinato iyon ni Koga palayo nang walang kahirap-hirap.

Nagpaulan na muli ng mga bala ang magkabilang panig, subalit sa pagkakataong iyon, ginamit na ng mga lobo ang kanilang bilis para iwasan ang mga iyon.

"Uubusin namin ang lahi ninyo!" Bulalas ni Rafael, isang malakas na itim na lobo. Nasa edad kuwarenta na ito ngunit isa ito sa malalakas.

Ibinaon nga nito ang matatalas na kuko sa tapat ng puso ng isa sa mga pulang lobo. Kinuha nito ang tumitibok na laman noon at pagkatapos ay inihampas sa lupa na tila wala lang dito.

Napatingin din ito sa isang pulang lobo na pakiramdam niya ay malakas. Si Conrado, isa sa mga Pangil. Biglang naglaho si Rafael at tumakbo sa likuran ng bago niyang target.

Mabilis nitong iniunday ang naliligo sa dugong mga kuko patungo sa likod ng target. Ngunit mabilis na iginalaw ni Conrado ang kanang kamay nito. Mabilis nitong sinalag ang kamay ni Rafael.

Kumawala ang malakas na hangin sa kinatatayuan ng dalawa.

"Isa kang Pangil? Hindi ba?" Tanong ni Rafael at nagtinginan ng mata sa mata ang dalawa. Kasunod noon ay naglaho ito pareho.

Mabilis na tumalon sa ere ang dalawa pagkatapos at paglapag nang magkatalikod ay biglang may sugat na gumuhit sa kabilang pisngi ng bawat isa.

"Hindi na masama para sa isang Pangil," sambit ni Rafael na biglang kumawala ang itim na aura. Kasunod noon ay kumawala ang maitim na presensya nito.

Paglingon ni Conrado, nakita niya ang gagawin ni Rafael ngunit nabigla siya sa sunod na mga nangyari.

Isang malakas na hangin ang tila tumagos sa katawan ng pulang lobong si Conrado. Kasabay noon ay ang pagtalsik ng puso nito palabas mula sa dibdib nito.

Si Rafael, nasa likuran na nito at kasalukuyang nababalot na ng masaganang dugo ang magkabilang mga kamay. Nakangisi ito at makikita rito ang malakas na aura ng isang tagapaslang.

"Isang Pangil na naman ang nawala... Mahina talaga ang inyong lahi..." Sambit ni Rafael at pagkatapos ay umalulong ito nang malakas para sabihing siya ang pinakamalakas na lobo sa lugar na iyon.

9-19-20

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon