Ikalabing-apat

591 68 6
                                    

NASA seryosong pag-uusap sina Koga at Lycan habang sila'y nasa labas ng bahay. Nakaupo sa terasa. Pasado ala-una na ng bukang-liwayway iyon. Pahiwatig iyon na masinsinan at dapat yata'y sila lang ang makakarinig ng mga bagay na lalabas mula sa kanilang bibig.

"Pitong araw mula ngayon. Magaganap ang pagdilim ng kabuuan ng buwan sa gabi. Ang New Moon!" sabi ni Koga matapos humigop ng kape mula sa hawak nitong maliit na tasa.

"N-nyu m-mun?" bigkas naman ni Lycan dahil bago sa pandinig nito ang huling narinig na salita. Kasalukuyan din itong kumakain ng potato chips. Iyon na nga rin ang ikatlong balot na nakain nito.

"Oo... Ang pagdidilim ng buwan. Tila hindi sa iyo nabanggit ni Lantaw. Pero sa sandaling iyon, magkakaroon ng higit na enerhiya at kapangyarihan ang mga itim na lobo..."

Biglang sumeryoso si Lycan matapos marinig ang mga salitang "itim na lobo". Mukhang may bumalik sa gunita nito. Tila hindi iyon isang magandang alaala base sa itsura ng isang mata nito.

"Nais kong malaman mo Lycan..."

"Na ang pagsira sa kagubatan sa Halcon... Ang pagmiminang gagawin ay hindi dahil sa kayamanan o anong klaseng mineral na naroroon..."

"Ang mga itim na lobo ang nasa likod nito! Hangad ng panginoon nila na muling mahukay sa kaila-ilaliman ng bundok ang labi ng kanilang mga ninuno..."

"A-ano ang ibig ninyong sabihin?" tanong ni Lycan na halatang nagkainteres na sa pag-uusap nila.

"Ang buto ng kanilang mga ninuno..."

"Sa oras na kainin ito ng panginoon ng mga itim na lobo. Katapusan na ng lahat ng mga nilalang dito sa lupa."

"Imortalidad at walang-hanggang kapangyarihan! Ito ang makakamit ng panginoon nila! Pagkatapos ay paghaharian nila ang buong mundo..."

Napatayo mula sa pagkakaupo si Lycan. Nagngalit ang ngipin nito at napakuyom ng kamao.

"Kung gano'n... Dapat ko silang masupil!" wika ng binata habang nakatanaw sa kawalan.

"Kaya Lycan, hinihiling ko na sumanib ka sa aming pwersa! Tutungo tayo kina Lantaw bago ang ikapitong araw mula ngayon," wika ni Koga.

"Nabatid namin na sasalakayin na nila ang kanilang tribo dahil sa labis nilang pagtutol sa pagmimina..."

"Papaslangin nila sina Lantaw!"

Natigilan si Lycan. Ang mga Mangyan, sina Lantaw, ang naging ikalawa nitong pamilya matapos maging ulila. Ni hindi niya lubos maatim na sasapitin ng mga ito ang sinapit ng kanyang magulang. May kaunting pulang tila apoy na liwanag ang biglang lumalabas sa katawan ng binata habang nakakuyom ang kamao.

"Pipigilan ko sila!" wika ni Lycan. Nilapitan naman ito ni Koga at tinapik ang kanang balikat.

"Pipigilan natin sila. Kasama mo kami... Itinakda!" wika ni Koga at naging mata ng lobo ang mata nito. Bahagyang nagliwanag iyon ng pula sa gitna ng kadiliman ng oras na iyon.

Nang mga sandaling iyon, may dalawang tainga ang kasalukuyan silang pinapakinggan. Nakatayo ito sa likod ng pinto ng bahay. Maingat na nakasandal habang nasa loob ng kadiliman. Ang pag-inom lang sana ng tubig nito ay nauwi nga sa lihim na pakikinig sa usapan ng kanyang ama at ng panauhin nito.

11-8-18

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Where stories live. Discover now